Thursday, November 15, 2012

Madam Marivic Oyama

FORECAST
ni Madam Marivic Oyama

November-December

RAT
May mga pagsubok na darating sa iyong buhay ngayong buwan na ito, maging mapagmasid at makiramdam dahil may mga pagbabago na iyong mararanasan at magdadala sa iyo sa tagumpay. Ngunit, mag-ingat din sa mga gagawing desisyon dahil isang pagkakamali lamang ay hindi mo na maibabalik ang dati. Mas mainam kung magiging positibo sa lahat dahil may magandang kapalaran ang naghihintay sa iyo. December, bago magtapos ang taon ay may naghihintay sa iyo na magandang pagkakataon. May pangakong darating na hindi mo inaasahan, labis mong ikatutuwa ang pagsasama ng iyong pamilya. Huwag lamang susuko sa mga pagsubok na darating. Laging tumawag at huwag kalilimutan ang magpasalamat sa Taas.

OX
Makakamtan na ang matagal mo nang hinihintay na tagumpay dahil sa mga pagtitiyaga na iyong ginawa. Nasa iyo rin ang suporta ng mga kaibigan at pamilya dahil sa iyong mabuting pakikisama. Sila ay iyong maaasahan at magiging gabay mo sa iyong mga planong gagawin. December, huwag panghihinaan ng loob kung may dumating man na pagsubok, pag-ingatan ang mga importanteng bagay na mahalaga sa iyo at huwag basta magtitiwala sa mga taong nasa iyong paligid. Malamang na pagsamantalahan ang iyong kahinaan nang mga taong may maitim na balak gawin laban sa iyo.

TIGER
Kung ibig mong makamtan ang suwerte at magandang kapalaran, maging mababang loob at huwag magtataas. Darating sa iyo ang mga hindi inaasahan at huwag matakot sunggaban ang mga binibigay na pagkakataon o hamon dahil tagumpay ang magiging resulta nito. December, pag-ingatan ang iyong kalusugan, iwasan ang bumiyahe nang malayo at huwag magmamaneho upang maiwasan ang sakuna. May makakasamaan ng loob sa trabaho, dahil sa lakas ng hatak o puwersa ng inggit o hidwaan sa trabaho, ito ay hindi mo maiiwasaan. Manahimik upang malayo sa intriga.

RABBIT
Nahaharap ka ngayon sa mga away at gulo sa paligid, umiwas sa mga bagay na alam mong hindi maganda ang kahahantungan. Gawin na lamang ang iyong trabaho na walang inaapakan at walang nasasagasaan. Mas maluwag sa dibdib kung gagawin ang trabaho na may malinis na puso. December, mahina ang iyong katawan at madali kang mapagod, iwasan ang mga bagay na nagpapahina sa iyo. Huwag papagurin ang sarili. Mag libang at mag relax. Matulog sa tamang oras at kumain ng sapat. Marami mang dumating na oportunidad na alam mong maganda ang resulta at magtatagumpay. Bigyan ng prayoridad ang iyong kalusugan.

DRAGON
Umaayon sa iyo ang panahon at pagkakataon dahil lahat ng iyong mga nakaraang suliranin ay magkakaroon na ng kalutasan at ito ay iyong mapagtatagumpayan. May mga mag-aalok ng tulong ngunit mag-ingat sa paggawa ng desisyon. Kung hindi sigurado, magtanong sa mga kaibigan at kasambahay. December, napaka-ikli ng iyong pisi o pasensya sa buwang ito. Huwag maging matalas sa pakikipag-usap dahil nakakasama ng loob ang iyong mga bibitawang salita. Posibleng mawalan ng kaibigan kung ipagpapatuloy ang pagiging matapang. I-relax ang isip at kalmahin ang iyong kalooban upang maging matagumpay sa mga gagawing plano sa buhay.

SNAKE
Maganda ang pasok sa iyo ng buwang ito at maisasakatuparan na ang matagal mo nang mga plano. Malulutas ang mga pinagdadaanan at magtatagumpay sa mga papasuking negosyo. Ibahagi lamang sa iba ang mga natatanggap na biyaya. Ito rin ang magandang panahon upang bigyan ng sapat na oras ang minamahal at iparamdam sa kanya ang iyong niloloob. December, dahil nasa iyo ang bituin ng kaguluhan, tapusin at palipasin ang taon na may pag-ibig sa iyong puso, sa pamilya, kaibigan at asawa. Isantabi ang mga alitan at sigalot. Umiwas sa mga gulo at away. Huwag munang paiiralin ang init ng ulo at matutong mag- pasensya at magpakumbaba upang tanggapin ang magandang kapalaran ng bagong taong darating.

HORSE
Maisasakatuparan at magtatagumpay sa mga binabalak dahil nasa iyo ang bituin ng tagumpay. May mga darating na hindi inaasahan posibleng promosyon sa trabaho, karagdagang kita sa negosyo, bagong kapareha o karelasyon na magdadala sa iyo ng suwerte. Kaya makihalubilo o dumalo sa mga pagtitipon dahil hindi mo alam nasa tabi-tabi lang ang iyong hinahanap. December, tuloy-tuloy ang pasok sa iyo ng suwerte, ibigay ang iyong libreng oras sa minamahal at samantalahin ang mga oras na kasama ang iyong pamilya. Ang iyong katapatan sa trabaho ay hindi masusukat kaya naman ang suporta sa iyo ng mga kasamahan ay hindi kayang suklian. Kaya kung mayroon mang kompetisyon sa trabaho huwag panghinaan ng loob dahil nasa iyo ang suporta ng mga ka-trabaho.
                     
SHEEP
Madali kang kapitan ng anumang karamdaman dahil sa mahina ang resistensya ng iyong katawan. Huwag akuin ang mga responsibilidad sa trabaho kung hindi kaya dahil dito babagsak ang iyong katawan. Iwasan ang pakikipagtalo at matutung magpasensya. Hindi maganda ang magiging resulta kung makikinig at paniniwalaan ang mga sabi-sabi sa paligid. December, maghanda sa mga pagbabagong darating sa iyong buhay dahil maganda at masuwerte ang pagpasok ng taon sa iyo. Kaginhawaan sa pananalapi, kaligayahan sa pag-ibig, promosyon sa trabaho at tagumpay sa negosyo. Kaya samantalahin ang panahong ito. Huwag magdalawang isip na sunggaban kung may alok na magandang pagkakataon at pagkakakitaan.

MONKEY
Malamang na bumigay ang iyong katawan sa sobrang stress at dami ng iniisip, may mga alalahanin din pagdating sa pananalapi. Iwasan ang sobrang paggastos kung hindi naman kailangan dahil may hindi inaasahang darating na pagkakagastosan at ito ang iyong paglaanan. Huwag munang makipagsapalaran ngayong buwang ito dahil hindi umaayon sa iyo ang pagkakataon. Ipagpaliban ang mga binabalak at gawin ito sa takdang panahon. December, manunumbalik ang dating lakas ng iyong pangangatawan, magkakaroon ng mga bagong kakilala. Maging positibo lamang sa lahat ng bagay dahil naka ngiti na sa iyo ang magandang kapalaran. Maghintay lamang ng tamang pagkakataon.
                     
ROOSTER
Buksan ang mga mata at huwag magbulag-bulagan sa mga nakikita, makiramdam at mag obserba sa paligid. Ingatan ang mga mahahalagang bagay at mag-ingat sa mga taong pinagtitiwalaan dahil nasa paligid lamang ang mga taong gustong gumawa ng masama laban sa iyo. Ang lahat ng nangyayari sa iyo ay pagsubok lamang at dito rin makikita kung gaano ang iyong pasensya. Matutong magpakumbaba sa nakatataas kung kinakailangan at huwag maging hambog sa mga ka-trabaho. December, nasa iyo ang bituin ng kalangitan at dala nito sa iyo ay ibayong suwerte pagdating sa pananalapi. Kumakaway sa iyo ang suwerte kaya 't kung mayroong mga pagkakataon o bagong pagkakakitaan, huwag mag-atubiling tanggapin ang alok dahil hawak mo ang iyong magandang kapalaran.
                     
DOG
Hindi madali para sa iyo ang paggawa ng desisyon. Huwag panghinaan ng loob dahil maraming tutulong sa iyo na mga kaibigan na ang hangad ay iyong tagumpay. Mayroon kang angking galing pagdating sa trabaho kaya ikaw ay nabibilang sa promosyon huwag lamang maging mayabang. December, sinusukat ng tadhana ang iyong kakayahan pagdating sa pagdadala ng mga suliranin. Huwag bibigay dahil ito ay panandalian lamang. Huwag maging sensitibo at umiwas sa gulo dahil yan ang magiging dahilan ng panghihina ng iyong katawan. Ilaan na lamang ang mga libreng oras kasama ang pamilya at mahal sa buhay.
                     
PIG
Nasa iyo ang bituin mula sa langit at nakangiti sa iyo ang suwerte pagdating sa pananalapi. Makakatanggap din ng mga papuri mula sa mga kaibigan, kakilala, at mga taong sumusuporta sa iyo. Kaya mong akuin anumang ibigay na trabaho sa iyo at ito ay iyong mapagtatagumpayan. Subalit, lahat ng tagumpay ay may kasamang pagsubok sa buhay ngunit malalampasan mo naman ito. December, mag-ingat at maging handa ngayong buwan ito huwag panghihinaan ng loob at gamitin ang iyong lakas upang labanan ang mga pagsubok na ito sa iyo. Iwasan muna ang paggawa ng malalaking desisyon lalo na kung may kinalaman sa negosyo. Talasan ang iyong pakiramdam dahil may isang taong nagbabalak ng masama laban sa iyo.

No comments:

Post a Comment