Thursday, May 12, 2011

Jeepney Press 2011 May-June Page 11



KANSHA AL KANSHA
by Ping-Ku

Tulungan at Sariling Sikap

Taos-pusong nakikiramay kami sa lahat ng nasalanta sa nakaraang lindol at tsunami sa Tohoku. Habang sinusulat ko ito ay di pa rin nahahanapan ng solusyon ang krisis nukleyar sa Fukushima at pinagdadasal ko ang mga namumuno at gumagawa ng mga desisyon sa pamahalaan, ang mga ekspertong nukleyar at lalong lalo na ang empleyado sa loob ng plantang nukleyar na nagsusumikap hanapan ng solusyon ang lumalalang krisis. Sana ay lahat ng mga kapatid natin sa mga napinsalang lugar ng Kanto at Tohoku ay maligtas sa panganib at makaraos rin.

Makikita natin sa mga pahayagan at balita na maraming gustong tumulong upang makabangon ang bansa sa krisis. Ang sakura ay namumulaklak na at isang buwan na ang nakalipas mula lumindol noong ika-11 ng Marso, ngunit hanggang ngayon ay di pa naibabalik ang kuryente, tubig at gas sa maraming lugar sa Tohoku dahil sa kulang ang enerhiya at pagmayanig at masira ang mga tubo ng gas ay delikadong magkasunog muli. Dahil sa lamig sa Tohoku ay marami ring nagkakasakit. Mula sa pagpapadala ng pagkain, gamot, pananamit, tubig, kumot, at iba pang mga pang-araw-araw na pangangailangan— maraming mga tao, kumpanya at mga organi-sasyon ang nagpadala ng tulong sa Tohoku. Mula sa isang may-ari ng ramen shop sa Sendai na nagpa-kain ng libre sa mga tao sa Sendai pagkatapos ng lindol. O di kaya’y ang isang mag-inang survivors ng lindol sa Kobe noong 1996 na pinuno ang kanyang truck ng mga gamit at abuloy mula sa mga kapitbahay niya sa Kobe at nagmaneho patu-ngong Tohoku. Nagdala rin siya ng maraming bulaklak para ialay at isama sa pagbuburol ng mga namatay. O isang may-ari ng pabrika ng medyas sa Nara na nagpadala ng mga medyas sa mga tao sa evacuation centers sa Tohoku. Bumilib rin ako doon sa isang may-ari ng onsen ryokan sa Hakone na pinuno ang isang 12- wheeler na tanker ng hot spring water at humingi ng tulong sa SDF upang gumawa ng makeshift na ofuro at onsen na paliguan ang mga evacuees. Dahil maraming napinsalang mga pabrika sa Tohoku at Kanto, ang mga pabrika sa Kansai ay sinagad ang kapasidad para matustusan ang matinding panga-ngailangan ng mga battery, toilet paper at iba pa sa mga nasalantang lugar.

May mga naghandog ng tulong mula sa iba’t ibang bansa tulad ng Amerika, Alemanya, Pransiya, Tsina, India, Korea, Switzerland, Israel, atbp na nagpadala ng lakas militar, doctor, at iba pang specialist volunteers para sa relief operations. May mga nag-donate sa Red Cross tulad ng North Korea na nagpadala agad ng US$10,000. Ang Pilipinas ay isa sa mga unang sumulat kay Prime Minister Kan upang makiramay at mag-alay ng tulong. Nagpadala rin ng malala-king container ng mga saging para sa relief operations sa Tohoku at nangako na di i-aakyat ang presyo ng mga prutas na inaangkat ng bansang Hapon.

Sa Pilipinas, di lang ang gobyerno ang tumulong nguni’t pati ang pribadong sector at mga NGO ay nagtulungan upang magkaroon ng charity events tulad ng Jam for Japan jazz concert na ginanap sa Ayala museum noong ika-1 ng Abril at naging matagumpay sa pagtipon ng PHP17.5 million (JPY34.45 million yen) sa isang gabi. Malaki ang tulong na ibinigay ng Ayala Corp at lahat ng concert proceeds ay tinurn-over sa Japan Foundation na in charge sa pagpapadala sa Japan Red Cross. Sabi ng isa sa mga organizers ay “Oo nga mayaman ang Hapon kung ihalintulad sa Pilipino, pero pag may taong nahulog sa harap mo di mo naman tatanungin ang tao kung mayaman o mahirap siya bago tulu- ngan. Maraming mga aid at tulong ang nakuha natin mula sa mga Hapon at sa ganitong panahon, mahalaga ang pagtutulungan.

May nabasa rin ako tungkol sa Guinsaugon St. Bernard, isang maliit na barangay sa Southern Leyte, Philippines. Noong ika-15 ng Marso, nagka-fund drive sila na tinatawag na “Guinsaugon St. Bernard Gives Back to Japan.” Nang malaman nila ang tungkol sa lindol sa Tohoku, kaagad sila nagtipon-tipon ng pera upang ipadala sa Japanese Red Cross. Wala pang ilang araw at nakaipon sila ng PHP 21,574.50 pesos (humigit-kumulang ng JPY 42,777 yen). Malaking bagay ito mula sa mga pamayanan ng Guinsaugon.

Noong Pebrero 17, 2006, ang buong barangay ng Guinsaugon, ay nabaon sa isang landslide sa Ormoc at mahigit na 1,000 tao ang namatay. Ang bansang Hapon ay agad nagpadala ng mga rescue teams at ang JICA naman ay nagpatayo ng mga 50 duplex units para sa 100 na pamilya. Sabi ng barangay captain na ngayon ang pagkakataon ng kanyang barangay upang makatulong naman sa mga naghihirap sa Tohoku. Dinagdag nito na mag-fund drive uli sila makalipas ang 15 araw at pagkatapos ay ipadadala ang nakolektang mga donasyon (mas maraming barya kaysa bills) ay ipadadala sa Japanese Red Cross account.

May sempai ako na grumadweyt sa Kyoto University at nanirahan sa Manila kasama ng kanyang pamilya. Ang mag-asawa ay nagtapos sa Law Department at nagtayo ng kumpanya noong 2007. Itong kumpanyang ito ay isa sa mga tumutulong sa "Pray for Japan Philippines" movement at ang "Jam for Japan" concert noong Abril 1 ay isa sa mga events ng movement na ito.

Para ma-enganyo ang mga taong mag-donate, ay gumagawa sila ng mga give-aways at pinapasulat nila ang mga tao sa isang message canvas. Mabili rin ang mga simpleng T-shirt na may emblem ng bansang hapon na tinitinda nila sa mga Sunday market at sa labas ng mga simbahan.
Ang kanilang grupo ng mga aktibong Pilipino at Hapon na naninirahan sa Manila ay nagpa-plano ng iba’t ibang events at isa na rito ang charity marathon sa ika-17 ng Abril. Lahat ng kanilang kikitain ay ipadadala muli sa Japan Red Cross para sa mga nasalanta ng lindol at tsunami sa Tohoku.
Nakita ng buong mundo sa pamamagitan ng media (TV, balita, internet, blogs, atbp) ang pagtutulungan at sibilisadong pakikitungo sa isa’t isa ng mga taong apektado ng lindol at tsunami sa Japan. At nahumaling ang mga taong tulungan ang mga taong nagsusumikap umahon mula sa kahirapan. Nagsusumikap sila para ipakita ang kanilang pasasalamat sa lahat ng mga tumutulong sa kanila. Ang mga evacuees sa Tohoku ay di lang umaasa sa gobyerno at volunteers. Sila mismo ay nagsusumikap makalabas sa mga evacuation centers. Dahil walang privacy rin, marami sa mga evacuees ang umaalis at nagsusumikap linisin at ayusin ang kanilang mga bahay upang makabalik sa normal na pamumuhay. Mahaba at masalimuot ang daan patungo sa pag-ahon sa krisis na ito ngunit kung ang mga tao ay magtutulungan at makikisama ay tiyak makakaraos rin. Alam nila na upang mapabilis ang pag-ahon sa krisis, kaila- ngang may matinding pagnanais na sumulong at ito ay nagpapasimula sa sariling sikap at pagkakaroon ng community spirit.

No comments:

Post a Comment