Thursday, November 11, 2010

Jeepney Press 2010 November-December Page 21



ARANGKADA PINOY
ni Yellowbelle Duaqui

Utawit at ang Migranteng Pinoy: Pagiging Makabayan at Kosmopolitan


Saksi ang lahat ng taingang nakikinig sa bawat sulok ng Akasaka Kumin Kaikan noong ika-10 ng Oktubre sa husay at galing sa musika ng ating mga kababayan. Ika nga ng kasabihan sa Ingles, ang musika ay siyang wika ng kaluluwa. Kaya naman, kahit na ang ibang lahing tumungo sa konsyerto, ay namangha sa mga pagta-tanghal. Palibhasa, ang awitin ay isang wikang nauunawaan ng lahat, at ninanamnam ng puso, higit sa isip; kaya kahit walang pagsasalin, ito ay nangungusap.

Kasintanda na marahil ng relasyong Pilipinas-Hapon ang pagtatampok sa kakayahan ng mga Pinoy sa musika bilang mga dayuhan sa bansang Hapon. Noong ika-18 siglo, nariyan ang mga tala sa kasaysayan na ang mga naunang indibidwal o grupo ng mga migranteng Pinoy sa bansang ito ay mga musikero.

Nariyan ang kuwento mula sa maikling panahon ng panananatili ng ating pambansang bayaning si Gat. Jose Rizal sa Tokyo. Sa Parke ng Hibiya, kung saan ay nakatirik ang kanyang rebulto, ay nakatayo noon ang Tokyo Hotel kung saan siya ay nanuluyan. Ayon sa kuwento, habang siya ay namamasyal sa parke, nakarinig siya ng musikang nagmumula sa bulwagang pangkonsyerto. Nang siya ay lumapit, siya ay namangha nang matuklasang ang mga musikero ay mga kapwa niya Filipino!

Mula sa panahon ni Rizal at magpasahanggang ngayon, ang mga pangyayaring tulad ng Utawit ay hindi lamang patunay ng kahusayan sa pag-awit ng mga Pinoy, kung hindi man ito isang malinaw na palatandaan ng pagtanggap sa mga migranteng Pinoy sa bansang Hapon. Ang kalayaan sa pag-awit, lalo na ng mga awiting Filipino sa isang bansang mataas ang pagpapahalaga sa sarili nitong wika at kultura tulad ng bansang Hapon, ay nagpapakita ng respeto at pagpapahalaga ng parehong Pinoy at Hapon sa kulturang Filipino. Ang pag-awit ay isang pagtatanghal sa isang pampublikong espasyo. Kung gayon, mapalad ang mga migranteng Pinoy bilang mga banyaga sa bayang ito dahil nabibigyan ng karapatan sa espasyong kung tutuusin ay nakalaan para sa mga Hapon.

Kaya naman, kapuri-puri na naipapatampok ng mga migranteng Pinoy ang pagiging makabayan sa pamamagitan ng talento sa musika at pagiging malikhain sa isang kosmopolitang siyudad. Patunay ito na sa kabila ng karagatan ng sangkatauhan na nagkakatipun-tipon sa isang “global city” tulad ng Tokyo, nahuhugot at napapalutang ng mga migranteng Pinoy ang natatanging identidad na masasabing talaga namang tatak-Filipino.

Ang pagtangkilik sa Original Pilipino Music (OPM) sa gitna ng kondisyong diaspora – higit sa pagpapakita ng matibay na identidad bilang isang Pinoy – ay masasabing pagpapamalas din ng “long-distance nationalism.” Gayundin ang pagsuporta sa mga aktibidad tulad ng Utawit na naglalayong biyayaan ang programang pang-edukasyon ng Gawad Kalinga, na kung tawagin ay “Sibol.” Kongkreto ang pilantropikong kontribusyon ng Utawit sa kaunlaran ng bansang Pilipinas, dahil kitang-kita ang mga silid-aralan at ang mga mukha ng mga paslit na binibiyayaan ng kalinga sa tulong ng pagsisikap ng mga bumubuo ng Utawit. Ang makasaysayang paglago ng Utawit ay patunay sa mainit na suportang tinanggap nito mula sa komunidad ng mga migranteng Pinoy sa bansang Hapon. Kung gayon, ang tagumpay ng Utawit ay tagumpay din ng uri ng nasyonalismong nasa puso ng migranteng komunidad.

Ngunit hindi lamang nasyonalismo ang naipamalas ng ating mga kababayan noong konsyerto. Ang kahusayan nilang umawit ng mga awiting Hapones ay kakikitaan din ng kosmopolitanismo – o ang kakayahan sa pagsabay at tapat na pagtangkilik sa ibang mga kultura.

Sopistikado, kung gayon, ang antas ng nasyonalismo ng mga migranteng Pinoy. Ito ay dahil sa kakayahan nilang pagsabayin ang pagtangkilik sa sariling kultura at ang kultura ng iba. Sa panahon ng globalisasyon, kung kailan napaka-makapangyarihan ang impluwensya ng kultura ng mga higit na mayayamang bansa at matatandang sibilisasyon, ang Utawit ay isang malikhaing espasyo ng tunggalian para sa mga migranteng Pinoy na binabagabag ng mga katanungang may kinalaman sa pagiging makabayan at kosmopolitan.

No comments:

Post a Comment