Thursday, May 13, 2010

Jeepney Press May-June 2010 issue page 20



e-deshou? by Edward Labuguen

PILIPINO PO AKO!

"Iniibig ko ang Pilipinas, aking lupang sinilangan, tahanan ng aking lahi, kinukopkop ako at tinutulungang maging malakas, masipag at marangal. Dahil mahal ko ang Pilipinas, tutuparin ko ang tungkulin ng isang mamamayang makabayan, nagli-lingkod, nagaaral at nagdarasal ng buong katapatan. Iaalay ko ang aking buhay, pangarap at pagsisikap sa Bansang Pilipinas. Sisikapin kong maging tunay na Pilipino, sa isip, sa salita at sa gawa."

Yan and madalas nating bigkasin na mga salita, noong nagaaral pa tayo, Ang Panatang Makabayan, na alam ko na marami na sa atin ang hindi na nakakasaulo sa mga linya na yan. At ang masakit, marami na rin sa atin ang hindi tumupad sa panata na yan, bilang isang totoo at tunay na Pilipino. Ngayong Hunio 12, ay ipagdiriwang na naman natin ang ika-112 taong Anibersaryo ng ating Kalayaan. Panahon din sana nating alalahanin, ang mga taong nagbuis para makamtan natin ang kalayaan na minithi ng bawat Pilipino. At patuloy sana nating damhin ang kalayaan na yan sa ating mga diwa at puso. Ang tunay na Pilipino ay pagbibigay halaga sa mga magagandang ugali na namana pa natin sa ating mga ninuno, bilang Mabait, Maka-Diyos, Matulungin, Mapagmahal sa Pamilya at sa Bayan. Ipakita natin sa ibang tao na yan ang tatak ng isang Pilipino, saan man sa sulok ng mundo. At huwag nating ikahiya ang kinagisnan nating kultura, bagkus, dapat ipagyabang pa natin ito. Mabagal ang pag-usad ng kaunlaran sa ating bansa, dahil kalimitan ay pinapairal natin ang mga ugali na hindi karapat dapat, at nahaluan pa ng dumi ng pulitika kung saan kalimitan naiiupo sa katungkulan ay mga taong ganid sa kapangyarihan, kayamanan at katanyagan. Sa mga oras na ito, ay natapos na ang masalimuot at magulong halalan sa Pilipinas, at sana kung sino ang mga nakaupo, ay gawin ang kanilang tungkulin bilang isang tunay na Pilipino, na magsilbi ng buong puso para sa kapakanan ng ating Inang Bayan, at panahon na rin na tayong mamamayang Pilipino ay magkaisa para sa iisang layunin, na sana makaahon na sa kahirapan ang ating bansa. Bilang isang migranteng Pinoy, ay kasama tayo sa pangarap na yan, at tayo rin ay may responsibilidad na tumulong para sa mithi nating kasaganaan.

Dito sa Gifu Prefecture, iniimbitahan po namin kayo na maki-isa sa selebrasyon ng ating Philippine Independence Day sa pamamagitan ng Phil-Jap Asia Tomonokai, na gaganapin sa Fukushi Center, Kani City, sa June 6, 2010, 1PM. Uumpisahan ang pagtitipon sa pamamagitan ng Banal na Misa ni Fr. Jake Ferrer, SVD, na susundan ng munting Pinoy salo-salo habang pinapanood ang mga sayaw at awit na magpapamalas ng kultura mula Luzon, Visayas at Mindanao. Ang pagtitipon na ito ay suportado ng Pamahalaan, International Exchange Center ng Minokamo City at inaasahan din na makakarating si Consul Alan Deniega ng Konsulado ng Pilipinas sa Osaka na bisitang pandangal. Maki-isa sa amin and Let us be Proud Pinoys!

At sa buwan ng Hunio, 2010 ay siya ring pagtatapos ng Taon para sa mga Pari, na itataon sa ika-150 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Sto. John Mary Vianney na patron ng kaparian, at ang kapistahan ng Solemnidad ng Banal na Puso ni Hesus. May tema itong "The Faithfullness of Christ, the Faithfullness of the Priest." Ang taon na ito na itinalaga ng Simbahan sa pamamagitan ni Santo Papa Benedicto XVI, para mas mapalalim ang pagsisilbi ng ating mga Pari para sa pagpapalaganap ng Ebanghelio sa panahon natin, at para mas patunayan na ang Kaparian ay pagmamahal sa Puso ni Hesus. Patuloy sana nating ipagdasal ang ating mga Pari. Salamat sa mga mababait at matiyagang mga pari na nagsisilbi sa aming komunidad, Fr. Fritz, SVD, Fr. Jake Ferrer, SVD, Fr. Mieda,SVD, Fr. Thomas, SVD, at ang kura paroko naming si Fr. Hirata, SVD.

------------------

Connections ni Richard Diaz Alorro

Ang Bagong Juan Dela Cruz at ang FACEBOOK

Sa mga panahong ito, ang aking ordinaryong araw ay hindi nagiging kumpleto kung walang internet. Sa aking pag-gising sa umaga, naging parte na ng aking mga ritwal ang pagbukas ng aking computer. Habang ako’y naghahanda sa pagpasok sa eskwela, kasama sa aking agahan ang internet. Nakagawian ko na ang hindi pag-alis ng bahay na hindi nakapag-check ng email, weather forecast, online newspaper, at higit sa lahat ng FACEBOOK.

Hindi naman siguro ako nabibilang sa mga binansagang “addict” sa FACEBOOK. Kuntento na ako na mabuksan ang aking account, makita ang news feed of the day, ang horoscope, ang mga nagdiriwang ng kaarawan, at mga bagong balita sa mga kaibigang nasa aking listahan. Nakakatuwang makita ang mga larawang kuha ng mga kaibigan at kapamilya mula sa kanilang mga pagtitipon, paglalakbay, pakikipagsaya, at pagsisikap sa buhay. Kahit man lang sa mga balita o larawang ito, naging konektado ang mundo ko sa mundong kanilang ginagalawan.

Kailan nga ba ako nagsimulang maging miyembro ng Facebook? Sa pagkakatanda ko, kumuha ako ng account sa social utility na ito pagkatapos ng workshop na aking dinaluhan sa Switzerland noong 2008. Dahil nga sa kasabihang “keep in touch” ay nahikayat akong magkaroon na rin ng account para patuloy ang komunikasyon sa mga kaibigang galing sa ibat-ibang panig ng mundo. Hindi lamang pakikibalita o pagbabahagi ng impormasyon ang aking naging libangan sa Facebook. Nasubukan ko na rin ang Farmville at Restaurant City. Maraming nag-iimbita sa akin para sumali at maglaro din ng Poker, Mafia Wars and Fishville. Ngunit ang iba ay tinanggihan ko dahil sa pagiging abala sa pag-aaral at iba pang mga gawain. Sa ngayon, sapat na sa akin ang ma-update ang aking profile, at ma-check ang mga bagong pangyayari sa mundo ng Facebook.

Ang Facebook ay isang social utility na sinimulan ng mga mag-aaral ng Harvard University noong 2004, sa pamumuno ni Mark Zuckerberg. Nagsimula ito bilang isang meeting tool at sikretong instrumento para pag-usapan at manmanan ang ibang mga Harvard students. Ngayon ang Facebook ay isa nang malaking kompanya at patuloy na naging hang-out ng mga teenagers at mga young-at-hearts.* Hindi lamang mga kabataan ang
nahuhumaling sa Facebook. Lahat ng sektor ng ating lipunan ay bahagi na ng social utility na ito – nanay, tatay, lolo, lola, titser, doctor, janitor, pulitiko at iba pa. Naging mabisang advertisement space, campaign venue, at mapagkukunan ng impormasyon sa panahon ng kalamidad at emergency. Ang Facebook ay naging bahagi na ng lipunang Pilipino.

Para sa akin, ang Facebook ay naglalarawan ng isang katangian nating mga Pilipino na naging makabuluhan sa pagbuo natin ng komunidad saan mang panig ng mundo – ang pakikipagkapwa. Likas sa ating mga Pilipino ang nakikibalita, nakikihalubilo, nakikipagkwentuhan, nakikipagkumustahan, o nakikipagtsismisan. Saan man mapadpad ang Pilipino, hindi nawawala ang komunikasyon sa lupang tinubuan. Ang saya at haba ng usapan kapag may isang bagay na common sa isang grupo or magbabarkada ay hindi matatawaran ng anumang halaga. Ang pagbabalik-tanaw sa mga alaala noong tayo’y mga musmos pa o nasa high school sa pamamagitan ng lumang litrato ay nagdudulot ng ngiti sa ating mga labi. Ang makita sa Facebook at maka-usap ang dating kaklase sa elementarya o kababatang mahigit sa sampung taon na nating hindi nakikita ay talaga namang nakakagalak ng puso. Mababaw lang talaga ang kaligayahan ng mga Pinoy.

Sa mundong ating ginagalawan, karamihan sa atin ay nakikisabay na sa daloy ng masalimuot at okupadong buhay. Dahil kailangan nating kumayod at magsikap para maitaguyod ang pamilya at mai-angkop ang ating kalagayan sa bilis ng takbo ng panahon, nawawalan tayo ng oras minsan para makipagkwentuhan sa mga kaibigan at mga mahal sa buhay. Pati mga bata at mga estudyante ay nagiging abala na rin sa pagtupad ng mga gabundok na assignments at mga proyekto sa school. Wala ng patintero, tumbang preso, o takyan. Si Juan dela Cruz ay nagbago na – iba na ang panahon. Salamat sa Facebook! Buo pa rin ang barkada at updated pa rin sa buhay ng bawat isa. Nakakapaglaro pa rin ang mga bata (pati mga matatanda) ng bahay-bahayan; iba na nga lang ang pangalan. Patuloy ang balitaan, tsismisan, at ang ikot ng buhay. Kitakits na lang sa Facebook!

* Source: Laura Locke, The Future of Facebook; http://www.time.com (retrieved on April 16, 2010)

No comments:

Post a Comment