Wednesday, March 9, 2011

Jeepney Press 2011 March-April Issue Page 14




ACHI-KOCHI
by Rey Ian Corpuz

Karanasan Ko Bilang Isang ALT

Ang pagiging ALT na marahil ang isa sa mga trabaho na tinatahak ng karamihan sa mga Pilipino dito sa Japan maliban sa pagiging enhinyero, entertainer at mga empleyado sa pagawaan. Tatlong taon na ang nakaraan nung nagsimula akong mag trabaho dito sa tahimik, payapa at payak na dulong bahagi ng Saitama. Tatlong taon na rin akong nagtuturo sa junior high school. Hinding hindi ko malilimutan ang unang araw ko sa paaralan. Nang ako ay papasok sa paaralan, nakikita ko na lahat ng mga estudyante ay tumatakbo na parang nag jo-jogging. Yun pala ay bahagi ng club activity nila kada umaga na kailangan nilang tumakbo. Ewan ko lang sa mga paaralan sa atin sa Pilipinas. Lalo na sa Metro Manila, ala singko pa lang ng umaga, naglalakad na po ang mga bata patungo sa paaralan. Shifting kasi ang klase, parang call center.

Nung ako ay pinakilala na sa faculty, kinakabahan ako dahil sa wikang Nihongo ako nagpakilala. Hindi ko na pinansin kung wasto ba o mali yung pangungusap ko. Maya-maya ay nag- meeting na ang mga guro. Sumasakit ang ulo ko dahil kahit anung pakinig ko ay kakarampot lang ang aking naiintindihan. May papel na nakalapag sa aking mesa. Iyon ay ang mga bagay na nais pag-usapan ng mga guro sa oras na iyon. Saktong alas otso nagsimula ang miting at natapos pagkatapos ng kinse minutos. Parati silang maingat sa oras. Ayaw nilang mahuli kahit isang minuto.

Ukol naman sa klase, masasabi kong halos walang kakayanan ang mga batang Hapon sa pakikipag-usap sa mga dayuhan. Masama mang sabihin na magaling lang sila sa eksamen at pakikinig pero pag kausapin mo na ay parang wala silang natutunan sa kanilang pag-aaral. Walang humpay ang pagpapagawa sa akin ng mga “worksheets” pero paulit-ulit na binabalik dahil masyado daw mahirap ang mga ito. Diyos ko po! Ewan ko na lang kung ano ang depinisyon nila sa mahirap. Karamihan sa mga guro ay gusto na magpagawa ng laro sa mga bata. Ako naman ay nalalagas ang buhok sa kakaisip araw-araw kung anong laro ang bagay sa iba’t- ibang “grammar patterns.” May mga grammar pattern na nababagay na gawin ang laro pero may mga pagkakataon na talagang hindi kasi mas mainam na ipaliwanag ito sa kanila sa wikang Hapon. Ito ang mga bagay-bagay na mahirap o imposibleng ipagawa sa mga bata pag nagka-klase sa Ingles: magsulat ng sanaysay, role-playing na drama, reporting, debate at pakantahin. Minsan pag proactive ang guro, maganda ang performance at response ng mga bata sa pinapagawa mo sa kanila.

Ang mga estudyante naman ay minsan walang hilig sa pag-aaral. Pero ang nakakainggit dahil “well-provided” sila lahat. Sandamakmak ang bolpen, lapis, pambura at de kuryente pa ang pantasa ng lapis. Mula sa aklat, workbook pati sa mga quizzes ay may papel na binibigay. Sagana sa mga teaching materials ang silid aralan. Halos lahat ng libro at magasin na may kinalaman sa asignatura. Minsan isang araw may mga estudyante na bastos at hinampas ako sa dibdib. Biglang nag-init ang ulo ko at pinagalitan ko silang lahat dahil ang ingay ng silid aralan. Yun ang unang pagkakataon na ako ay nagalit sa wikang Nihongo. Sa tingin ko epektib naman dahil simula noon tumahimik sila at nirespeto nila ako bilang isang dayuhang guro. Sa mga public schools kaya sa atin? Sana may mga ganito.

Walang meryenda break sa Japan. Bawal din ang magdala ng kung anu-anong pagkain o kendi. Bawal kumain maliban tuwing pananghalian. Tuwing tanghalian, lahat ay may mga gawain. Government-subsidized ang pananghalian ng mga bata dito. Sa halagang 4,700 yen kada buwan, kumpleto at masustansya na ang pananghalian. May kanin o tinapay, ulam na pagkadami daming gulay, may dessert o prutas, at gatas. Noong una kong nakita ang ganitong sistema sa kanila, ako ay inggit na inggit. Bakit sa atin sa Pilipinas ay “bring your own baon” o di kaya bili na lang sa karinderya o kantina? Kaya tuloy hindi wasto ang nutrisyon natin nung bata pa tayo. Nakapanglulumo ang nangyayari pagkatapos ng pananghalian. Lahat ng natirang pagkain ay tinatapon lang. Kahit kanin at mga natirang gatas. Bawal mag “bring home” ang mga estudyante maliban sa mga guro (na kagaya ko). Napapa-isip ako na ang daming bata sa Pilipinas ang walang makain tapos nandito ako sa isang dako ng mundo na tinatapon lang ang pagkain.
Dito sa probinsiya, halos lahat ng bata ay nag-bibisikleta patungo ng paaralan tuwing umaga. Minsan ang mga PTA at guro mismo ay nagbabantay sa mga intersection kada umaga para siguraduhing ligtas sa sakuna ang mga bata. Lahat ng nagbibisikleta ay may helmet. Bawal ang payong pag- umuulan. Lahat sila ay naka-kapote at dapat naka bukas ang ilaw kung medyo madilim na. Lahat ng bag nila ay parehas. Pati uniporme mula sapatos, jogging pants, t-shirt, at pang pormal na uniporme. Hahay… sana may ganito tayo sa atin. Kailan pa kaya magkakaroon ng ganito sa mga paaralan natin?

Ang pagiging progresibo sa aspetong edukasyon ay isang napaka-importanteng bagay ngunit sa tingin ko, may mga pangit itong bagay na naidudulot. Sa sistemang Hapon, hindi magandang kweschonin ang mga bagay-bagay. Ang resulta, karamihan sa kanila ay hindi nakakapag express ng damdamin at sa loobin. Pag pagagawin mo ng sanaysay ay limitado lang. Isa din sa mga hindi magandang resulta ay ang kakulangan sa kaalaman sa mga bagay-bagay na labas sa kanilang pinag-aaralan. Wala silang pakialam masyado sa mga balita na nangyayari. Pag tanungin mo about current events, blanko sila. Marahil ang karanasan ko dito sa probinsiya ay ibang-iba sa malalaking siyudad kagaya ng Tokyo o Osaka. Sa totoo lang wala naman talagang perpektong sistema. Nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos dahil nabigyan ako ng pagkakataon na makasalamuha ang mga Hapon sa pagiging ALT.

Ang sa akin lamang ay sana, lahat ng magagandang bagay na nakikita ko sa paaralan dito ay maisasakatuparan na rin sa atin sa Pilipinas.



No comments:

Post a Comment