Thursday, November 11, 2010

Jeepney Press 2010 November-December Page 06



DAISUKI! by Dennis Sun

Paano Na Ang Pasko?

Tanong ko sa ‘yo, “Paano ang pasko mo?” Kung wala ang pamilya mo dito sa Japan, siguradong ang say mo, “Napakalungkot.” Buti na lang ang kaibigan kong si John, halos buong angkan, nandirito na sa Tokyo. Tuwing pasko, lahat sila, nakasuot ng pula at sabay-sabay pumunta sa simbahan. Parang Christmas at Valentine season na pinag-sama! Si Ryan naman, mag-isa lang siya sa Tokyo. Mga magulang niya, nasa South Korea. Kaya kung nalulungkot siya, fly agad sa Seoul. Buti na lang at hindi masyadong malayo at mahal ang pamasahe. Sa dalawang oras at sa halagang dalawang lapad na ticket, nasa Seoul na siya!

Pero bakit nalulungkot tayo tuwing pagsapit ng Pasko? Kasi, we are reminded by what we see and hear everywhere that Christmas is a time to be with the family and it’s a season to celebrate. Kaya kung wala ang mga loved ones sa piling mo, depressed and lonely ka. Eh, paano naman ang mga OFW natin? Nakaka-awa talaga. Hindi lang sa pag-gambaru sa trabaho kung hindi, kung paano natin pala-lampasin ang kalungkutan lalung-lalo na tuwing okasyon na ganito.

Si Susan, sampung taon na siya sa Tokyo nakatira. Mag-isa lang siya pero pagdating ng Pasko, gumagawa siya ng paraan para makita niya lahat ng kanyang kaibigan sa Tokyo. Nagtitipon sila sa restawran at nag-chi-chika to the max. The best way nga is to surround yourself with friends. Paano naman yung walang friends? Hay naku, hindi pwedeng wala kang friends. Kailangan, bago sumapit ang Pasko, dapat magkaroon ka ng friend kahit isa man lang. Hindi mo na kailangan ang marami. Basta’t meron kang isa, maligaya ka na. Ang hirap ngang makatagpo ng best friend. Kaya kung meron dumating sa buhay, i-treasure mo ang friendship! Siguro, iyon na ang gift mo sa sarili mo.

Si Vivian, nagbo-boluntir siya to serve meals to the homeless. Project daw ng simbahan nila. Nakaka-awa raw ang mga homeless sa Tokyo. Wala na silang tirahan, makain at minsan, namamatay na lang sila sa super-lamig dito sa Tokyo. Para kay Vivian, itinuturing niyang pamilya ang mga taong nakapaligid sa kanya at sa pagtulong niya sa mga kapus palad, nawawala bigla ang kanyang kapanahunang lungkot. Sometimes, the best way to make yourself feel better is to fill the needs of others.

Sabi ni June, “Kung lonely ka at miss mo sila, eh di, tawagan mo at mag-telebabad!” Swerte ka na lang June kung ma-connect ka tuwing Pasko. Kasi, lahat na yata ng Pinoy all over the world ay tumatawag sa mga pamilya at friends nila sa Pinas. Booming ang business ng mga telephone companies this time. Complain ni Carlos, “Paano naman kung wala ka ng pera pang-tawag kasi ubos na sa pagbili ng mga regalo?” Well, isa lang ang payo ko diyan. INTERNET! Kung may internet connection ka, pwede kang mag-telebabad sa pamilya mo sa Pinas or anywhere in the world. You can e-mail them. You can chat with them. Even call them and see their faces on your computer screen, as in video-call. Basta’t meron silang internet, you can call, chat and e-mail all of them for as long and many times as you want. Inday, wala ka pa rin computer? Inday, nasa Japan ka, high-tech tayo dito kaya mag-internet ka na!

How about treating yourself with a nice gift? Kung meron kang ina-asam-asam for the last few months na ayaw mong bilhin, go and get it! Minsan, kailangan mo rin bigyan pansin at halaga ang iyong sarili. Mag-pa-ayos ka sa beauty shop. Pa-facial ka, manicure at pedicure. Mag-spa o kaya mag-onsen for your health and beauty. Baka naman pag-uwi mo sa Pilipinas, hindi ka na mahitsura ng asawa mo dahil mukhang losyang ka na! Inday, mag-pa-ganda at mag-pa-sexy ka! Para ka na ngang kalabaw kung mag-trabaho. Kahit man lang sana sa Pasko, bigyan pansin mo rin ang sarili mo. Indulge yourself! Ikaw naman Dong, bilhin mo na yung computer, camera, iPod o iPhone! Mag-over-time ka na lang ng few days o mag-part-time para maka-save ka ng pang-bili. Minsan, ang tao, kahit matanda na, kailangan pa rin meron siyang laruan. Sa kakakulikot mo diyan, ubos ang isang araw at linggo mo. Hindi mo akalain, lumipas na pala ang Pasko at Bagong Taon. Valentine na!

Nasa labas ka na rin, manood ka kaya ng sine? Find a feel-good movie. Going to the movie theatres will keep your mind off of being alone, kasi, you won’t actually be alone! Kunin mo yung last full show para pag natapos, direcho kang umuwi at straight to bed.

This year, 2010, buti na lang at Sabado pumapatak ang Pasko. Kaya Biernes pa, nasa Simbang Gabi na tayo. Siguradong maraming gi-gimmick after that! Remember: huwag masyadong uminom at kung nasa bahay kayo, huwag masyadong maingay. Yung volume ng music at mga boses natin, i-turn down lang. Kasi ang mga kapit-bahay nating mga Hapon, natutulog na po sila. Magbigay galang po tayo sa kanila.

Pero ask ko sa ‘yo, “Gusto mo ba talagang umuwi sa Pasko? Handa ka bang maging isang Santa Klaus? Handa ka bang mag-walgas ng pera sa mga miembro ng pamilya, malapit sa pamilya at malayo sa pamilya?” Unang-una, mahal ang airplane ticket tuwing Pasko. Peak season po during this time of the year simula mga ilang araw bago mag-Pasko hanggang ilang araw pagkatapos ng Bagong Taon. Imagine, starting pa lang ng taon, ubos na ang pera mo. Hindi lang ubos, pati credit card mo, nag-re-reklamo na sa over-usage! Buti na lang si Cora, ang gamit niyang credit card ay ang sa husband niya. Pero sana maintindihan ni Cora na kung magiging gipit ang asawa niya, siya rin ay magiging gipit. Kung anong mangyari sa asawa mo, sa yo rin mapupunta ito! Kaya dapat, pahalagahan natin ang bawat isa.

-----------------------------

Shoganai: Gaijin Life By Abie Principe

Malansa Pa Sa Isda!

Magandang araw mga minamahal na sumusubaybay sa Jeepney Press. Bagama’t matagal nang natapos ang Linggo ng Wika, tila baga marami pa ring nagnanais na mabasa ang ating salitang Filipino, sa halip na ang banyagang pananalitang Ingles. Kun sabagay, isa rin sa mga “shoganai” o mga bagay na di-maiiwasan, dito sa Japan, ay ang hindi paggamit ng sariling wika. Dito, kung hindi Hapon, e Ingles. Kasi nga naman wala na tayo sa Pilipinas, di da?

Internasyonal na komunidad na ang ginagalawan natin kaya nararapat lang na maging internasyonal din ang wikang gagamitin. Kaya nga naman, halos lahat ng Pilipinong napapadpad dito e gumagaling mag-Hapon, o di kaya mag-Ingles. Lalo na ang mga nagiging English teachers. Aba, kung magtuturo ka nga naman ng Ingles, e dapat magaling kang mag-Ingles! Kaya tuloy, nawawala na halos ang abilidad na magsalita ng lenguaheng kinapanganakan.

Madalas nga, ang mga naninirahan na ng matagal sa bansang ito, tuluyan nang hindi ginagamit ang Filipino. Madalas ay Hapon na lang ang salitang ginagamit. Lalo na kung ang asawa ay Hapon, at ang mga anak ay dito na lumaki. Ang mga anak nila mismo, hindi mo mai-isip na kalahating Pinoy, dahil Hapon na Hapon ang pananalita at pananamit. Malaking porsyento sa mga anak ng Pilipino na lumaki dito ay hindi na marunong ng salitang Filipino. Kahit Ingles minsan, hindi rin marunong. Salitang Hapon lang ang alam nila. Nakakalungkot, pero “shoganai.” Madalas kasi, lalo na sa mga bata, pag na-iiba sa mga kaklase, napag-iinitan. Kaya yung mga bata mismo, ayaw nila na iba sila, ayaw nila na malamang ang isa sa magulang nila ay dayuhan, hindi Hapon. At ayaw nilang kilalanin na ang pamamahay nila ay mayroong dalawang kultura at pananalita. Nakakalungkot talaga.

Pero sana maintindihan ng karamihan na ang pagkaroon ng pamamahay na dalawa ang kultura ay isang mabuting bagay, hindi ito dapat ikinahihiya, at lalung-lalo na hindi ito dapat na itago. Ang mundo ngayon ay hindi na sarado, tulad noon. Ngayon, “global” na ang pag-iisip ng karamihan, at ang magkaroon ng isang internasyonal na pamamahay at isang bagay nga na kinaiinggitan ng maraming taga mayayaman na bansa, tulad ng Australia at Canada. Sana maintindihan ng mga Pilipino na ang pagiging internasyonal ay hindi pagkalimot sa kinagisnan sa sariling bansa. Hindi dapat na ipag-palit and sariling kultura para sa iba. Mas nararapat na ang dalawang kultura na kinabibilangan ay pagsamahin. Kunin ang magagandang aspeto sa bawat kultura at ito ang palawigin. At ang paminsan-minsang paggamit ng sariling wika ay nakakatulong din, ito ang nag-papa-alala sa atin na tayo ay mga Pilipino, may sariling kultura, mayroon malalalim na kasaysayan, mayroong sariling pananalita, na bagama’t naiiba sa bawat isla, nananatili pa ring katibayan ng ating pinang-galingan.


Ang taong hindi marunong
magmahal sa sariling wika
ay higit pa sa mabaho
at malansang isda.
- Jose Rizal

No comments:

Post a Comment