Wednesday, March 10, 2010

Jeepney Press March-April Page 3



Sa Tabi Lang Po! by Renaliza Chavez

NGUYA

Papunta ako nung isang hapon sa grocery upang mamili ng pagkain. Nauubos na kasi ang pagkain namin sa refrigerator. Sa tuwing bubuksan ko ito, wala akong makitang pwede kong papakin. Puro hilaw na gulay at mga nagyeyelong isda at karne. Hindi ko ginalaw ito at baka mag-amok ang aming tiyahin. Siya kasi ang nagluluto sa bahay at inilalagay niya sa iisang supot ang lulutuin niya sa isang araw. So kung titingnan mo ang loob ng freezer, pwera sa nakaimbak na yelong pang-inumin, eksaktong pang isang linggo ang laman nito. Pitong supot ng nagyeyelong karne, manok o isda ang nasa loob nito. Isang supot para sa bawat araw ng linggo.

Pwera sa mga hilaw na karne at gulay, tubig, ketchup, at tirang sabaw kahapon, walang lamang kutkutin ang aming ref. Wala man lang tinapay o palaman o juice. Inuubos kasi ng aking matakaw na kapatid lahat. Kapag bumili ka ng isang loaf ng tinapay, asahan mong bukas o sa umaga ng araw pagkatapos nun eh wala ng tinapay. Kung meron man, ang dalawang matigas na dulo ng loaf na lang ang tira. Wala na ring palaman. Wala rin kaming biskwit o kung anu-ano man lang na makakain sa bahay dahil nga lahat ng ito ubos na, o sadyang wala.

Pero gutom ako at balik ako ng balik sa ref. Unang bukas ko pa lang, alam ko nang wala akong makakain dito na pang merienda. Nakatayo lang ako dun na nakatitig at iniisa-isa ang mga laman ng ref. Pagkatapos ay hihinga na lamang ako at isasara ito. Pero ewan ko ba na kahit alam ko namang ganun pa rin ang makikita ko sa loob kapag ito’y binalikan ko’t binuksan ulit eh bukas pa rin ako ng bukas. Wari bang may makikita akong misteryosong pagkaing bigla na lamang lulutang kapag ito’y binuksan ko ang tinitigang muli.

Tumingin ako sa kusina, may kanin naman sa rice cooker namin, at may ulam naman sa loob ng kaserola at pritong isda sa mesa. Lagi namang may kanin at ulam sa bahay namin kahit anong oras ng araw. Ngunit alas tres y medya na ng hapon at ayokong kumain ng kanin at ulam sa ganitong oras. Naghahanap ako ng makukutkot o snack. Walang snack sa bahay namin. Gaano kadalas ang minsang may snack sa bahay namin. Kung meron man eh kabibili lang nun at hindi pa inabutan ng magdamag. Kaya, nagpasya na lang akong mamili.

Papunta na nga ako sa grocery nun, mga ilang minuto na rin akong naglalakad habang nag-iisip kung ano ang bibilhin nang bigla kong na realize na mali ang direksyong nilalakad ko. Pero imbes na bigla na lamang akong bumaling pabalik eh huminto muna ako, kunwaring tumingin sa aking relo at cellphone. Tsaka lamang ako bumalik papunta sa aking pinanggalingan na pailing-iling habang naglalakad, kunwari ba’y may nakalimutan. Baka kasi isipin ng mga tao na sira ulo akong bigla na lamang lumiko at bumalik.

So habang naglalakad ako papunta sa direksyon ng grocery, iniisip ko kung ano kayang makakain ang masarap kainin ngayong hapong ito. Siopao na may sandamakmak na banana ketchup na itinuturok ng nagbebenta nito pag itineyk-out? Yung buy-one-take-one na hamburger na sobrang nipis ng karne kaya? Kwek-kwek na hindi naman itlog ng pugo ang laman kundi isang maliit sa hiwa ng puti ng itlog? Banana-cue na inaratay ang sabah kaya matigas? Barbeque ni Rochelle na hindi pa luto dahil alas quatro y medya pa siya nagsisimulang mag-gisa? Marami akong naisip kainin na hindi naman nabibili sa grocery at marami rin akong naisip kaining wala sa kalye. Pero hindi ako makapag desisyon kung ano ba talaga ang iuuwi ko sa bahay upang imerienda naming lahat. Ito na yata ang isa sa pinakamahirap na punto ng aking araw, ang pag-isipan kung ano ang bibilhin. Kung meron man akong naisip, ayoko dahil hindi gaanong masarap. Gusto ko yung masarap!

Habang naglalakad ako, bigla kong naalala yung napanood ko sa TV Patrol nung isang gabi. Tungkol ito sa isang batang lalaking ipinanganak na hindi magkadugtong ang lalamunan at bituka. May butas siya at tubo sa tagiliran kung saan dito ipinadadaan ang gatas diretso sa kanyang tiyan. Mga limang taon na siya ngunit hanggang ngayon eh ganito pa rin ang paraan ng kanyang pagkain. Hindi niya natitikman ang pagkain at hindi niya manguya. Ultimo yung gatas na bumubuhay sa kanya ni hindi niya nalalasahan. Hindi niya alam at hindi niya nalalasap kung gaano kasarap ang kumain, isang luho na tinatamasa nating mga normal na tao.

Nakunsensya ako. Siya nga na ganito ang sitwasyon eh hindi nagrereklamo, mabuhay lamang, tulad ng mga taong walang makain. Tapos ako, napakaselan pa sa pagkain. Ginatungan pa ang kunsensya ko nang may isang batang nagpapalimos na lumapit sa akin. “Ate, pahingi naman, pangkain lang…” bati niya sa akin. “Kelan ka huling kumain?” tanong ko sa kanya. Nagulat ako sa sagot niyang, “Ate pakibilisan naman oh, nagmamadali ako eh.” Parang joke…parang gusto ko siyang batukan ngunit pinigil ko ang sarili ko at binigyan ko siya ng limang piso. Sampu sana ibibigay ko, kaso pilosopo. Kaya yun, umuwi na lang ako at kumain ng kanin at ulam. Sana bukas, bumili and tiyahin ko ng tinapay.

No comments:

Post a Comment