Hopeless Romantik
by Jackie Murphy
My true love... miles away from me... A TRUE STORY (part 3)
Lumipas ang maraming taon, nandun pa rin ang pagbabakasakali kong magkikita kami. Pista ng patay, Christmas o kaya piyesta sa bayan namin, pilit kong inaalam sa mga dati niyang friends and classmates in highschool pati na rin sa mga kamag-anak ko pero sa kasamaang-palad wala ni isang makapagsabi kung saan siya nagwo-work o di kaya`y tuluyan na ba siyang nag-asawa. Minsan naisip ko ring mang-bribe na lang ng pulis para mag-imbestiga o para lang malaman ang kanyang kinaroroonan. Iniisip ko pa lang yun parang nababayo na sa kaba ang dibdib ko. Paano kung may sarili na siyang pamilya o kaya`y masaya na siya sa buhay niya ngayon...hindi na niya ako kailangan. Manlumo man ang puso ko ngayon inaamin kong nagkamali ako. Mas dapat palang iniingatan at inaalagaan ang pag-iibigan kasi kung wala na siya sa buhay mo tsaka mo pa lang maiisip at mararamdaman kung gaano siya kahalaga sa iyo.
Ngayon ko lang naisip baka hindi na ako makahanap pa ng kagaya niya o dili kaya`y baka wala nang makagawa sa akin ang mga pag-aasikaso at pagpapahalagang ginawa niya sa akin noon. `Small things` man na maituturing pero doon pala nasusukat ang tunay na pagmamahal ng isang tao: ang maliliit na bagay na hindi kayang tapatan ng salapi. Biglang nagbalik sa alaala ko noong sinusundo niya ako sa bahay namin bago kami pumasok sa iskul sa hapon at alukin siya ng nanay para mag-merienda. 'Sige lang po' ang palagi niyang malumanay na sagot kasi nga mahiyain siya masyado. Pag-alis na ng nanay ko tsaka pa lang kami makakapag-usap nang maayos o di kaya`y makapaglambi-ngan ng konti (konti lang... promise!!!). Saan ako magsisimulang hanapin kaya siya? Sa diyaryo, sa barangay, sa police station...??? Hay naku, parang naghahanap ako ng karayom sa isang bunton ng dayami. All roads lead to a dead end.
Kailangan kong mag-move on. Paano ko sisimulan? I believe that time heals all wounds and I recklessly grabbed the easiest way: I started having relationships one after another after another. “Just go have fun and forget about a long lost love” were my lousy, unreasonable traps for getting into such. Nalilibang ako noong una pero puro kalbaryo ang inabot ko dahil hanggang anim na buwan lang halos ang itinatagal ng mga nagdaan kong mga relasyon. Parang may kulang. Parang hindi kumpleto ang sangkap! Hindi kaya pilit kong minimithi na sana siya pa rin ang kasama ko ngayon? Kailangan ko ng may sense kausap, masayang kasama, palaging nakangiti at walang arte sa katawan. Siya nga yung kulang. Kailangang magpursigi akong hanapin siya! Back to square one! Balik ulit sa tanong: Paano at saan ako magsisimula?
September, 1987, dumating ang isang hindi inaasahang matinding dagok sa buhay ko, sa buhay naming magkapatid. Pumanaw na ang aming pinakamamahal na ina. Ang pagkawala ng isang magulang ay katumbas ng mawalan ng pag-asa sa buhay. Paano ko mag-isang itatawid ang buhay namin ng aking nakababatang kapatid ngayon? Nasa kolehiyo siya noon at ako naman ay nag-aaral ng abogasya. Palibhasa working student ako: trabaho ako sa araw, aral sa gabi. Pakiramdam ko palayo nang palayong matupad ang mga sinum- paang pangarap namin sa aming ina noon. Hindi kami handang mawala siya. Napakalaking responsibilidad ang nakapatong sa mga balikat ko. Ayokong magpakita ng pagkatalo ngunit lalo ko lang naramdaman ang lungkot at pangu-ngulila dahil wala akong karamay, wala akong mapag-hingahan ng sama ng loob at higit sa lahat ito na ang umpisa ng mahaba at madugong laban ko sa buhay. Halos magiba ang mundo ko sa unang pasko na di namin kasama ang aming mahal na ina. Awang-awa ako sa aming magkapatid noon. Para kaming mga ligaw na sisiw na hindi alam kung saan sisilong pilit na hinahanap ang kanilang nawawalang inahin. At sa unang pagkakataon sa alak ko nakitang meron pa pala akong natitirang kakampi! Araw-araw, bote ng alak ang baon ko hanggang sa pagtulog. “Okey naman pala, eh, masaya ito,” ang sabi ko!
Kalaunan, unti-unting bumabalik na ang sigla ko sa aking sarili. Dito rin ako gulat na gulat! Dumarami ang mga kaibigan ko: mga kapitbahay ko, mga mare`t kumpare ko pati di ko mga kakilala dumadayo na rin. Kagaya pa rin ng dati, subsob sa trabaho sa umaga hanggang hapon. Bago ako umuwi ng bahay nagti-text na ako o di kaya`y tawagan ko na sila sa telepono para magtipon-tipon at magsalo-salo para pagdating na ng takipsilim nakahanda na kaming lahat. Hapon pa lang darating na ang in-order kong isang case na beer pati pulutan: ihaw dito, ihaw doon, may kasama pang karaoke! Pagkatapos ng unos heto at may natitira pa palang saya ang buhay!
------------------------
SA TABI LANG PO
Ni: Renaliza Rogers
Grabe!
Year 2011 na, bagong taon na naman! Isang taon na lang at katapusan na ng mundo 2012! Joke lang... Haay naku, parang kelan lang ata ako nagpabitin-bitin doon sa gate namin sa pag-asang baka tumaas pa ako. Parang kelan lang ako nagsunog ng Chinese wishing paper na bigay ng pinsan ko. Oo, wishing paper daw. Isulat ko daw dito lahat ng hiling ko for 2010 noon tapos hawakan ko daw ito at unti-unting sunugin habang itinataas-baba, na parang nagbabasbas, upang dalhin daw ng hangin ang mga hiling ko. Di ko naman naintindihan ang instructions at isiniksik ko sa loob ng isang lata ang aking wishing paper at sinilaban.
Panahon na naman ng mga paputok. Ilang tao na naman kaya ang magkaka “new look” for 2011? New look dahil kulang na ang mga daliri nila o di kaya’y wala na silang mga kamay dahil naputukan. May kakilala ako na naputol ang daliri, hindi dahil sa paputok, kundi dahil hinawakan niya ang makinang nagkukudkod ng yelo sa Ice Plant nung bumili sila ng ice nung new year last year. Ewan ko ba kung anong utak meron siya. Natuwa daw siya sa pataas-baba na gilingan kaya’t hinawakan niya ito. Ayun, nilamon ang daliri niya. Ang resolution niya for 2011, huwag mahuhumaling sa mga makina.
Ako, hinding-hindi pa yata ako nakapagsindi ng paputok sa tanang buhay ko. Ang pinaka-daring na attempt ko ay ang magsindi ng luces at Roman candle. Nagpapasuan pa kami ng kapatid ko noon ng luces. Sinusunog niya kasi noon ang buhok ko kaya pinaso ko nga siya. Mula noon, hinding-hindi na siya nagsunog ng buhok ko, diretsiyahan niya na lang akong pinapaso.
Dito sa Pinas, ibang-iba ang New Year. Grabe ang paputok, napaka-ingay. Wala pa ngang new year nagpapaputok na. Asahan mo na kina-umagahan ng bagong taon ay punong-puno ang kalye nga mga basu-basurang papel ng paputok. Maraming tao ang nag-eenjoy sa labas pero marami ding nagkukulong sa loob ng bahay pag new year dahil hinihika sa amoy ng usok at pulbura. Sorry na lang ang may mga hika pag dito kayo nag-pasko sa Pilipinas. Nung sa Japan ako nag new year, ang pumutok lang ay ang pwet ko at ang butsi ni mama. Wala talagang maingay sa daan. Andun sa mga club or bar or restaurant ang mga tao nagkacountdown. Ibang-iba sa nakagisnan ko pero ang bobongga naman ng fireworks display na sa TV ko lang naman nakita.
Ang dami ko nang naging resolutions nung mga bagong taon na nakalipas na hindi ko naman natupad. Halos ilang taon ko na yatang resolution ang mag diet pero wala namang kakuwenta-kwenta. Hanggang ngayon hindi ko pa rin yun nagagawa at mataba pa rin ako. Ang tawag ko ngayon sa mga tulad kong malulusog ay “curvalicious”, pakunswelo na lang sa diet na hindi ko nagawa. Naging resolution ko rin ang huwag maging tamad. Hang- gang ngayon ay tamad pa rin naman ako, pero hindi na sing tamad ng dati. Ilang beses na kasi akong binato ng aking ina ng kahit anong mahawakan niya sa inis at para lang gumalaw ako. One time, binato niya ako ng lumpia.
Sa bagong taon na to, hindi na ako magre-resolution ng alam kong hindi ko naman matutupad. Ang resolution ko for this year na lang ay maging mas mabait. Magbibigay ng pagkain sa mga batang kalye na nang aagaw ng binili mong siomai. Tapos minsan mangu-ngurot pa or gugulatin ka nila at tatakutin tapos pagtatawanan. Sarap talagang kutusan! Kaya lang yun pa nga, dapat habaan ko ang pasensya ko this year.
Isa din sa resolutions ko ay ang maging mas maingat. Napaka clumsy ko kasi. Ika nga ng ina ko ay parang may nana daw ang mga kamay ko, laging nabibitawan, nababagsak o nasasagi ang kung anu-ano. Palagi rin akong namamasyal sa mall na basa ang pantalon at panty dahil nga natapunan ng iniinom ko. Kamuntik na rin akong malaglag pababa ng mini-bus dahil natisod ako sa sarili kong mga paa. Buti na lang niyapos ako ng konduktor kundi basag ang mukha ko sa kalye. Kaya lang, feeling close agad si manong, may pahabol pang kindat pagkatapos.
Anyways, sa taong ito, 2011, sana nama’y maging maganda ang daloy ng panahon para sa lahat ng tao sa buong mundo. Sana’y huwag namang mag El Niño sa summer dito sa Pinas kundi mahi-heat stroke na talaga ako. Ang hiling ko lang ay, overall, maging masagana at maganda ang taong 2011 para sa ating lahat. Happy New Year!
No comments:
Post a Comment