e-deshou?
by Edward Labuguen
ANG KAHALAGAHAN NG PAGKAKAROON
NG KONSULADO NG PILIPINAS SA NAGOYA (PART 2)
Pagkalipas ng ilang araw, pagkatapos sumingaw ang sigaw ng ating mga kababayan dito sa Western Japan na sana magkaroon ng Opisina ng Konsulado dito sa Nagoya, ay marami nang nabuong hakbang para makamit o mabigyan ng halaga ang mithiing ito ng ating mga kababayan. Ang naunang pahayag ko dito, ay naglalaman lamang ng mga tamang data, ayon sa pinakahuling surbey, at hindi ito haka-haka lamang, o napulot kung saan-saan. Katulad ng pagkakaroon ng mas maraming populasyon ng Pinoy na nakatira sa Western Japan (Aichi, Gifu, Mie, Shiga, Ishikawa, Fukui and Toyama) kumpara sa Osaka, na nasasakupan ng Konsulado ng Pilipinas na matatagpuan sa Osaka. Totoo din na base sa tamang pag-analisa o tamang pag-iisip, samakatuwid, 7 sa bawat 10 Pinoy ay hindi direktang napagsisilbihan ng Konsulado. Una sa lahat, ang distansya ng Konsulado sa mga siyudad ng Western Japan, na kailangan magbiyahe ng 3 hanggang 4 na oras papunta sa Osaka. Katulad ng trahedya na nangyari sa mga kababayan natin sa Mie-ken, na kung saan 6 ang Pinoy na namatay, at marami din ang lubhang nasugatan. Nangyari ang aksidente noong Nobyembre 28, nakara-ting ang kumatawan ng Konsulado Nobyembre 30, na kung sana may opisina ang Konsulado sa Nagoya, ay mas mabilis sana ang pagresponde sa mga kaganapan na ganito. Hanggang ngayon, hindi pa sigurado kung nailipad na ang mga bangkay ng mga nasawi. Ang hinihingi lamang ng mga taumbayan, ay karapatan na kung maari, ay bigyan naman ng pansin ang mithiin na ito, para maba- wasan ang paghihirap, at mabigyan tugon ang mga pangangailangan ng mga Pinoy dito sa Western Japan. Kami po ay hindi naghahanap ng away sa talakayan na ito.
Ang katotohan, ang mga lider ng mga ibat-ibang organisasyon sa nasasakupan ng Western Japan, ay nakikipagtulu-ngan ng maayos, nagsasakripisyo ng oras at pera sa pakikibahagi sa mithiin at pagpapalakad ng Konsulado sa Osaka. Sino ba ang takbuhan ng Konsulado kung hindi ang mga lider na ito, na walang hinihinging kapalit para makatulong sa mga hakbang o programa ng Konsulado? Nabanggit ko din, tungkol sa "dismal track record" ng konsulado sa pagbibigay ng Consular Services, kahit alam namin na noong 2006, nagkaroon ng 6 na outreach programs, 8 noong 2007, 9 noong 2008 at 8 noong 2009, na labis na ipinagpapasalamat namin sa mga butihing Consular Staff na nagsakripisyo sa mga nabanggit na araw, kahit Linggo ay nagpunta sila para sa nasabing programa, na kahit araw para sa kanilang mga pamilya ay "nagsakripisyo" para dito, pero mas pinapasalamatan ko ang mga Pinoy na Boluntaryo na tumulong para sa mga nasabing "outreach" programs, na walang bayad kundi gumastos pa para matugunan ang programa para maipasa-ayos ang mga consular services na yan. Hindi naman ako naniniwala na walang sahod o overtime ang mga kawani ng Konsulado sa mga programang ganito, at kung wala man, ay papalakpakan ko ng bonggang-bongga ang mga taga-Konsulado, at kung mapatunayan nila na libre ang serbisyo nila sa mga programang ganito, dyan ko masasabi na may puso at likas sa kanila ang pagsisilbi. Kaya lang naman nasabi na "dismal track record" dahil base sa pahayag ng butihing Consul General Lopez, noong pagbisita niya sa Nagoya noong naupo siya sa Konsulado, nagbitiw siya ng pangako na magkakaroon sa Nagoya ng buwan-buwan na Outreach Program na kahit papaano, mas malapit sana ang Nagoya na puntahan ng mga Pinoy dito sa Western Japan; ang pagkakaroon ng web site ng Konsulado na wala namang laman, na dapat ay pakipakinabang, lalo na pabago-bago ang mga consular fees, na hindi nalalaman ng mga tao, na sa pagpapadala ng mga dokumento, minsan kulang o sobra ang bayad o kulang ang dokumento. Mahal din kaya ang pagpapadala ng pera gamit ang genkin-kakitome. Kung kumpleto sana ang mga detalye sa nasabing website, mabibigyan ng tamang impormasyon ang mga tao. At kasama na dito ang mga alegasyon na may mga staff sa konsulado na masungit magsasagot sa telepono, maliban pa na mahirap kontakin ang telepono, at mga iba pang paratang na maling serbisyo sa konsulado, base sa mga nakaranas. Ang mga ito ay alegasyon, bagay na hindi ko kinunpirma sa aking pitak, kaya gumagawa na ang mga nasabing mga kababayan ng tamang hakbang na mai-dokumento ang mga paratang na ito, para hindi maakusahan ng haka-haka o gawa-gawa lamang, para maipaabot sa kinauukulan. At kung totoo man ito, karapatdapat lamang na maisaayos ang mga bagay na ito, alisin ang mga taong binabayaran ng pamahalaan.
Alam natin na may kahirapan ang mithiin natin na magkaroon ng Konsulado sa Nagoya, kailangan ang masusing pakikipag-usap ng Pamahalaan ng Pilipinas at ang Japan. Sa pagkakaalam ko ay kailangan din maaprubahan sa Kongreso ng Pilipinas, para sa budget nito, ngunit kung ang pag-uusapan ay ang Serbisyo na maibibigay sa mga Filipino sa Japan, na bahagi ng pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas, bakit hindi umpisahan para makamtan ang mithi na ito? Hanggang ngayon tahimik pa rin ang Konsulado sa Osaka at ang Embahada sa Tokyo sa usapin na ito. Ayaw nilang mapag-usapan o bingi sila sa sigaw ng bayan? Nakakainggit ang Pamahalaan ng Brazil na may 2 konsulado, isa sa Nagoya, at Shizuoka; ang Peru, meron din sa Nagoya; ang South Korea, meron din sa Nagoya, Osaka, Hiroshima at Fukuoka; at ang China, meron din sa Nagoya, Osaka, Nagasaki at Fukuoka. Ang mga nasabing bansa ay may pagpapahalaga sa kanilang mga kababayan, bakit kaya sa Pilipinas hindi magawa?
Patuloy pa rin tayo mga kababayan na sumigaw para sa ating mithiin, at umasa at magdasal na sana ay mabigyan ng atensyon ang isinusulong natin na magkaroon ng Opisina ng Konsulado. Sa mga kababayan, sumapi kayo sa ating talakayan sa FACEBOOK FUN PAGE, nagkaka-isang Pinoy, sa I DEMAND THE CREATION OF A PHILIPPINE CONSULATE IN NAGOYA. Umabot na ng kulang-kulang na 2,000 ang kasapi, makisama at makipag-ugnayan po kayo. Malaya po tayong magpahayag ng damdamin o kaisipan, nakikiusap lang kami na wala sanang mga salita "below the belt" , may mga pinag-aralan tayo, ipakita natin sa kinauukulan na tayo ay may modo, na hindi katulad sa iba.
Sigaw ng mga taga Western Japan: " I DEMAND THE CREATION OF A PHILIPPINE CONSULATE GENERAL IN NAGOYA CITY". Maraming Salamat po.
No comments:
Post a Comment