Thursday, May 12, 2011

Jeepney Press 2011 JMay-June Page 10



Arangkada Pinoy
ni Yellowbelle Duaqui

Gapiin ang Pag-aalala

Marami sa ating mga Pinoy sa Japan ang nabagabag sa tatlong delubyong kamakailan lamang ay sumalanta sa hilagang silangang bahagi ng bansang ito. Maraming .Hapon, bata man o matanda, ang pumanaw dahil sa tsunami; samantalang ang ibang nakaligtas ay nasawi sa mga evacuation shelters, lalo na ang mga matatandang Hapon na hindi pinaligtas ng lamig at ng mahirap na sitwasyon. Nawasak din ang mga ari-arian at napilay ang ekonomiya sanhi ng pagkaantala ng produksyon. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy din ang problema ng nuclear fallout sa mga reactors sa Fukushima. Para sa karamihan, mahirap tanawin ang liwanag sa dulo ng madilim na bahaging ito sa kasaysayan ng bansang Hapon.

Walang duda na ang lahat ay nababahala dulot ng mga sakunang ito. Ito ay isang natural na sikolohikal na epekto sa isang tao kapag nasa isang napakahirap na kalagayan. Ngunit tulad ng mga Hapon, tungkulin din nating mga Pinoy na naninirahan, nagha-hanapbuhay o nag-aaral dito na umusad at piliting ibalik sa normal ang ating pang-araw-araw na buhay. Dahil kailangang magpatuloy para na rin sa kabutihan ng lahat, mas makabu-buting ituloy lamang ang mga plano o gawaing nasimulan bago pa man dumating ang sakuna.

Ngunit sa maya’t mayang pagdating ng mga aftershock, marami pa rin ang hindi mapalagay. Kung sabagay, may positibong dulot ang hindi pagkapalagay. Ito ay nakakatulong sa ating maging alerto. Ngunit kung ang hindi pagkapalagay ay nagbubunsod ng matinding takot at nagiging paralisado ang ating buhay dahil sa emosyong ito, hudyat ito na dapat nating suriin ang ating mga sarili bilang panimulang hakbang upang magapi ang pag-aalala.

May mga magagandang suhestyon na ibinigay si Dale Carnegie, isang tanyag na Amerikanong awtor at leadership trainor, sa kanyang aklat na How to Stop Worrying and Start Living: Time-Tested Methods for Conquering Worry. Ang mga nakatala sa ibaba ang pinakabuod nito:

• Huwag na masyadong pakaisipin ang nakaraan, maging ang hinaharap; mamuhay at ituon ang isip sa pang-araw-araw na buhay.

• Huwag kaligtaang maglibang paminsan-minsan.

• Maging abala. Nakaka-limutan ng isang taong abala ang kanyang mga alalahanin.

• Suriin nang mabuti: ano ang tsansang maaaring mangyari ang isang kinatatakutan?

• Gawin ang trabaho sa abot ng makakaya.

• Higit na pagtuunan ng pansin ang mga biyaya kesa sa mga problema sa buhay.

• Kalimutan ang sarili sa pamamagitan ng pagiging bukas sa paglilingkod sa kapwa.

Marami na umanong taong nakinabang at natulungan sa mga ideya ni Carnegie. Kadalasan, ayon kay Carnegie, dapat muna nating baguhin ang paraan ng ating pag-iisip upang mabago rin ang ating buhay tungo sa landas na ating minimithi.

Ngayong panahon ng pagsubok sa bansang ating pinaninirahan, higit nating kailangang maging matatag. Huwag tayong magpatalo sa takot. At kung hindi man epektibo sa inyo ang mga suhestyon ni Carnegie, pinakamabisa pa ring panangga ang pagdarasal.


No comments:

Post a Comment