Monday, July 11, 2011

Jeepney Press July-August 2011 page 12-13




CENTERFOLD:
kwentong panulat.
by Steph-mm Leuterio Jallorina

Kwentong Panulat.

Gagawin kong mala-kwento itong centerfold natin ngayon. Parang ang dami ng nangyari sa taong ito, bagamat nakakalahati pa lang tayo. Mula noong Marso, tayo man bilang nabiyayaang magka-trabaho rito ay may mga pangamba pa rin, alanganin sa mga kilos, mapagmasid, mapagmatyag. Gayunpaman, hayaan ninyo akong gaya ni Fr. Resty Ogsimer, ay “pukawin ko ang inyong mga espiritu” ng isang nag-sanga-sanga ng kuwentong panulat. Inisulat ko ito noong mag-bagong taon, kung saan tayo ay sabay-sabay, saan mang lupalop ng bansang Hapon, na umasam ng panibago at mas maginhawang “tayo.” At hindi lang dahil bilang paggunita sa mga alaala ni Gat Jose Rizal at sa sinabi niyang “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa mabaho at malansang isda” kaya ko inisalin sa wikang Filipino ang mga sumusunod, kungdi dahil sa ang magpahayag ng ating saloobin sa wikang kinagisnan natin ay nanunuot sa damdamin, nakakaantig ng puso. Ipagpaumanhin ninyo lamang kung may mga aberya sa daan ng aking buhay, pagkat ako’y unang naging Ilongga, bago naging Filipina.

Sige nga, paano mo tataga-lugin ang "God is so moving"?
Kasi, ngayun-ngayon lang ay nakatanggap na naman ako ng isang libro mula sa isa sa pinakamagandang tao sa mundong itago natin sa pangalang May Masangkay. Ang nasabing libro ay para daw sa mga taong mahilig magsulat. Hindi ako makaantay na makauwi pa sa bahay at saka pa lang buksan at basahin. Sa tren pa lang que se hodang nakatayo at nakipag-punong braso sa siksikan ang inyong abang lingkod, sinimulan ko na agad basahin ang Mahiwagang Libro ni Maya (syempre hindi iyon ang saktong pamagat ng libro). At tama nga ata siya, para nga ito sa mga gusto o mahilig magsulat. Ako yung gustong magsulat pero...
Kaya ko naman nasabing "God is so moving" kasi yung mga unang pahina pa lang ay nauugnay na sa usapan sa pagitan ng lolang si Norma, ang manugang na si Glenda, at pinsang si Pek (mga totoong pangalan ng mga tao sa paligid ko at pasensya kung walang pahintulot, alam kong maiintindihan din nila), patungkol sa Disney Land na ballpen ng apo/anak/ pamangkin na si Kairie. Kesyo daw bawal nung kinder pa yung maninipis na panulat at dapat yung matataba lamang para madaling matuto ang mga bata. Tama, yun nga! Naalala ninyo yung Mongol na malaki, yung kulay berde? Meron din ata ng itim noon. Ito yung usapang isang gabi na ibinalik ako sa musmos kong nakaraan.

Kinder 2 – Alam ko na na may kinalaman sa pagsulat ang isa sa mga gugustuhin kong maging balang araw. Parang alam mo yung isang alamat na sa eskwelahan ang gasgas ng tanong na, “Ano ang gusto mong maging balang araw?” Tapos, sabay sabay yung maiingay na bata na sumagot na ako, “doktor” o di kaya “pulis” hanggang titili si Titser ng “quiet!”

May tindahan ang lola kong si Aida (na malamang ay may Twitter na ngayon sa langit at inifa-follow na lang ako) at ginagaya ko ang mga katulong niya na gumawa ng kung tawagin ay “paktura,” yun ay kung saan ililista nila ang mga ipinamili ng mga mamimili, at saka susumahin. Maiinis lang sila kasi ang trabaho ay pabilisan, hindi ang pagandahan ng pagsulat. At ang kulit ko na dapat nilang pagtiyagaan dahil di ako titigil hanggang sa matuto ako. Noong bandang huli na-master ko din naman yun, pagkatapos ko nga lang takutin ang mga kapatid ko na kailangan naming magtinda-tindahan sa aming bahay. Siyempre, ako ang taga-lista, at sila yung matiyagang mamimili, na paulit-ulit lang ang binibili, para akong sira na lista ng lista ng “spagethi” “spagetti” “spag” sa isang bilihan lang. Nakakaloko lang di ba? Walang nilaga ang taong di matiyaga.

Grade one – Noong inako ko mula sa mga klasmeyt ko ang pag-gawa ng kanilang “writing composition” na takdang-aralin namin, dahil lamang sa kagustuhan kong lalo pang mapaganda ang aking penmanship. Tiyak kong maalala pa ito ni Baby M, at ni Philip na asawa na ngayon ng kaibigan kong si Mhar. Inaabangan ko sila sa pinto ng silid-aralan namin tuwing uwian. At naalala ko na sa tuwing gagawin ko yung mga takdang-aralin namin, hinihilera ko sa ilalim ng “stool” ang kanilang mga kuwaderno habang nakaupo sa sahig. Ikinasisiya ko ang makitang gumaganda ang stroke ko ng "m" o ang ka artehan ng "s" o ang tamang buka lang ba nung "o". Hindi ko inisip kung kailangan bang matuto ng aking mga kaklase. Sabagay, payak pa ang kamalayan namin sa kahalagahan ng pag-aaral, ng tama. Ang iniwasan lang namin noon ay yung di mag-squat sa loob ng klase habang pasan ang mga libro ng buong klase dahil di namin ginawa ang aming takdang-aralin o dahil nag-iingay lang kami sa klase.
Grade school – Lagi akong nanalong secretary. Minsan nga noong grade four ata ako, ahem, ako na ang presidente, ako pa ang secretary, dahil maganda daw ang aking sulat-kamay. At ng matuto na akong mag-ballpen, asul ang naging paborito kong kulay ng tinta. Maganda ang kulay asul, “feeling ko, it brings out the best in me.” Yung tipong, di ako magsusulat kung hindi blue ang ballpen.
Grade six – Nanalo ako sa Ovaltine promo sa school...ng ballpen, yung may tatak ng ovaltine siyempre! Sa tanang buhay-estudyante ko at may pa-raffle sa eskewelahan, yun ang kauna-unahan kong pagkapanalo. At ballpen ang napanalunan ko! Ang saya-saya ko nun! Kahit yung iba, t-shirt, relo, ako, masaya na sa ballpen kong Ovaltine! Orange ang kulay niya siyempre, kahel na kahel!
First year – Nagkaroon ako ng unang boyfriend. Weh? Oo, totoo! Haba lang ng hair no? At dahil wala pang cellphone noon, pa-love letter muna. Pero ang highlight noon, doon ko nadiskubre ang pagkahilig ko sa pagda-diary at natuklasan ko ding kaya kong manggaya ng sulat-kamay ng iba ng sa tingin lang. Walo na agad ang nagaya kong sulat-kamay. Bakit walo? Walo lang yung weirdo sa buong klase at nakakasalamuha ko na nabighani ako sa sulat-kamay!
Second year – Nakakatuwa lang at ngayong naalala ko, na sa kakasulat namin ng “love letter” ng boyfriend ko, naipit ang isa sa mga yun sa chemistry book, at sa kasamaang palad napadpad sa mesa ni Titser Rossana. Ayun, naging katawa-tawa sa klase..."pagdugtungin ko ang mga tulay, makarating lang sa inyo." Saveh!?
Third year – Ito, hindi ko ipinagmamalaki pero isang experience na isa sa mga naging dahilan kung bakit PolSci ang kinuha kong kurso at kung bakit gugustuhin ko sanang maging abogado. Ang pinsan kong si Joan, kaklase ko rin, ay may kulang na aralin, at hindi makakapagpapirma ng clearance. Eh mag-eexam, final exam, naawa ako, sa awa ko, kinalabit ako ni Taning at ayun, ako ang pumirma sa clearance niya. Hay sobrang nag-sorry naman ako nung nahuli kami. Nung nahuli! Tita ko by the way, ang titser naming iyon, sa science. Sumala-ngit nawa ang kaluluwa niya. “Luzviminda” pa naman ang pangalan niya. Kako noon, kung hindi ako titino, feeling ko pandidilatan niya ako saan man ako pumunta.
Unang Pagkabigo Sa Pag-ibig – Di ko maipaliwanag pero napansin ng tatay ko na parang naging sulat-kamay ng lalaki daw ang sulat-kamay ko. Malalaki, na pantay-pantay, walang arte, kalkulado. Nakita ko namang wala siya ipinapakahulugan, o sadyang magaling lang magtago ng saloobin ang mga tatay lalo na sa anak na babae...pero para nga lang daw...yung sa mga inhinyero, na siyang malapit sa puso niya, kaya siguro noong bandang huli parang mas na-amuse pa siya. Pero ang batang may “tutang” este musmos na pag-ibig, sakit na sakit na noon, parang binagsakan na ng mundo! Gustung-gustong tadtarin ng pinung-pino ang hinamak na lalaki sa papel na napagdiskitahan ng ballpen na kulay asul!
Kolehiyo - Nainlab ako ulit kaya di ko rin maipaliwanag kung bakit mula sa asul, naging violet na ang gusto kong tinta. Huh, dalaga na nga si nene!
Nung Nagtrabaho Na – Nahilig pa rin ako sa pagsulat, mapa-diary, pagkwenta ng mga babayarin, at sa tuwing mapadaan ako sa school supplies, asahan mong ang una kong pupuntahan ay ang section ng mga “panulat,” kung hindi notebook. Yun nga lang black na ang mas gusto kong tinta. Parang mas gumanda ang sulat-kamay ko sa black kesa sa blue. At naging loyal na ako mula noon. Parang buhay, habang nag-kakaedad, nagma-mature, habang nasasaktan, nag-iibayo.

Sa paglipas ng panahon, nag-iiba ang aking sulat-kamay. Pag gusto ko ang sulat-kamay ng makakasalamuha ko, tiyak, mayat maya lang magagaya ko na ito. Dito nga, nagugustuhan ko na ang kakaiba sa aking paningin na stroke ng mga Hapon. May dalawa na akong nagustuhan! At ‘wag ka, akalain mong minsan nung inenterbyu ako “on applications,” ang pinagawa sa akin ay kung paano ko ibebenta ang...”ballpen”. Pinangunahan ko na talaga na di ko forte yung pagbebenta. Tanggap na ako pero sabi, mukhang may potential ako sa promotions dahil sa likhang-isip ko, naks, hanggang ngayon masarap sa tenga lalo na’t alam kong drummer yung nag-interbyu sa akin pero ang sagwa ng sagot ko promise. It was something like (na may kasamang landi), “ito yung ballpen na ikakayaman mo dahil, pang-pirma lang ito ng tseke.” Napangiwi siya, sabay sabi, “Magsulat ka na lang!”
Sa panahon ng computers, laptop, cellphone, iphone – nabawasan na yung pagsulat ko gamit ang panulat. Gaya nito, computer na ang tinitipa ko. Pero anu’t-ano man, feeling ko, hindi kailanman mawawala ang mga panulat – lapis man, ballpen, o pen – gaya ng kung ano man kahalaga ito sa pagpirma ng mag-asawa sa kanilang marriage certificate. Sa tingin ninyo, magiging computerized na lang later yun, kasi puwedeng scanned sign eh?
Nakaka-miss lang balikan ang nakaraan. Sadyang maliligayahan ka sa kasalukuyan at may sapat na lakas pa para sa hinaharap. Salamat din kay Bob Ong ang inspirasyon sa likod ng libro na ibinigay ni Maya.

Gusto ko lang din idagdag ang pananaw ni Bo Sanchez ukol sa mga panulat. Ang limang bagay na pagkakapareho natin at ng mga panulat ay:
1) Ang panulat ay may layunin – ikaw, alam mo ba ang layunin mo?Ang mga panulat, alam nila ang layunin nila, yun ay ang tulungan ang tao na isulat ang naiisip at nararamdaman nila.

2) Ang panulat ay may pagpapahalaga – ikaw, ano ang pinapahalagaan mo sa buhay? Ang mga panulat, pinapahalagahan nila ang layunin ng kanilang mga manunulat. Sabi pa, mas mahalaga ang niloloob ng panulat kaysa panlabas na anyo nito. Yung pagpalit-palit ko ng ginagamit na tinta, isinasalamin din ang asal na aking pinapahalagahan at karanasang aking natutunan.
3) Ang panulat ay kailangan ng sakit – ikaw, kailan ka huling nasaktan? Ang mga panulat ay kailangang tahasan para mas lalong tumalas. Tayo ay dumadaan sa mga pagsubok para mas lalong tumibay.

4) Ang mga panulat ay kailangan din ng tiyaga – ikaw, may nilaga ka na ba sa pagtitiyaga? Ang mga panulat ay kailanman hindi nagreklamo, kungdi agad binubura ang bawat pagkakamali. Sana ikaw, ako, tayo maisip na pwedeng magbura ng mga pagkakamali at tuluyang magpatuloy sa buhay.
5) Ang mga panulat ay may kalakasan – ikaw, ano ang super power mo? Ang mga panulat ay di kakayanin isa-katuparan ang kanyang layunin kungdi sa hawak at giya natin. Eh tayo kaya? Kanino dapat magpapahawak at magpapagiya?

Paano mo tatagalugin ang “God is so moving?”

No comments:

Post a Comment