Arangkada Pinoy
ni Yellowbelle Duaqui
Kudos PHL Azkals!
Bumulaga sa bulwagan ng katanyagan kamakailan ang Philippine Azkals sa pinakabago nilang panalo laban sa Mongolian Blue Wolves football team sa puntos na 2-0 sa Panaad Park and Stadium sa Bacolod City noong Pebrero 9, 2011. Ang labang ito ang unang bahagi ng 2012 AFC Challenge Cup prequalifying match. Nakatakdang tumungo sa Mongolia ngayong Marso ang Team Azkals upang sumabak muli sa pangalawang bahagi ng Cup.
May “shock effect” ang salitang “Azkal” sa karamihan. Bakit nga ba “Azkal” ang napiling pangalan ng Philippine football team na itawag sa kanilang koponan? Sa kanilang official Facebook fanpage, ipinaliwanag ng Philippine Azkals na nakaka-“relate” sila sa terminong ito. Halaw sa salitang “askal” (pinagdugtong na mga salitang “aso” at “kalye”), ito ay tumutukoy sa anumang asong pakalat-kalat sa kalsada na walang “pedigree” o “breeding.” Ang imahe ng “askal” sa Pilipinas ay isang asong payat, galisin at mabaho.
Ang identipikasyon ng Team Azkals sa isang “underdog” (literal at figurative) ay mukhang mayroong malalim na pinaghuhugutan. Marahil, dahil nakabatay ang survival ng “askal” sa kung anumang tsansa nitong mahalukay o “masuwerteng” matagpuan sa kalye, nakita ng mga miyembro ng Philippine Azkals ang kanilang sarili sa ganitong uri ng aso dahil sa kawalan ng mapanghahawakang matibay na pundasyon ng suporta. Ang suportang nakukuha ng Team Azkals, lalo na sa pinansyal na aspeto, ay suportang dayuhan. Ang sponsor ng Philippine football team ay Mizuno, isang Japanese brand. Ang dating sponsor nito ay ang Adidas, isang American global brand.
Gayunpaman, tinataguyod ng Philippine Azkals ang karangalan at kagalingan ng bansang Pilipinas. Sa kasalukuyan, umaani ng maraming tagahanga ang mga ito sa loob at labas ng ating bansa. Sa micro-blogging site na Twitter, naging no.2 trending topic ang “Azkals” sa kabila ng pagkatalo nila sa isang naunang laro laban sa Indonesian football team noong nakaraang taon. Ang karanasang ito ay hindi nalalayo sa pagsikat ni Bb. Venus Raj sa loob at labas ng Pilipinas dahil sa katagang “major, major” na kanyang tinuran noong siya ay kapanayamin bilang kandidata sa 2010 Ms. Universe Pageant kung saan siya ay umani ng karangalang 4th place. Ngayon, higit na matunog ang pangalan ni Raj kesa sa tinanghal na Miss Universe 2010. Naaalala niyo ba ang pangalan ng nanalo? Maging si Pangulong Benigno Simeon Aquino III ay puno ng magagandang salita para sa karangalang hatid ng Philippine Azkals sa bansa. "Your two goals showcased both Filipino creativity and the hard work you put in to master your sport. You brought our people together, and reminded us once again that, united, we can reclaim our nation’s glory. We look forward to cheering you on toward more triumphs," ani Pangulong Aquino sa isang statement.
Mahalaga ang tatlong puntong tinuran ni Pangulong Aquino. Ang unang punto ay ang kahalagahan ng pagiging malikhain at masipag sa anumang larangang napupusuan bilang susi sa tagumpay. Ang pangalawang punto ay ang pambihirang kakayahan ng Philippine national football team na pagbuklurin ang mga Filipino sa araw ng kanilang laban. Matatandaang namamalas din ang pagkakaisa sa tuwing may laban sa boxing si Manny Pacquiao. Higit pa rito, noong laban ni Manny Pacquiao kay Mexican slugger Antonio Margarito, nagkaroon ng zero crime incident sa bansa. Ayon sa tala ng Philippine National Police, nagkakaroon ng zero crime situation sa bansa sa tuwing may laban si Pacquiao. Panghuli, ang pangatlong punto ni Pangulong Aquino ay ang pagbawi sa karangalan ng bansa. Dahil sa sunod-sunod na mga pagsubok na kinaharap ng bansa lalo na noong nakaraang taon, ang tagumpay ng Azkals ay isang mabuting pag-usad sa ikagaganda ng imahe ng bansa.
Sa tulong ng tagumpay ng Azkals, napagtuunan ng pansin ng gubyerno ang mga kakulangan at problema sa programang pampalakasan ng bansa. Ayon kay Philippine Olympic Committee President Jose Cojuangco Jr., nakikita ng gubyerno sa ngayon ang pangangailangang i-expand o magtayo ng mga panibagong football stadium sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang mga pinakamatitibay na Asian football teams ay nagmula sa Japan, South Korea, Iran, Saudi Arabia at Jordan. Sa FIFA World Cup 2010, ang La Furia Roja (The Red Fury) ng Spain ang tinanghal na kampeon sa South Africa. Sa buong daigdig, bantog din ang Selecao ng Brazil, Mannschaft ng Germany, at Azzuris ng Italy. Matindi pa ang labang naghihintay para sa PHL Azkals. Pero tulad ng “askal,” kung kayang manalo ng PHL Azkals sa ngayon sa kabila ng kakulangan sa suporta, pihadong may laban sa hinaharap dahil napukaw na nila ang interes ng buong bayan. Go, go, go Azkals!
No comments:
Post a Comment