Wednesday, March 9, 2011

Jeepney Press 2011 March-April Issue Page 08



SA TABI LANG PO
Ni: Renaliza Rogers

Bakit May Ganun?

Mag tatatlong buwan na rin makalipas ang bagong taon at maka ilang beses ko na ring sinira ang isa sa mga new year resolutions ko. Isa sa mga resolutions ko ay ang maging mas pasensyoso at maunawain sa ibang tao. Pilit kong kinakaya, kaya lang may mga tao talagang ang sarap sabunutan at kutusan. Eh kasi nga naman, may ibang tao na sadya nga namang nakakainis at kulang sa tinatawag na kunsiderasyon at common sense. Sa Pilipinas lang ba yun at Pilipino lang ba ang ganun?

Kung mapapansin niyo, may mga tao na kahit alam namang public toilet ang isang lugar ay maiinis at magpaparinig pa ng kung anu-ano pag alam nilang merong umeebak sa loob ng cubicle. Bakit, may nakasulat bang “Ihi lang pwede, bawal tumae dito” sa pinto? Kung magsalita, akala mo naman kung amo’y CK One ang dumi. At ewan ko kung meron din sa ibang sulok ng mundo nito, pero sa Pilipinas ko pa lang nakita ang may naniningil sa labas ng kubeta ng P2.00 pag iihi lang at P5.00 pag tatae. Eh paano pag utot lang? “Ay, pabawi ng P2.50 ko kasi di naman pala ako tumae, umutot lang.”

Meron naman akong isang kamag-anak na bigla na lang naghalukay ng aking maleta tsaka ipinasuot sa apo niya ang aking shorts dahil daw wala itong dala. Tama bang mahuhuli ko na lang sila sa kwarto ko na nagfa-fashion show na ng mga damit ko? Bakit sila ganun? Meron din akong kaklase na hiniling na sana’y masunog ang malapit bar/club sa bahay nila at mamatay na ang may-ari para wala ng ingay. Tama bang humiling ka na ikapapahamak ng iba, kahit na naiinis ka sa kanila?

Bakit kaya may mga tao ding hindi marunong rumespeto? May nasakyan akong jeep na sobra kung manglait ang driver nito sa isang pasaherong mataba. “Umusod kayo at may sasakay na baboy! Kasya ka ba baboy, este, miss?” Hiyang-hiya ang malaking dalaga. At nang nagbayad na ng pamasahe, “Baboy, este, miss…kulang to! Dagdagan mo, tatlong tao ka eh!” Tama bang gawin niya yun? Nakikita mo namang malaki siya, kailangan mo pa bang ipamukha sa kanya yun at ipahiya siya sa publiko?

Meron din namang iba na sobra magmaliit ng kapwa, katulad na lang sa eskwelahan ko. Pumapasok ako sa isa sa mga prestihiyosong unibersidad dito sa Pilipinas. Dito, libre mag-aral kapag anak ka ng isang empleyado ng unibersidad. May mga kaklase ako ditong sobra magmaliit sa kapwa. “Baka anak lang yan ng janitor or sikyo kaya nakapag-aral dito. Mukhang katulong. Itsura pa lang, parang di na kayang mag-aral kahit sa public college.” Tama bang maliitin mo ang isang kapwa tao dahil hindi siya mukhang mayaman? Tama bang maliitin mo ang mga trabahong kahit maliit ang kita ay disente at maipagmamalaki?

Mayroon din namang mga taong walang kunsiderasyon. Yung mga taong nang-aagaw ng linya kahit na ilang oras ka nang nakalinya diyan. Sarap itulak noh? Iba naman eh uutot sa loob ng elevator. Huwag naman dito please. Ilang palapag na lang lalabas ka na, pigilin mo na lang. May iba naman na sarap na sarap sa pagkain ng hotdog sandwich at coke habang nakatayo katabi ng pulubi. Nagbigay nga ng piso, pinaglaway naman sa inggit ang kawawang nanglilimos.

Ang pinaka-masahol na pagpapakita ng kawalan ng kunsiderasyon na nasaksihan ko ay sa isang pampublikong ospital. Nag-iiiyak ang dalaga ng sabihing “Mam, bakit hindi niyo man lang pinump ang dibdib ni tatay pagdating?!” Sumagot ang head nurse ng, “Aba day, patay na yan pagdating dito noh!” Patay na kung patay, pero sana sinubukan niyo man lang na bigyan ng first aid o nagpakita man lang ng kaunting awa sa mga namatayan ang mga hospital staff. Sa halip, may mga nurse pa sa emergency room na nagtutuksuhan at nagtatawanan sa tabi habang ang pamilya ng namatayan naman ay nag-iiiyak at nagdadalamhati sa kabila. Hindi ba pwedeng mamaya na lang ang chismisan at tuksuhan? Wala man lang ba ni kaunting kunsiderasyon?

Madali lang naman yun. Kadalasan, common sense lang naman ang kailangan para gawin kung anong nararapat na pag-uugali at siyang tama. Maging sensitibo tayo sa ibang taong nakapaligid sa atin. Tulad na lamang ng kapatid ko na inubos lahat ng ulam kaya’t hindi tuloy ako nakapag-hapunan. Sabi pa niya’y bigyan ko naman daw siya ng kahit konting kunsiderasyon man lang kasi gutom na gutom siya sa buong araw na pag-aaral. Hayy…nasaan ang kunside-rasyon dun?


-----------------


Hopeless Romantik
by Jackie Murphy

THE FINAL CHAPTER

Part 1
After 29 years na di kami nagkita, ayun at biglang bumulaga na lang isang umaga ang aking true love sa screen ng Facebook: nagkakumustahan, nagka-chat-tan at nagkamabutihan.

Part 2
Wala ng paligoy-ligoy pa at naging….kami na… ULIT… pramis…. (yatta!!!…I did it!!!) Talaga naman, nandoon pa rin ang tamis ng aming pagmamahalan. Binalikan namin ang aming nakaraan noong kami ay nasa hayskul pa: ang aming madalas na pagdi-date noon at ang tahimik niyang pagtatampo sa akin tuwing may kausap akong iba na kalaunan bago sumapit ang graduation day ko ay nauwi rin sa di pagpapansinan hanggat tuluyan na kaming inilayo ng tadhana. Ipinagpagtuloy ko ang pag-aaral ko sa kolehiyo sa kalakhang Maynila at sinubukang tuparin ang sinumpaang pangarap sa buhay.

Part 3
Maraming taon ang ginugol namin sa paghahanap at pangungulila sa isa’t isa. Nang dahil sa di ako noon maka-move on dahil sa kanyang pagkawala sa buhay ko na dinagdagan pa ng di inaasa-hang pagkawala ng aking ina ay nabaling ang panahon ko noon sa alak, na naging matalik kong kaibigan at naging tulay noon upang may kasalo ako sa dalamhati at matinding sama ng loob at kalungkutan. Dumaan ang maraming taon at marami ring pagsubok ang dumating sa buhay ko.

Part 4 (The Final Chapter)
Sa loob ng dalawang taon, inom dito, inom doon, halos ganito linggo-linggo ang eksena sa buhay ko. Wala akong pakialam kung may naiipon man ako o wala basta ang sa akin, gusto kong makalimot at magsaya: ganun lang ka simple. Hanggat naka-move on na ako. Ngunit isang simpleng araw may isang bagay na umagaw ng pansin ko. Padalaw-dalaw, padaan-daan ang mga kakilala`t mga itinuring kong mga kaibigan sa buhay pero pag wala silang nakitang nakalatag na case ng alak parang sibat din silang nagpapaalam animo`y may hinahabol na appointment. Pag malayo pa ang sahod siyempre wala pang pambili ng alak. Aba wala ring dumadalaw. Baka busy silang lahat. Baka nagsimba. Baka nagbakasyon. Tawagan ko nga sila sa telepono. Walang sumasagot. Wala ring text, walang return calls man lang. Baka walang load. Palagi lang akong may dahilan noon para sa kanila. Pero isang hapon, natigilan ako. Nakahalata. Nagmuni-muni. Nag-isip-isip nang malalim. Dito na ako nagpasya: kailangan ko nang umiwas. Hindi totoong ako ang kanilang dinadayo at dinadamayan. Hindi totoong nakikisimpatiya sila sa aking kalungkutan. Ang totoong sadya nila ay hindi ako kundi ang salu-salong handog ko palagi para sa kanila. Iniba ko ang diskarte ko sa buhay at nagpasyang magpakalayo-layo na muna.

Sinubukan kong mangibang-bansa. Nangarap ako nang panibago. Nagsikap. Nagtiyaga at nag-ipon. Iginugol ko ang halos lahat ng oras sa trabaho. Malungkot man ang buhay sa ibang bansa dahil hindi kapiling ang mga mahal sa buhay pero kailangang magpakatatag at tibayan ang dibdib.

Lumipas ang maraming taon, sobrang nalingat naman yata ako sa trabaho at parang ang halos tatlong dekadang lumipas ay ganun-ganun na lang.

Hindi na ako naghahangad at lalong di na ako umaasa pang may darating pang isang himala sa buhay ko. Tanggap ko nang hindi ako ganun kasuwerte sa pag-ibig dahil pagkatapos na naman ng isa pang unos noong nakaraang taon nauwi lang din sa hiwalayan ang akala ko`y huling yugto na ng aking buhay-pag-ibig. Napagod na rin ako sa dami ng mga pinagdaanan ko. Andiyan yung ireto ako ng mga friends ko for a blind date. Na-e-excite naman daw ako sa araw na yun ah pero, maryosep, minsan, muntik akong mawalan ng ulirat: yung una wala man lang bakod! Yung mga sumunod naman na iba may bakod nga uusli-usli naman ang pustiso! Hindi tuloy ako mapakali palagi akong nakaabang sa kanyang sinasabi baka sa akin kasi tumilapon ang pustiso niya at malay mo baka masalo ko pa...siyempre kasama na ang laway...yaikks…hmmmp! Kaya nawalan na ako ng ganang maglabas-labas. On weekends naman, sinanay ko na ring regaluhan na lang ang sarili ko ng cold beer, punuin ng makukukot ang lamesa at manood ng movies from the internet then solved na ang weekend ko. Ihanda na ulit ang katawan sa susunod na namang linggong punumpuno ng pressure sa trabaho.

Hindi nga ba`t mangilan-ilan lang sa atin ang naniniwalang 'sadyang mapagbiro ang tadhana'? Walang sinuman sa atin ang may karapatang magreklamo sa itatakda NIYA para sa atin. Tanggapin natin kahit na ano pa man ang manggaling sa Kanya. Kaya sa ordinaryong araw na yun na pinagtagpo NIYA kami, buong puso naming tinanggap yun lalo na ang espesyal na araw na naging 'kami na ulit'... MGA KAPATID SA PANANAMPALATAYA: may HIMALA!!!

Sa halos araw-araw na video calls namin, unti-unti naming binalikan at hinimay-himay isa-isa ang aming nakaraan. Kung ano ang mga nangyari sa mga buhay-buhay namin sa matagal na panahon. Sobrang nalungkot siya nang nabalitaan niya ang pagpanaw ng aking ina (kasi gusto siya ng Nanay ko para sa akin noon). Tumulo rin ang luha ko sa kanyang mga kuwento. Hinanap din niya pala ako noon nang matagal, ipinagtanong-tanong. Taon din ang binilang niya at noong di niya na ako mahagilap tuluyan na rin siyang sumuko at nag-asawa na lang. Nagsisi man siya huli na ang lahat.

Sa loob ng halos tatlong dekada, ano ba ang nabago sa mga buhay-buhay namin? Wow...may mga tsikiting na siya (Oo...ako wala pa...hmmmp...) at take note: yung youngest daughters niya: beautiful, smart and loving TWINS, aged six. Mga mapagmahal na mga anak at may takot sa Diyos na sa pagdating ng tamang panahon ay tunay na magbibigay ng kaligayahan at kalinga sa amin hanggang sa pagtanda namin.

Just six months ago nang dahil sa nandoon pa rin ang takot na baka sa isang iglap ay mawala na naman namin ang isa't isa, we decided to get 'engaged' lalo na't tuluyan na siyang naging malaya. Lubos na kaligayahan ang aming nararamdaman ngayon at para sa Kanya, ang aming walang katapusang pasasalamat.

Sa kasalukuyan, nakatakda na ang araw ng aming pag-iisang dibdib sa susunod na dalawang buwan...ang araw na minimithi naming matupad noon pa man:
when Japan weds Honolulu in Toronto; our ultimate gift for our golden treasures: Silver, Angelica and Ashley.

And to Facebook and Skype, a MILLION THANKS to you, my love....muah!

No comments:

Post a Comment