Thursday, March 19, 2015

Mark Quijano

May Pinoy Ba Rito?




March - April 2015

Madali lang daw hanapin ang mga Pinoy sa ibang bansa. Kung ikaw ay nasa public places, sumigaw ka lamang ng “Balot” at sigurado kung may Pilipino man doon sa mga oras na iyon, sila ang unang lilingon at unang ngingiti sa yo. Hindi ko pa man nasubukang gawin ito, alam kong kahit saan mang sulok ng mundo ay may Pilipino.

Bilang isang professional gospel singer, halos naikot ko na ang buong Northern and Southern Asia at maging ilang bahagi ng America. At habang ako ay nasa ibang bansa, may pagkakataon akong i-enjoy ang mga magagandang tanawin, kumain ng masasarap na pagkain at tuklasin ang mga bagay na nagbibigay sa akin ng kaligayahan. Subalit hindi lamang ang mga ito ang nagbibigay saya sa akin habang nasa ibang lugar. Mayroon pang isang bagay na mas matimbang sa aking puso, ang makasalamuha ang kapwa ko Pilipino sa mga lugar na aking pinupuntahan. 

“May Pinoy ba rito?” Ito lagi ang una kong tanong kapag nasa abroad ako. Pangalawa na lamang ang tungkol sa mga sikat na tourist attractions na maari kong puntahan at iba pang bagay. Hindi ko ito maipaliwanag ngunit parang dito ako humuhugot ng lakas at tibay ng loob para harapin ang mga audience na dumadalo sa aking mga concerts. Parang ito ang nagiging inspirasyon ko. Marahil siguro, iniisip ko lagi na karamihan sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa ay namimiss nila ang kani-kanilang mga pamilya sa Pilipinas. So, kahit papano nakausap ko sila at nabibigyan ng courage at napapasaya.   

Nararamdaman ko rin na parang at home ako kapag alam kong may mga Pilipino sa lugar na pinupuntahan ko. Kapag may makikilala akong Pinoy, andiyan na kaagad yong feeling na kahit ngayon lang kami nagkilala, parang ang “close” na namin kaagad sa isat-isa. Nagkekwentuhan tungkol sa mga karanasan sa buhay abroad at iba pang mga struggles na kadalasan nai-encounter nila habang malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Minsan napa-kalungkot ng mga kwento nila, napapaiyak ako. Pero bilib ako sa Pinoy dahil kahit mahirap ang kanilang kalagayan sa ibang bansa, nakangiti pa rin sila. Parang wala lang nangyayari. Nagtataka tuloy ako kung paano nila nagagawa ito. Siguro likas na nga sa ating mga Pilipino ang masayahin at marunong humarap sa mga matitinding pagsubok. 

Ngayon, dito na ako sa Japan. Nararasan ko na rin ang buhay na malayo sa Pilipinas hindi lamang sa maikling panahon. Buti nalang kahit paano, kasama ko ang mag-ina ko rito.

Noong taong 2012, nakapag-asawa ako ng isang Japanese. Nakilala ko siya sa isa sa mga concerts namin dito noong 2010. Doon kami ikinasal sa Pilipinas. At pagkalipas ng mahigit isang taon na pananatili sa ating bansa, nagpasya kaming lumipat dito sa Japan kasama ang aming anak. Well, kuma-kanta pa rin ako rito at nagkakaroon ng concerts, ngunit dahil may pamilya na, kailangan na talaga ng stable job. Sa awa ng Diyos nakapasok kaagad ako bilang isang English teacher sa isang public school dito sa Saga prefecture noong 2013. 

Bahagyang lumiit ang mundo na aking ginagalawan dahil halos sa school nalang umiikot ang buhay ko. Sa school, ako lang ang nag-iisang guro na gaikokujin, kaya sa simula napakahirap ang komunikasyon dahil kahit Japanese ang aking asawa ay hindi pa ako marunong mag Hapon. Kahit hanggang ngayon ay iilan pa lamang ang aking naiintindihan. Para tuloy akong itinapon sa isang liblib na lugar at walang makakausap dahil hindi ko naman sila maintindihan. Kaya hindi pa rin nagtatapos ang paghahanap ko sa mga kababayan ko. Lagi kong iniisip kung may Pinoy ba rito malapit sa lugar ko at nang may makausap man lamang ako.

Sa school, maliban sa daily classes namin, kasama ko rin ang mga bata kumain ng lunch araw-araw. Iba’t-ibang grades at sections kada araw. Bahagi yata ito ng programa ng local Board of Education (BOE) upang matuto ang mga bata mag-English at ma-expose sa ibat-ibang kultura. Nakakatuwa naman ang mga batang Hapon dahil tinatanong nila ang mga bagay-bagay tungkol sa akin at sa aking bansa habang kami ay kumakain. So habang nagku-kwentuhan, natuklasan ko na hindi pala ako nag-iisang Pinoy dito sa lugar ko dahil may mga half-Pinoy pala akong estudyante. At hindi lang isa, marami sila. Napakasaya ko noong nalaman ko ito. Parang nabuhayan muli ako ng dugo, akala ko kasi noon nag-iisa lamang ako dito at kahit sumigaw ako ng balot hanggang maubos ang boses ko ay walang lilingon sa akin. But I was wrong, totally wrong. Marami pala kami dito. Kaya ganon pa rin ang role ko dito, encourager sa mga kababayan ko, at teacher naman at uncle sa mga half-Pinoy sa loob ng classroom ko. 

Marami akong natutunan sa mga karanasan kong ito. I realized na kahit saan mang sulok ng mundo ay mayroon nga pala talagang Pilipino. At ang mga Pilipino, saan mang sulok ng mundo ay nagsusumikap, lumalaban at nagpapakatatag.


No comments:

Post a Comment