KAPATIRAN: Pangalan
March - April 2015
Kumusta, kapatid? Pwede bang malaman ang pangalan mo? Anong ibig sabihin o saan ito galing? Loleng, at your service, kasi meron na akong apo mula sa pamangkin ko pero sabi ko sa kanya, pakidikit na lang ang palayaw kong Leng sa lola, hayun, naging Loleng. O, hindi na halatang matanda, di ba? Pero syempre, ang binyagang pangalan ko ang tunay na ako.
Ano ba ang nasa isang pangalan? Ikaw ito! Sabi nga kung ano ang ibig sabihin ng pangalan mo, siya mo ring nagiging karakter. Pag-iisip, ito ang humihiwalay o ang pag-kakaiba ng nilalang na hayup at nilalang na tao. Ito rin ang pag-kakaiba ng pangalan ng isang tao sa pangalan ng kanyang pet. Kapag puti ang tuta, mabilis na Puti o Whitey ang pangalan nito pero sa isang sanggol na isinilang na maputi, hindi mo ito tatawaging Puti, kahit nga Snow White ay tila magiging katawa-tawa dahil isang cartoon character, pwede sigurong Yuki (snow), Ivy (Ivory) o isang pangalan na mayroong espesyal na kahulugan o kadahilanan. Andyan ang “JoseMaria,” pinagdikit na pangalan ng kanyang lolo at lola, o dahil relihoyosa ang mga magulang, mula sa Inang Maria at Amang Joseph, o kaya sa banal at seryosong dating, naroon ang pag-asa na magiging matalino ang baby sa paglaki.
Kelan lamang ay mayroong kaso sa France kung saan hinarang ng isang korte ang pagpapangalan ng isang mag-asawa sa kanilang anak ng “Nutella” baka daw kasi ito maging daan ng panunukso at paghamak sa sanggol sa paglaki nito. Siguro sabi ng judge, pang-tinapay bakit ginagawang pang-tao? Nagkaroon na rin ng ganitong kaso dati kung saan naman ang “Fraise” o strawberry ay hindi rin pinahintulutang ipangalan sa bata. Sa Estados Unidos naman, ang pangalan ng pagkain ay sikat at walang bawal, nandyan ang gulay na si “Kale,” prutas na si “Apple” at “Peaches,” inumin na si “Sherry” at “Coco,” pati na ang paminta na si “Pepper” at luya na si “Ginger.” Ang iba-ibang bansa ay mayroong mga patakaran o batas sa pagpapangalan ng isang sanggol. Sa China, mga pangalan na maaring mabasa ng computers lamang ang maaring magamit. Sa maraming bansa sa Europe, mayroong listahan ng mga pangalan na maaring mapili para sa isang bata, kung wala ang pangalan sa listahan kakailanganin dumadaan ito sa proseso kung saan maaring maaprubahan o hindi ang napiling pangalan ng isang magulang sa kanyang anak.
Dito sa Japan, ang isa o pagsama ng dalawang karakter na Kanji sa pangalan ay may katumbas ng kahulugan, malimit ay bumubuo ng isang kataga. Si “Miyo”ay isang beautiful sun, si “Ken” ay may sariling pag-iisip, si “Koichi” ay matahimik. Sa atin sa Pilipinas, sikat ang mga American names; James, Dolly, Hannah. Noong panahon na ipinanganak ako, ang mga pangalan ng babae ay hango sa mga Santo at lahat halos ng Katolikong babae ay may Maria (mula sa Mahal na Ina) sa kanilang pangalan. Maria Teresa si “Marites”, Maria Socorro” si Maricor, Maria Belinda” si Maribel. Ngayon uso na ulit ang mga Spanish names na si Antonio, Margarita, Lucia. Kilala mo ba si “He who must not be named” sa Harry Potter yon ah, pero sa Pilipinas, nasa Mariano Elementary School siya, si Lord Voldemort Estioco. Si Beezow Doo-doo Zopittybop-bop-bop at Batman bin Suparman narinig mo na ba? Legal na mga pangalan ito na naging popular dahil sa kaibahan, kaso nga lang pareho silang nakalaboso dahil sa krimen.
Ang isang pangalan ay tila dumidikit sa isang tao kapareho din ng isang kumpanya. Sinasabing ang tamang pangalan ay isang susi sa pagtanyag nito, ang maling pagpapangalan ay maaring maging katumbas ng paglubog ng negosyo. Ang pinaka-sikat nga na mga brand names ngayon tulad ng “Iphone,” “Blackberry,” “Google” ay dumaan sa masusing pagsasaliksik, kaya nga marami na rin ngayong consulting firm sa larangang ito. Sila iyong mga kumpanya na magbibigay sa iyo ng payo kung may chance ba na mag-click ang pangalang napili mo sa iyong negosyo o kumpanya o wala ba itong matatapakang ka-kumpetensya sa industriya o magbibigay sa iyo ng tips para makarating sa tila isang perpektong brand name. Sa tamang formula ng pangalan, tagumpay ang hatid nito. Hindi kaya ganito din sa isang tao? Si Albert Einstein, ang kahulugan ng Albert sa English ay matalino o matayog o dakila; ang Einstein naman sa German ay “napapaligiran ng bato,” matatag, malakas. Parang siya talaga, di ba?
Importante pala na alam natin ang dahilan kung bakit ito ang magiging pangalan ng isang tao. Hindi lang dahil, basta lang, kase cute eh, sosyal ang dating, uso kase. Sa ganda ng isang sanggol, tama lamang na matawag siya sa isang magandang pangalan din, isang pangalan na siya o magiging siya. Sa ating mga napangalanan mapipili mo ba ang kahulugan ng iyong pangalan? Magagawa mo kahit wala siya sa bokabularyo, ikaw naman iyan eh, sa iyo din nakasalalay ang magiging kahulugan ng iyong pangalan at syempre pa ang gusto mo, iyong maganda, iyong kakaiba, iyong “Ikaw”gawin mo!
No comments:
Post a Comment