DAISUKI
By Dennis Sun
Good-bye Kitty!
Kawaiiiiiii!!!!
Kawaiiii!!!!!
Kawaiiii!!!!!
Aray ko po! Baka sumabog na yata ang mga eardrums ko sa mga tili at sigaw ng mga high school girls sa Harajuku. Tandaan, we live and work in the Land of the CUTE! Sa mga Hapon, basta't cute ka, you are big and popular. They make everything look cute in all kinds of ways. Lagyan lang ng maraming ribbon and flowers. Mag-suot ka lang ng maraming pink: from pink sunglasses, pink bag, pink shoes, pink mufflers, pink manicures, pink socks…pati na rin pink contact lens! Ano ba yan? Nalito na ako at tuloy hindi ko na alam kung anong ibig sabihin ng salitang CUTE.
Bakit ganito ang nangyari sa bansang Hapon? Bakit nga ba? Bakit biglang naging Land of the CUTE? Kung susuriin natin ang kanilang nakaraang kasaysayan, hindi naman CUTE ang naging popular noon. HIndi naman cute ang mga samurai. Gwapo, pwede pa. Tsaka ang mga ninja at yakuza, nakakatakot ang mga iyan. Even the geishas, they are not cute---they are beautiful! Ang mga sumo wrestlers naman, cute ba ang mga iyon?
Even in their philosophy of zen, everything should be made simple and minimal. Hindi dapat nagnanakaw pansin ang mga kasuotan at mga dekorasyon sa bahay. Simple lang dapat para magkaroon tayo ng tamang focus sa buhay. Hindi naka focus sa materialismo kundi sa bagay na espirituwal. Iyan ang zen!
Subalit nawalan ng landas yata ang mga Hapon. Naging mayaman ang kanilang bansa. Kaya ba tayo naparito ay dahil gusto natin makihati sa kanilang yaman? Well, hindi lang sana sa yaman ng pera kundi sa yaman sa iba't-ibang kaalaman at karanasan.
Tinanong ko ang matalik kong kaibigan na Hapon, si Hiroki. Nande? Naze? Doushite? Hayan, tatlong "bakit" na iyan. At baka makulitan pa sa akin. Sabi ni Hiroki, isa lang daw ang may kasalanan sa lahat ng kawaii-ness na ito. Ang dapat sisihin ay ang SANRIO company, the creator of Hello Kitty. Inday, look at Sanrio now. Huwag mong isnabin! They have a line of more than 50 cute characters that generates more than $1 billion a year. Ilang zero yon? And Sanrio is a global corporation already.
Sabi naman ni Kyoko, kasalanan daw ni Seiko Matsuda. Siya ang famous pop singer during the 80's na ikinukumpara kay Madonna sa Amerika. Siya ay may kasalanan kaya kung umawit ang mga Hapon, ipit na ipit ang mga boses. Parang Mickey Mouse! Siya kasi ang ginagaya ng mga babae at baklang Hapon lalo na kapag kumakanta sa karaoke. Kahit ang mga maton na lalakeng Hapon na iyan, isang tagay lang ng tequila, aba, nag-iiba. They transform into another "cute" personality. Nagiging Pikachu bigla! Pikachuuuu! Look at ‘chuu!
Tanong naman ni Taro sa akin, "Eh sa Pilipinas, wala ba kayong cute?" Na-tememe bigla ako. Baka naman ako ang tinutukoy niya? Hindi naman siguro. Ano ba ang mga cute sa atin? Nag-isip bigla ako. Brain, help me out naman. Kailangan kita ngayon because this is a major-major kweschon.
Nag-isip muna. Well, ang cute sa Pilipinas ay crime and corruption. Hayan na ang hostage, kidnapping and carnapping. At ang mga milyon na pagnanakaw sa mga pera ng taong bayan. Hindi pa nga nakita at dumating ang perang galing sa mga dayuhan, eh, ninakaw na! Eto pa ang mas-cute: massacre! Aray ko po! Patawarin tayo ng Maykapal! Siempre hindi ko na lang sinabi kay Taro ang mga iyan. Sa atin-atin lang ang mga bagay na ito. Nakakahiya at nakakadiring isipin na kapwa natin mga Pilipino ay nagagawa ang mga ganitong bagay nang dahil lamang sa pera at posisyon. Imbis na maging cute tayo, nagiging “acute” ang mga Pilipino. Instead na KAWAII, we are becoming KOWAII (nakakatakot)!
Kaya nga natatakot ang mga turistang dumalo sa ating bansa. Sabi nila, "Kowaiiiii!!!" Scared sila siempre. Ako nga, when I am in Manila, takot na rin mag-taxi. Ang dami kong naririnig na "kowaii" na kwento kasi, eh. I am sure, alam na rin ninyo.
Pero sa Japan, op cors, meron din corruption na nangyayari dito. Kaya nga ang mga corrupt na opisiyales sa gobyerno nila, once na buking, agad-agad, they resign. Sa atin, sige pa rin sila ng sige. They want to cling till the very end. Sa Japan, kahit may corruption, hindi masyadong masakit at obvious dahil maraming middle income people. Sa atin, napakasakit dahil mas marami ang mga pobre na lalong naghihirap sa buhay dahil lalong yumayaman ang mga rich.
Tanong ko sa inyo ngayon, "Meron pa bang pag-asa ang Pilipinas? Paano kaya makakabangon ang ating bansa? Kailan kaya tayo magiging KAWAII sa tingin ng mga dayuhan para pumunta sila sa ating bansa tulad ng Thailand, Malaysia at Vietnam? At ikaw, kailan ka kaya uuwi ng bansa na walang takot kapag nasa loob man o labas ng bahay?"
----------------
Shoganai: Gaijin Life
By Abie Principe
Big Fish, Little Fish
Naiisip niyo na ba kung gaano karaming pera ang 34.49 million yen? Para sa marami sa ating mga simpleng tao, mahirap maka-relate sa ganito kalaking halaga. Ang mga naiisip ko kapag ganito kalaki ang halagang pinag-uusapan ay bahay at lupa, sariling negosyo o di kaya isang magarang bakasyon sa Europe. Pero ano sa tingin ninyo ang nagkakahalaga ng 32.49 million yen sa Japan? Ang sagot sa tanong na yan… isda. Opo mga kaibigan, ISDA as in fish o sakana. Hindi ito typographical error, talagang isda ang nagkakahalaga ng 32.49 million yen.
Ayon sa Associated Press, (Giant bluefin tuna sells for record $396,000), ito ay isang bluefin tuna na nahuli sa may bandang Hokkaido. Ibinenta ito sa isang auction sa Tsukiji Fishmarket, isang napaka popular na fishmarket sa Japan. Ibinenta ito noong unang araw ng trabaho sa taong 2011.
Bukod sa napakalaki ng isang ito, 342 kilos, isang importanteng bagay rin na ibinenta ito ng first business day of 2011, kasi para sa karamihan ng mga tumatangkilik sa Tsukiji Fishmarket, ito ang pinaka-masuwerteng araw para sa kani-kanilang mga negosyo, at lahat halos ay gusto mabili ang pinakamalaking isda na nahuli sa pagpasok ng bagong taon. Ang nakabili nito ay dalawang restaurant, ang isa ay ang high-end na Kyubei Restaurant sa Tokyo, at ang isa naman ay isang Hong Kong-based Itamai sushi Chain.
Sa totoo lang, hindi ko ito maintindihan. Bakit ba ganoon ka-mahal ang isda na yun?
Bakit parang ang saya-saya pa nung mga nakabili, e samantalang milyung-milyong yen ang ginastos nila sa isang bagay na mauubos rin lang naman agad. At hindi ko rin malaman kung paano sila kikita ng malaki mula sa isang isda na yun. Pero, isa na naman ito sa mga hindi maiiwasang bagay dito sa Japan. Dito, ang mga tao malakas ang paniniwala sa swerte sa negosyo, at marami rin ang hindi mag-aatubili magbayad ng malaki kung ang makukuha nila ay kakaiba at high-quality. And dalawang paniniwalang ito, ang dahilan kung bakit nag-uunahan bilhin ang unang “catch for the year” at kung bakit umabot sa 32.49M yen ang halaga ng bluefin tuna na ito. Para sa kanila, kapag nabili ang unang isda, sa unang araw ng bentahan ay magbibigay ito sa kanila ng swerte sa buong taon, at kapag inihain nila ang isdang ito sa kanilang mga customers, hindi mag-aatubuling magbayad na hanggang 2,500 yen para sa isang piraso ang mga ito. Dahil nga na ito ay napaka espesyal na isda. Isa itong napaka-Hapon na pag-iisip.
Kung sa bagay, kung talaga nga naman napakasarap ng sushi na yun, e talagang magbabayad ang customers ng mataas. Pero, kung tulad ninyo ako, malamang ay magkita-kita na lang tayo sa pinakamalapit na 100 yen sushi restaurant. Hindi naman dapat na sa mamahaling lugar magpunta para maranasan ang pagkain ng sushi di ba? Masarap naman sa 100 yen sushi, mura pa, at masaya dahil kasama ang barkada. So, tara na at mag-sushi!
No comments:
Post a Comment