SA TABI LANG PO
by Renaliza Rogers
Potty Trained!
Nagmamadali akong pumunta sa pinakamalapit na public toilet isang tanghali dahil parang sumama ang aking tiyan sa nakain kong kung ano. Para akong namutla sa nadatnan ko. Isang CR na punong-puno ng mga babaeng nakalinya, nagsisihintay ng kani-lang turn sa loob ng cubicle. Wala akong magawa kundi ang pumila, nagdadasal na sana’y nilikha ako ng Diyos na may matibay na bitukang hindi bibigay sa pila.
Parang magmamild-stroke na ako sa kakatayo doon, habang nag kukunwaring wala akong nararamdamang kulo sa aking tiyan. Yumuko ako sa makintab na tiles at biglang napatingin balik sa kisame nang makita kong parang salamin sa kintab ang sahig dito sa CR na to. Kitang-kita ko ang nakakailang na ginagawa ng babae sa sarili niya sa loob. May pinto nga ang bawat cubicle dito, salamin naman ang sahig.
Sa wakas, nakapasok din ako sa loob ng cubicle matapos ang mistulang napakatagal na panahon. Nagpasalamat ako sa Panginoon at ako’y nakapasok na, tapos ang dadatnan ko lamang ay isang nakakapanlumong eksena sa kubeta. Ang toilet seat dito ay putikan at “wet with urine”. Hindi ito naiflush at merong gamit na napkin na hindi man lang itinapon ng maayos sa basurahan. Gusto ko nang iwanan ang kubeta pero hindi na matitiis ang aking nararamdaman and this is really is it! Kaya’t pinahiran ko na lang ito ng kakarampot na tisyung dala ko at wet wipes. Sana man lang mas marami akong tissue dahil ang CR sa “sosyal” at “prestigious” na lugar na ito eh walang sariling supply ng toilet paper, tulad ng iba pang public Comfort Rooms dito sa Pilipinas.
Hindi ko talaga araw yun. Walang sinumang gustong maglinis ng kalat ng ibang tao. Ang toilet seat ay ginawa upang upuan, hindi upang patutungan ng kung sinuman. Ito ang diperensiya sa Pilipinas. Alam na naman ng lahat na pawang mga kababaihan dito ay mas gugustuhing pumatong sa taas ng kubeta kaysa sa umupo, bakit hindi na lang maglagay ng mga squatting toilets sa mga public CR’s tulad sa Japan? Kung maglalagay din lang sila nga mga “Western Style” toilet bowls at papatu- ngan din lang naman at iisquatan ng mga Pinay, bakit di na lang gawing squatting toilets ang ilagay? Kaya lang kapag nilagyan mo naman ng “Japanese Style” toilets o “squatting toilets” ang mga kubeta sa Pilipinas, siguradong hindi rin yun gagamitin ng nakararaming babae sa Pilipinas dahil nakakaasiwa. Haay naku…
Sa kagustuhang hindi makalagap ng germs, yung mga pumapatong sa taas ng kubeta ay nagkakalat lamang at iniiwang madumi ang kubeta para sa susunod na gagamit nito. At sa totoo lang, yun pang nauunang ngumiwi sa isang mapanghing CR ang unang nagkakalat.
Ayon sa mga pag-aaral, ang toilet seat ay ang pinakamalinis na bagay na matatagpuan mo sa loob ng kubeta at ang sahig ang pinaka madumi. Ayon sa US Center for Disease Control and Prevention, ang mga Sexually Transmitted Diseases or STD’s tulad ng syphilis, HPV at HIV ay hindi naipapasa sa pamamagitan nga pag-upo sa toilet seat. Hindi rin naipapasa dito ang pubic lice or kuto. Ayon naman sa National Institute of Allergy and Infectious Diseases, and genital herpes virus ay “very rarely” o di kaya’y talagang hindi naikakalat ng mga bagay tulad ng toilet seat.
Ang nararapat gawin ay pahiran ang toilet seat bago upuan. Pwede ring lapatan ng toilet paper or lagyan ng toilet seat cover kung meron. Ngunit kung sa anumang kadahilanang meron kayo na kinakailangan ninyo talagang pumatong at magpalutang-lutang sa itaas ng kubeta sa kabila ng lahat ng ebidensiyang nagpapatunay na malinis upuan ang kubeta, pakiusap naman, itaas niyo ang toilet seat at tanggalin ang inyong sapatos bago pumatong sa itaas ng toilet bowl mismo para naman hindi putikan ang datnan ng susunod sa inyo. At saka, siguraduhin lamang na sharp shooter kayo na hindi nagkakalat sa sahig or sa kubeta kapag jumijingle o kaya’y nagnanumber 2.
Toilet Etiquette ang tawag dito. Isipin naman natin ang mga taong susunod na gagamit ng kubeta. Kung lahat ng Pilipinong gagamit ng public toilet ay may toilet manners or toilet etiquette, eh di wala na sanang mapanghi or maduming CR sa Pilipinas. Huwag naman tayong burara, linisin natin ang ating gawi — pwera na lang kung talagang ayaw mag flush ang kubeta matapos magnumber 2. Naku, patay ka diyan. Ang tanging magagawa mo na lang ay lunukin ang pride mo at tumakbo palabas ng CR na sana’y walang nakakilala sa yo.
--------------------------
e-deshou! ni Edward Labuguen
PAGTUPAD SA MUNTING PANGARAP NG MGA KABABAYAN
Natupad na rin ang matagal ko ng mithi, na isakatuparan ang mga munting pangarap ng aking mga kababayan sa La Paz, Abra, sa pamamagitan ng tulong at suporta mula sa mga kababayan dito sa Gifu Prefecture. Maalala na noong nakaraang Enero 30, 2010, aking kaarawan, itinaguyod ko ang isang "charity concert" na may layunin, maliban sa pagpapatibay ng pagkakaisa at pagkakaibigan ng mga Pinoy, pagbibigay aliw at kasiyahan, ay ang kinita ay nagamit sa pagbibigay tulong sa aking mga kababayan sa Bayan ng La Paz, Lalawigan ng Abra. Mula sa pundo na naipon, na dinagdagan ng aking mahal na pamilya, naitaguyod ang pagbibigay ng scholarship grants para sa limang mag-aaral, kung saan bayad na ang kanilang tuition fees sa isang taon na nagkakahalaga ng 50,000 pesos at isang seminarista na nag- aaral sa St. Joseph Seminary, Bangued, Abra. Nakapagbigay na rin ng mahigit 700 daang school bags na may kumpletong school materials tulad ng lapis, papel, krayola, pambura, sa
lahat ng Grade I sa labindalawang paaralang elementarya, at 4 na paaralang primarya na nasasakupan ng Bayan ng La Paz. Nagkakahalaga ito ng 120,000 pesos. Kasalukuyan na ring inaayos ang mga padalang used clothes, canned goods, noodles para maipamigay sa mga kapus-palad at mga nangangailangan na kababayan lalo na ang mga biktima ng ibat-ibang sakuna na sumalanta sa Abra, tulad ng bagyo.
Nakakagaan ng loob, na sa pagtupad ko sa munting hiling ng aking mga kababayan ay nasusuklian ka ng tamis ng ngiti na puno ng pasasalamat. Bilang isang migranteng Pinoy na namumuhay at nagtratrabaho sa Japan, marami pa rin tayong pwedeng gawin para makatulong sa ating mga kababayan. Personal akong nagpapasalamat sa lahat ng mga taga-Gifu prefecture lalo na ang mga kababayan na nakatira sa Minokamo, Kani, Tajimi, Gifu, Kakamigahara at Seki, ang Angels' Voice Singing Youth Ministry, Phil-Jap Asia Tomonokai, Japan-Phil Homeowners Association, at sa lahat ng aking naging sponsors, para sa suporta ng lahat para sa tagumpay ng aking ADVOKASIA. Sa susunod na taon, mas pagandahin ang gaganaping pagtitipon at umaasa pa rin ako sa inyong tulong at suporta. Maraming Salamat Po.
No comments:
Post a Comment