Thursday, November 11, 2010

Jeepney Press 2010 November-December Page 20



SA TABI LANG PO!
ni Renaliza Rogers

MOTEL

Kinailangan naming magshoot ng isang indie movie at ito’y kinailangang i-shoot sa isang motel dahil ang aming bida ay isang binatang janitor dito. Ang tanging equipment namin ay mumurahing video cam na ang tatak ay “SONYA.”
Pito kami at wala ni isa sa amin ang may alam na murang motel. Ang iba’y halatang nagkukunwaring walang alam sa takot na mabuking. Nagtutulakan pa kami kung sino ang papasok at mag i-inquire dahil baka may makakita at machismis kami. Karamihan sa mga motel ay itinaboy kami, akala siguro’y porn ang ifi-film namin. Meron din namang mga pumayag kaso masyado kaming kuripot at namahalan kami sa 500 pesos.
Nakahanap din kami ng murang lodge. Sa itsura pa lang ay alam mong isang bagay lang ang pakay ng mga pumupunta dito, at ito’y hindi para matulog. Katabi ito ng isang beer- house/carinderia na may mga nag-iinumang pawang traysikel at jeepney driver na may mga ka-teybol na mga babae. Wala na kaming choice kundi subukan ang lodge na ito.
Ang lodge na to ay parang lumang boarding house na kahoy at nabubulok na. Nasa may Divisoria/palengke area ito at masukal. Ang kanilang “reception area” ay amoy ipis at walang tao. Ang short time na 2hours ay P90 at ang overnight stay ay P180. Wow, murang-mura!
Pagdating na pagdating namin sa 3rd floor ay nagkataon namang may babae’t lalaking lumabas sa isang kwarto, kakatapos lang ng yugyugan session nila. Naghagikhikan kaming lahat at napayuko na lamang ang dalawa. Akalain mo bang paglabas mo sa kwarto pagkatapos mong mag happy-happy eh pitong estudyante ang bubulagta sa iyo at may dala pang camera?
Napakabaho ng lugar, amoy na amoy libog. Parang 10 years na ang nakalipas ng huling nilinis ang lugar na to. Nakakatakot, madilim at napakadumi na yari sa mga maninipis na lumang plywood ang mga dingding. At ewan ko ba kung bakit meron pa silang overnight stay kasi sa itsura pa lang ng lugar ay wala nang may taong gugustuhing mag overnight dito.
Naghanap kami ng kwartong pwedeng magamit sa scenes, kahit saan lang daw pwede eh. Ang unang kwartong nabuksan namin ay merong naninigang sa ebak sa kama at punong-puno ng alikabok. Ang ikalawang kwarto ay maraming dugo sa kama at gamit na sanitary napkin sa sahig. Ang pangatlo ay magulo at meron pang mga basang spots sa kama. Fresh na fresh, mainit-init pa!
Habang kami’y nagfi-film sa hall ay busy kami sa kakatapi at kakapatay sa mga nagsisiliparang ipis. Cut din kami ng cut dahil may nagsisigawang lasing at dalawang prosti sa tabi namin. Wala silang pakialam kahit andami naming nakatayo doon. Ayaw kasi magbayad ng lasing sa kanila, kahit daw kwarto na lang na 90 pesos ang bayaran niya ayaw pa rin. Meron ding mga babaeng akyat ng akyat at nagpaparinig sa amin ng, “Matagal pa ba yan? Di pa ako nakakaisa, kailangan ko pang makaapat ngayon!”
Hindi ko akalain na may mga lugar palang tulad nito. Biruin mo, kahit daw yung kwarto na lang ang bayaran at huwag na sila. Aba’y magka- sosyo pa yata ang may-ari ng lodge at ang mga prosti. Sa halagang 90 pesos ng kwarto, magkano ang mapupunta sa babae? Palagay natin 45 pesos, o kahit pa buong 90 pesos. Nilamutak ang katawan mo, tapos yun lang ang makukuha mo? Ang masama ay pag dumating na ang puntong hindi mo na alam ang tama sa mali dahil paulit-ulit itong nangyayari. Kung tutuusin eh mas marami pang mas masahol na kalagayan kaysa dito. Ang nagagawa nga naman ng kahirapan sa tao, kahit ano lulunukin para lang mabuhay.
Hindi ko alam kung meron ding mga magnobyang nagpupupunta dito kasi para sa akin hindi ito ang tipo ng lugar na gugustuhin mong dalhin ang minamahal mo sa buhay. Mas mabuti pang doon na lang kayo sa sagingan kesa naman sa lugar na yun. Akala ko sa sine lang ito nangyayari, mas masahol pa pala sa totoong buhay. Marami pa palang bagay sa mundo ang hindi ko alam at hindi ko nakikita.
Naaawa man ako sa kanila, hindi ako magmamalaki at sasabihing iaahon ko sila sa kanilang nakakapanlumong kalagayan dahil alam kong hindi ko pa kayang gawin yun. May kumakaway-kaway pa kasing mga tambay sa likod ng aming bida na kailangan kong i-edit sa isang eksena. Tatapusin ko muna ang sarili kong problema bago ko tapusin ang sa iba.

---------------------------------------------
e-deshou!
ni Edward Labuguen

ANG KAHALAGAHAN NG PAGKAKAROON NG KONSULADO SA NAGOYA

Noong naupo bilang Presidente si Benigno Simeon Aquino III, sa kanyang talumpati, iginiit niya ang kahalagahan ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa, at isa sa tatlong pinakamahalagang adhikain ng kanyang pamumuno ay ang pagpapalakas ng pagbibigay suporta sa atin, lalo na sa ating mga pangangailangan, seguridad ng lahat ng mga OFW. Kaya inatasan niya dito ang iba't-ibang sangay ng Pamahalaan tulad ng DFA, POEA, OWWA, at itinalaga din niya si Bise-Presidente Binay na bilang adviser ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa Western Japan, matagal ng hinaing ang mga Pinoy dito, na sana magkaroon ng Konsulado sa Nagoya. Makikita na ang mga Filipino sa Western Japan, lalo na sa Aichi (Nagoya ang sentro) ang pang-apat sa pinakamalaking bilang ng mga banyaga, maliban sa mga Koreano, Intsik, at Brazil, na mas maswerte na mayroon mga konsulado sa lugar. Ang mga Pinoy dito ay nasa 26,000 at kung maisama pa ang mga kalapit na prepektura ng Gifu, Mie, Shiga, Ishikawa at Fukui, umaabot sa mahigit na 44,000, hindi pa kabilang dito ang napakaraming undocumented Filipinos na nakatira sa mga lugar na ito. Ang bilang na ito, ay halos 60 porsiento sa bilang ng mga Filipino na nasasakupan ng Konsulado ng Pilipinas, na nasa Osaka. Samakatuwid, 6 sa bawat 10 Pinoy ay hindi lubusang napagsisilbihan ng Konsulado, dahil maliban sa mahirap pumunta sa Osaka, dahil malayo ito, at hindi rin kaagad-agad na mabigyan ng karapatdapat, mabilis na atensyon ang mga suliranin dito ng mga Filipino, dahil sa kalayuan ng Konsulado, na nasa Osaka, kung saan ang bilang lamang ng mga Filipinos doon ay mahigit 5,000 lamang.

Hindi rin natupad ang pangako, na magkakaroon ng OUTREACH PROGRAM ang konsulado kada buwan sa Aichi at sa iba't ibang lugar at lalo na ngayon dahil sa pagbabago sa sistema ng pasaporte, kinakailangan ng pumunta ng personal sa Konsulado. Sa mga dokumento din, ay maraming hinaing ng mga tao, na hindi natatapos kaagad o napagtutuonan ng pansin, lalo na kapag may mga kulang, na kailangan pang ipadaan sa post office. Inaabot ito sa mahabang araw. Maliban dito, may mga report na mahirap tawagan ang Konsulado, at kalimitang sinasabi na kung matawagan man, ay hindi maayos ang pakikipag-usap ng telephone operator o consular staff. Mayroon namang website ang Konsulado na kulang naman ng inpormasyon na kailangan ng mga tao. Mga sulat, fax, email na ipinapadala ng mga tao ay kalimitan ding hindi natutugunan ng Konsulado.

"Due to high concentration of Filipinos in Nagoya and its environs, the problems of Filipinos here are both diverse and numerous ranging from human trafficking in which many young Filipinas are victimized by Japanese underground syndicates, to crimes such as murders of Filipinos by other Filipinos. In all cases, the Philippine Consulate in Osaka has used the distance of Nagoya and its environs as the reason why it cannot closely and directly assist Filipinos in distress. Since visits from the Philippine Consulate in Osaka to prisons and detention centers in Nagoya Immigration are virtually nil. Kaya minsan, o di man kadalasan, ang Pinoy dito ay umaasa na lang sa tulong ng mga kaibigan, kakilala, civic and religious groups, na minsan din pinagbibintangan ng Konsulado na mga fixers.

Nararapat lang na bigyan na rin ng pansin ang suliranin at adhikain ng mga Filipino dito sa Western Japan, para mabigyan na rin ng lunas ang aming mga hinaing. Nararapat lang na ibigay na rin sa atin ang mithiing ito, karapatan din natin ang serbisyo ng Konsulado. Ang permanenteng kasagutan lamang sa problemang ito ay ang pagkakaroon ng Konsulado dito sa Nagoya, para mapagsilbihan din naman ng maayos ang 6 mula sa 10 Filipinos na nakatira sa Western Japan.

Kumilos tayo mga kababayan, magkaisa tayo na sana pakinggan nila ang hinaing natin. Sabay-sabay tayong himukin ang Philippine Ambassador sa Japan, at ang Kalihim ng DFA, para bigyan pansin, at magkaroon ng konsultasyon sa Pamahalaan ng Japan. At magkaisa tayong iparating ang mithing ito sa Mahal na Pangulo Aquino at sa Pangalawang Pangulo Binay. Matagal na sana natin tinatamasa ang karapatan na magkaroon ng Konsulado sa Nagoya, at ito na ang tamang panahon na ipaglaban natin ang ating karapatan. Kung tinatamasa ang mahigit na 5,000 lamang na taga Osaka ang serbisyo ng Konsulado, wala bang karapatan ang mahigit na 44,000 na Filipinos sa Western Japan na mapagsilbihan din ng mas maayos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Konsulado dito sa Nagoya?

Ano masasabi mo kaibigan? Ipanapaabot ko rin sa lahat ng ating mga kababayan ang taus-puso kong pasasalamat sa patuloy na pagsuporta ninyo sa Jeepney Press at ang pitak na ito, tapos na naman ang taong 2010. At sana sa patuloy na pakikiisa nating lahat, at pagbibigay malasakit sa kapwa-Pinoy, ay yakapin nating matiwasay ang 2011. MALIGAYANG PASKO AT MANIGONG BAGONG TAON sa ating lahat.


No comments:

Post a Comment