KANSHA AL KANSHA
by Ping-Ku
Parang Kailan Lang...
Parang kailan lang
Ang mga pangarap ko'y kay hirap abutin
Dahil sa inyo
Ang aking tiyan at ang bulsa'y nagkalaman
Nais ko kayong
pasalamatan
Kahit man lang isang awitin…
Iiwanan sa inyong alaala
Dahil, minsan, tayo'y nagkasama
- Florante, “Handog”
Ang maikling sanaysay na ito ay hinahandog ko sa isang mahalagang haligi ng ating komunidad sa Kyoto. Siya ay walang iba kundi si Gng. Casilda E. Luzares.
Sa mga nakararami sa atin, siya ay ang tanging “Madame” dito sa Kyoto. Hindi po siya manghuhula. Sa Pamantasan ng Doshisha, siya ay ang kagalang-galang na guro at tinatawag siyang “Prof. Luzares” o “Casilda-sensei” ng estudyante. Pagdating ko sa Kyoto, Madame na siya ng Sambayanang Pilipino. Di rin maalala ni Madame kung kailan nagpasimula ito, nguni’t sa palagay niya si Noel na taga-Davao ang nagbinyag sa kanya nito. Winika niya na ang mga taga-Mindanao ay ginagamit ang titulong ito upang ipakita ang paggalang.
Casa Casilda
Marami sa mga kababayan natin ang nakilala ko sa mga pagtitipon sa Casa Casilda, ang tahanan ni Madame sa Imadegawa ng mahigit ng dalawampung taon. Hinihintay namin ang pagkakataong maimbita sa Casa Casilda dahil tiyak na may masasarap na lutong Pilipino na nakahain—arroz valenciana, biko, kutsinta, bibingka, maja blanca at sari-saring putahe tulad ng kare-kare, kaldereta, menudo, pinakbet, atbp—gawa sa kusina ni Madame! Ang ensalada ay panalo sa pampagana! Di namin na-miss ang Andok’s dahil pati Turbo-cooker ay naka-standby sa hapagkainan! Manghang-mangha ako pagbumibisita ako sa Casa Casilda. Kahit maraming katungkulan si Madame bilang guro at aktibong misyonaryo, naglalaan talaga siya ng panahon para magluto at maghanda para sa isang batalyong estudyante sa Kyoto.
Ang Casa Casilda ay palaging bukas para sa mga grupong pangdiskusyon tungkol sa bibliya atbp panlipunang usapan. Maswerte sila dahil bukod sa nahahasa ang kanilang Ingles ay natitikman rin nila ang sari-saring lutuing Pilipino ni Madame!
In my “Mother’s” House
Parang kailan lang ginanap sa Casa Casilda ang iba’t-ibang mga proyektong pangkawang-gawa tulad ng Fiesta Filipino at ng likhaing pang- entablado ni Elsa Coscolluela na “In my Father’s House.” Ang produksyong ito ay ginawa sa pamumuno at direksyon ni Josefina Estrella, na nagkataong nasa Kyoto para mag-aral ng Noh Theater noon. Dito ko nakita ang nagagawa ng pagtutulungan at pagkakaisa ng mga Pilipino at Hapones. Ang mga gumanap sa entablado ay mga baguhang nagbigay ng kanilang panahon at pagsisikap upang matulungan ang mga bata sa lansangan ng Maynila. Ang “In my Father’s House” ay tungkol sa isang pamilyang Pilipino na naapektuhan ng pananakop ng bansang Hapon noong ikalawang-digmaang pandaigdig. Gumanap ako sa papel ng anak ni Madame at marami-rami rin ang mga eksena namin. Mapasensya siya lalo na pagnalilimutan ko ang mga linya. Dahil dito nakasanayan kong tawagin siyang “Mother” kahit off-stage.
Maraming estudyante ni Madame ang tumulong. Mula Hulyo-Setyembre 1996, tuwing Sabado at Linggo, nagtitipon-tipon kami sa Casa Casilda. Palit-palitan kami ng gamit ng bahay, iyong nagtatrabaho o nag-aaral sa umaga, ay sa hapon o gabi nagsasanay. At iyong may mga baito sa hapon ay sa umaga dumadayo sa Casa Casilda. Halos 24-oras ang labas-pasok ng tao noon sa Casa Casilda para sa proyektong ito. Kung gaano karami ang bisikleta sa harap ng bahay ni Madame, doble nun ang bilang ng mga tsinelas na nakahilera sa genkan niya.
Habang nagpapraktis ang mga baguhang aktor at aktres sa loob ng bahay ay ginagawa naman ang entablado at mga props sa hardin ng mga estudyante sa arkitektura at engineering. Ang entabladong itinayo sa hardin ni Madame ay kumpleto ng mga ilaw na pantanghalan at pati na rin overhead projector. Wala pang powerpoint noon, kaya’t ang likhaing ito sa wikang Ingles ay sinalin sa wikang Hapon sa pagtutulungan ng mga estudyanteng Pilipino at Hapon. Ang sinalin na mga subtitles ay makikita sa isang malaking screen sa tabi ng entablado.
Isang malaking tagumpay ang proyektong ito. Dahil sa kagandahang-loob ni Madame at ekspertong pagtuturo nila Jose, Matthew at Jina – ang mga tanging may karanasang pang-teatro sa grupo; nagkaisa at nasiyahan ang lahat sa kinala-basan nito.
Salamat po sa mga pabaong alaala at pamanang aral.
Imposible o mahirap gayahin ang mga nagawa niya para sa ating komunidad sa Kyoto. Di ako nag-iisa na nagpapasalamat kay Madame sa lahat ng mga kabutihang inabot namin. Natutunan ko ang pakikipagkapwa-tao sa kanya at di kailangan perso-nalin ang mga maliliit na bagay na di maiiwasan. Nagpapasalamat ako sa kanyang mga mahusay na sangguni at payo.
Hanggang sa pag-alis, mapagbigay pa rin siya. Mag-iiwan siya ng mga pamanang aral at pabaong gunitain ng saya, hinagpis at pagsasamahan sa Casa Casilda.
Madame, nawa’y pagpalain po kayo ng Maykapal ng matiwasay at masaganang pamumuhay sa Pilipinas.
(Mga Pasasalamat: Nagpapasalamat ako kina Gng. Mildred Romero at kay Madame sa pagbigay ng permiso para gamitin ang mga letrato nila.)
No comments:
Post a Comment