Binabati po namin ang mga tagatangkilik ng Jeepney Press ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon! Nawa’y maging maligaya at masagana para sa ating lahat ang 2012!
Kada-365 na araw ay may panibagong taon at pangkaraniwan na napapaisip tayo ng mga paraan upang mapabuti ang ating kabuhayan. Kung meron lang kurso na nagtuturo kung paano makamit ang matiwasay na kabuhayan, siguradong lahat tayo ay mag-aaplay. Maraming nag-aaral ngayon ng “Positive Psychology” upang mabuo ang teorya ng kariwasahan or “theory of well-being” na naglalayong suriin ang mga sanhi at pamamaraan ng mariwasang pamumuhay. Binasa ko ang librong “Flourish” (2011) ni G. Martin F. P. Seligman, ang taong nagpasimula ng positive psychology sa University of Pennsylvania at nais kong ibahagi sa inyo ang aking natutunan mula sa bagong libro ni Seligman:
Kasiyahan vs. Kariwasahan
Ang praktis ng positive psychology ay di lang para makamit ang kasiyahan sa buhay or life satisfaction ngunit para ma-maximize or mapabuti ang lahat ng haligi ng kariwasahan or well-being. Ang team ni Seligman ay nag-collaborate sa mga researcher sa Cambridge at gumawa sila ng surbey upang masukat ang kariwasahan. (Ang talaan sa baba ay isinalin mula kay Seligman, 2011, p. 27.)
Positibong damdamin (Positive emotion) | Masaya ka ba sa iyong pamumuhay? |
Pagmamalasakit at interes sa pagbabago | Interesado ka bang malaman ang mga bagong bagay? |
Kahulugan at layunin ng buhay | Kapaki-pakinabang ba ang ginagawa mo? |
Pagpapahalaga sa sarili (Self-esteem) | Kanais-nais ba ang tingin mo sa iyong sarili? |
Optimism | Umaasa ka ba sa mabuting kinabukasan? |
Resilience | Natitiis mo ba ang mga pagsusubok sa buhay?, |
Mga Positibong Relasyon (Positive Relationships) | May mga tao ba na tunay na nagmamalasakit para sa iyo? |
Nagsurbey ng mahigit na 2,000 tao sa 23 na bansa sa EU at ang resulta ay ang Denmark ang may pinakataas na share ng populasyon na mariwasa (33%), sinusundan ng Inglatera (18%) at ang Russia ang may pinakamaliit na share (6%).
Ano nga ba ang relasyon nito sa ekonomiya o pamumuhay ng tao sa isang bansa? Si G. Daniel Kahneman, isang psychologist sa Princeton University ay nagkamit ng Nobel Prize sa Eonomics noong 2002 para sa kanyang pag-aaral sa prospect theory na inaaplay ang mga konsepto ng psychology sa “risk at real-life decisions that lead to well-being”. Hanggang ngayon ay maraming mga research tungkol sa “well-being and happiness” at ang relasyon nito sa kaunlaran at ekonomiya. Maraming nagtatanong kung ang gross domestic product (GDP) ay sapat na panukat ng kaunlaran ng isang bansa: “Ano ang ibig sabihin ng kasaganaan?” “Para saan nga ba ang kayamanan o wealth?” Ayon kay Seligman ang layunin ng kaunlaran o pagyaman ay di para maghanap ng paraan upang magpayaman muli ngunit upang makaranas ang mga tao sa bansa ng mariwasang pamumuhay.
Praktis ng Positive Psychology
Ang layunin ng positive psychology ay para mag-flourish o maging mariwasa ang buhay ng tao. Maraming mga exercises na nirerekomenda si Seligman sa kanyang libro at kabilang dito ang: (a) gratitude visit (b) three-good-things exercise
- Bumisita sa isang tao upang magpasalamat
Ang layunin ng activity na ito ay upang maranasan ang taos-pusong pagpapahayag ng pasasalamat. Mag-isip ng isang taong di mo pa napapasalamatan ng sapat para sa kanyang pagtulong o impluwensiya na mapabuti ang iyong buhay. Kailangang buhay pa siya at maaring makipagkita face-to-face sa kanya sa pagitan ng isang linggo. Magsulat ng liham ng pasasalamat (mga 300 words sa haba) at ihatid ito ng personal. Ipaliwanag ng husto sa liham kung paano naapektuhan ng taong ito ang iyong buhay. Isulat mo kung ano ang kalagayan mo sa buhay at ang mga ginagawa mo ngayon at ipaalam mo sa kanya na palagi mong naaalala ang mga sinabi o ginawa niya para sa iyo.
Gumawa ka ng appointment upang makipagkita sa kanya. Mas mabuti kung masosorpresa mo siya sa pakay ng iyong pagbisita sa kanya. Sa araw ng inyong pagkikita, marahan at taos-pusong basahin ang iyong liham. At kung may mga katanungan siya, pakiusapan mo siya na hintayin kang matapos bago niyo pagdiskusyunan ang mga nilalaman ng liham at iyong dadamin para sa isa’t-isa.
Tinitiyak ni Seligman na pag ginawa mo ito, “you will be happier and less depressed one month from now.” (Seligman, 2011, p. 31)
- Araw-araw sumulat ng tatlong mabubuting bagay na nangyari sa loob ng isang linggo
Maraming nagtatanong kay Seligman kung maaaring turuan ang tao mamuhay ng mariwasa. Ayon kay Seligman, may Positive Psycology Program siyang nilikha sa University of Pennsylvania upang turuan ang mga kabataan tungkol sa well-being o kariwasahan. Isang exercise ay ang pagsusulat araw-araw ng tatlong mabubuting bagay na nangyari sa loob ng isang linggo. Sa bawat pangyayari na ito, sagutin ang mga katanungan: (a) Bakit ito nangyari? (b) Ano ang kabuluhan nito para sa akin? (k) Maari ba itong mangyari uli? Paano ko mapaparami ang mga mabubuting pagkakataon na tulad nito sa susunod?
Ayon kay Seligman ang pagpraktis ng positive psychology ay napapabuti ang pamumuhay ng tao sa pamamagitan ng pagpapatibay ng pagkatao (character strengths) tulad ng pagiging tapat (honest, loyal), matiyaga (persevering), malikhain (creative), mabuti (kind), marunong (wise), malakas ang loob (courageous), makatarungan (fair) atbp. Ilan sa mga naging resulta ng programa ni Seligman ay ang paglinang ng pagnanasang matuto at makalikha ng bago (love for learning and creativity) at napabuti rin ang mga social skills ng mga estudyante tulad ng empathy, cooperation, assertiveness, self-control na natutunan ng mga bata sa pakikipaghalubilo sa isa’t-isa.
Ang mga ito ay ilan lamang sa mga gabay sa paggawa ng mga desisyon upang mapabuti at maging mariwasa ang ating pamumuhay ayon kay Seligman. Sana naman ay maging mariwasa ang 2012 para sa ating lahat na naninirahan dito sa Japan at para sa ating mga pamilya sa Pilipinas.
No comments:
Post a Comment