Wednesday, March 10, 2010

Jeepney Press March-April Page 18



Arangkada Pinoy by Yellowbelle Duaqui

Hari at Himala

Walang himala.

Ito ang matibay na deklarasyon noon ni Superstar Nora Aunor sa pelikulang Himala na nagkamit ng “Viewers’ Choice Award for Best Asia-Pacific Film of all Time” mula sa CNN Asia Pacific Screen Awards noong 2008.

“Tayo ang gumagawa ng mga diyos, ng mga sumpa,” saad ni Aunor. Wari’y pinapakahulugan ang tendensya ng sambayanang maging mapagpaniwala sa himala, inanyayahan ng batikang aktres na basagin sa kamalayan ang mga mito ng panahon. Sa ganitong diwa ng pagbasag ng mito, napapanahon sa puntong ito ng kasaysayan ang pagsusuri sa mga namamayaning kaisipan na may kinalaman sa nalalapit na halalan.

Unang mito: ang paggamit sa ngalan ng Diyos. Maraming tao, lalo na ang mga pulitikong tumatakbo ngayon sa halalan 2010, ang palagi na lang ay sinasambit ang pangalan ng Diyos. Marahil ay ginagawa ito para bahiran ng kabanalan ang kanilang pagkatao, magmukhang alagad ng Diyos, at maging tama o katanggap-tanggap sa mata ng lahat ang kanilang ambisyon o misyon, alinman sa dalawa. Ngunit ang Bibliya mismo ay nagsasabi na kahit na ang Demonyo, puwedeng banggitin ang pangalan ng Diyos, at baliktarin ito para sa kanyang lisyang hangarin. Mahalagang maging mapanuri sa panahong ito kung sino sa kanila ang huwad na banal at sino sa kanila ang totoong instrumento ng nasa itaas upang buwagin ang kasamaan at paglingkuran ang kabutihan sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang maka-Diyos at makataong lipunan.

Pangalawang mito: ang apelyido. Tunay na magandang batayan sa pagpili ang mga taong nagtataglay ng malinis na pangalan – yaong mga hindi nadungisan ng masasamang gawa tulad ng pagpatay, pagnanakaw, pagsisinungaling at pandaraya. Sino ba ang hindi humahanga sa mga pangalang simbolo ng kabayanihan at sakripisyo para sa bayan? Ngunit dapat pa ring tandaan na hindi sapat na manahin lamang ng isang tao ang malinis na pangalan mula sa mga magulang o angkan. Ito ay dapat pandayin ng mismong taong nagtataglay ng pangalan. Kung gayon, higit sa apelyido, mas magandang suriin ang kuwentong-buhay ng isang tao, ang kanyang nakaraan, ang mga desisyong kanyang ginawa sa mahahalagang usapin at kalagayan, ang kanyang mga kilos o galaw sa harap ng mga balakid o hamon, at ang kanyang moralidad. Ito ang mas matibay na saligan ng pagkatao, hindi ang apelyido.

Pangatlong mito: ang mahirap na pinagmulan. Sa kasaysayan ng eleksyon sa ating bansa, marami na ang nagsabing galing sila sa hirap. Bukod sa ito ay malinaw na emotional appeal (pamukaw sa damdamin) sa isang sambayanang ang nakararami ay lugmok sa kahirapan, hindi ito nangangahulugan na ang pagsisilbihang interes ng taong ito ay ang uring kanyang pinagmulan. Ngunit kahit pa sabihing emotional appeal lang ang ganitong istratehiya, marami pa rin sa atin ang kumakagat sa ganitong linya. Marami pa rin ang nagtitiwala na ang taong nagmula sa ganitong uri ay magtataguyod ng kapakanan ng mga taong nasa ganito ring kalagayan. Matagal nang basag ang mitong ito kung susuriin ang ilang halimbawa sa kasaysayan. Umunlad ba ang bayan sa kamay ng apo ng isang labandera? Naglaho ba ang kahirapan nang lumitaw ang isa umanong “para sa mahirap”? Kung gayon, ang paligsahang ito ay hindi tungkol sa kung sino ang “tunay na mahirap” – dahil ang isyu rito ay kung sino ang may tunay na hangarin at kakayahan na hanguin ang bayan mula sa kahirapan. Sa panahong ito, mas mabuting huwag magpadala sa damdamin lang.

Pang-apat na mito: ang wagas at dalisay na hangarin. Marami ang susubuking ipakita sa taong bayan na malinis ang kanilang intensyon sa panunungkulan. Ngunit hindi sapat ang hangarin o intensyon, tulad din ng kaisipang hindi sapat ang salita kung hindi tinutumbasan ng gawa. Ngunit malaking hamon ang kahulugan ng paggawa. Una, dahil ang isyu dito ay kakayahan: may kakayahan ba ang taong ito na gawin ang kanyang hinahangad? Ano na kaya ang napatunayan ng taong ito batay sa kanyang mga ginawa bago lumahok sa pulitika? Pangalawa, mahalagang tanungin ang tungkol sa programa: ano ang kanyang plano? Paano niya tutugunan ang mga isyung panlipunan na kanyang binanggit sa kanyang kampanya? Kaya sa usapin ng hangarin, hindi dito nagtatapos ang pagsusuri dahil kalakip nito ang kakayahan at plano.

Pang-limang mito: ang paglilingkod sa bayan sa pamamagitan ng pulitika. Marami ang gumagamit ng ganitong linya, na para bang hindi maaaring maisagawa ang paglilingkod sa bayan kung hindi lalahok sa pulitika. Bukod sa marami ang paraan at pagkakataon para maisagawa ito, dapat ding tandaan na hindi ubrang pagsabayin ang layuning personal (tulad ng pagpapayaman o pagpapalago ng sariling kaban) sa layuning maglingkod sa bayan. At kung intensyon ang titingnan, ang taong gagamit ng kapangyarihan para sa pansariling pagpapayaman ay malinaw na hindi naglilingkod sa interes ng bayan. Ang pamumuno ay hindi isang korona, ito ay isang krus na pinapasan, kung talagang tutotohanin. Kaya ang nakahanda lamang mag-alay ng sarili at kalimutan ang pansariling interes ang nararapat sa karangalang ito.

Pang-anim na mito: na ang ugat ng problema ng ating lipunan ay katiwalian. Naniniwala ako na ang pangungurakot ay isang kanser sa ating lipunan na nagpapasidhi sa dukhang kalagayan ng pamumuhay ng sambayanan. Ngunit mula sa sosyolohikal na pananaw, ang katiwalian ay isa lamang sintomas ng higit na malalalim at kumplikadong sistema at mga puwersang nagbibigay-buhay sa kahirapan. Kung gayon, hindi puwedeng simplistikong pagsusuri lamang ang gamitin sa pagtukoy sa ugat ng kahirapan dahil magbibigay-daan lamang ito sa isang malasadong kasagutan. Mas maiging sagutin muna ang ganitong mga katanungan kung ang hanap natin ay ang ugat na pinagmumulan ng kahirapan sa ating bayan: Anong uri ng strukturang panlipunan mayroon sa Pilipinas? Ano kaya ang mga historikal na puwersang nagdulot ng kahirapan? Ano ang mga kultural na dahilan? Mahalagang alalahanin na magkakawing ang istruktura at kultura ng isang lipunan, ngunit may kanya-kanyang dinamiko at kahalagahan.

Pang-pitong mito: ang solusyon sa kahirapan ay isang karismatikong indibidwal. Kung ang pagsusuri sa kahirapan ay hindi wasto, mas lalong hindi magiging tumpak ang solusyon dito. Para rin itong karamdaman na nabigyan ng maling lunas kaya higit na lumala. Isa sa mga popular na kaisipang lumulutang sa ngayon ay ang karismatikong indibidwal bilang sagot sa kahirapan. Maaaring ang isang karismatikong pinuno ay makapagpapabago ng isang lipunan sa pamamagitan ng kanyang halimbawa at inspirasyon o sa husay ng kanyang pamamahala, subalit ang puwersa ng pagbabago ay higit na dapat magmula sa mga taong malalakas ang isipan at maliliksi ang mga katawang kumilos para maiangat ang antas ng pamumuhay ng isang lipunan.

Hindi tayo magiging biktima ng manipulasyon kung ang ating titingnan ay “facts” – mga bagay na totoo at nasusuri natin. Mag-ingat tayo sa mga nagdadagdag o nagbabawas o nagsi-sensationalize ng mga datos upang makuha ang ating damdamin at suporta.

Nasa puso nating lahat ang himala.

No comments:

Post a Comment