Isang Araw sa Ating
Buhay
Jeff Plantilla
Paalis
na ako, isang araw, sa Kibo no Ie na lugar na ginagamit para sa mga
multicultural activities sa Kyoto shi, nang makita ko ang isang pamphlet na
ipinamimigay nang libre. Ang titulo ng pamphlet ay Paye=an Ro (Let’s Go). Kakaibang salita, dahil ito ay salitang
Ainu. Hindi ko sigurado kung alam ng marami sa mga Pilipino sa Japan ang
kasaysayan ng mga Ainu, ang kasaysayan ng pagpupunyaging patuloy na buhayin ang
isang lahi at kultura sa gitna ng malakas na agos ng kulturang Hapones at nang
mga Hapones mismo.
Ang Ainu
Sinasabing
minorya sa Japan ang mga Ainu dahil sila ay may tanging lahi (may naniniwala na
may lahi silang Caucasian), at may tanging kultura, paniniwala, pagkain at iba
pang bagay.
Ayon
sa kasaysayan, sinakop ang mga lupang Ainu ng mga Hapones mula pa noong 18th
century. Naging bahagi ang mga lupang ito ng imperyo ng Hapon. Ang pangalang
Hokkaido, kilalang lugar ng mga Ainu sa ngayon, ay bigay na pangalang Hapones.
Ang pagkakasakop na ito ay hindi naging mabuti para sa mga Ainu. Ipinagbawal sa
eskwelahan at pamahalaan ang kulturang Ainu kasama na ang kanilang mga wika
upang sila ay mapasama nang lubusan (assimilate) sa lipunang Hapones. Itinuring
ang kanilang kultura na mas mababa sa kulturang Hapones. At nakuha ng mga Hapones
ang marami sa kanilang lupa.
Dahil
sa ganitong kalagayan, maraming Ainu ang lumikas. Mas marami pa raw ang Ainu sa
Tokyo kaysa sa Hokkaido. Maraming nagtago ng kanilang tunay na pagkatao, dahil
natutunan na nilang ikahiya ang sarili bilang Ainu.
Discrimination
Hindi
nalalayo ang kalagayan ng mga Ainu sa Japan sa kalagayan ng mga katutubo sa
Pilipinas.
Naaalala
ko nung bata pa ako, madalas sinasabi ng mga matatanda sa aming mga bata na
kung hindi kami magiging mabait kukunin kami ng mga Ita (Aeta). Nguni’t
naaalala ko rin ang paminsan-minsang pagdalaw ng mga Ita (kadalasang mag-ina)
na naglalako ng mga katutubong gamot. Hindi sila kinatatakutan (maliban sa
ilang bata) at hindi sila itinataboy. Bagkus binibili ang kanilang mga panindang
gamot.
Yung
mismong bayan namin sa Laguna ay maaaring dating lupang Ita. Mas maraming
kalahi ko ang nanirahan sa lupang yon at kaya maaaring ang mga Ita ang nawala
daang taon na ang nakalipas. May mga lugar sa Probinsiya ng Aurora na ang mga
pangalan ay nasa wika ng katutubo dahil sila ang nagbigay ng mga pangalang yon.
Sa ngayon, ang mga lugar na ito ay barangay na ng mga hindi katutubo.
Sa
aking karanasan, iisa ang istorya ng mga katutubo sa Pilipinas mula Luzon
hanggang Mindanao. Pare-pareho silang naagawan ng kanilang lupa. May mga
katutubong sa nais na matulungan ang mga dumayo sa lugar nila ay nagpahiram ng
lupa. Nguni’t hindi na ibinalik ang mga lupang ito sa paglipas ng panahon.
Iniisip ng mga katutubo na nangangailangan din ng lupa ang ibang taong mahirap
kaya nagpapahiram sila ng lupa. Nguni’t hindi nila inakala na hindi igagalang
ang kanilang karapatan sa lupa. May mga nakatanggap ng isang karton ng sardinas
na akala’y regalo lamang, yon pala ay bayad na sa lupang kinuha. May isang NGO worker
na umakyat ng bundok sa kanyang probinsiya at nagulat nang makitang may
katutubo pala sa lugar nila. Tumanda na siya sa probinsiyang yon nguni’t noon
lamang niya nalaman ang mga katutubong naninirahan sa bundok. Kaya’t
paulit-ulit na ring itinatanong ng ilang katutubo na kung patuloy na aagawin
ang kanilang lupa, saan na sila pupunta? Sa tuktok ng bundok?
Iisa
rin ang istorya ng mga kabataang katutubo, nahihiya sila sa kanilang identity
bilang katutubo. Mabuti na lang at may mga programang nagbibigay ng lakas ng
loob sa kanila na ipagmalaki ang pagiging katutubo. Sabi nga ng isang
dalagitang Aeta sa isang TV report tungkol sa isang Aeta Beauty Contest sa
Central Luzon, hindi dapat ituring ang mga Aeta na mas mababang uri dahil sa
kulay ng kanilang balat. Sabi pa niya, sila ay tao rin na nasasaktan sa
panglalait ng iba.
Pagbabago
Matagal
na panahon bago nagkaroon ng pagbabago sa pagtrato ng pamahalaan sa mga Ainu.
Nito lang 1990s nagkaroon ng batas na kinikilala ang halaga ng kulturang Ainu.
Ito ay dulot ng patuloy na kampanya ng ilang lider Ainu at mga kasamang grupo
na naniniwalang hindi dapat manatili ang pagmamaliit sa mga Ainu dahil ito ay
labag sa kanilang karapatang pangtao. Nakarating sila sa mga pulong ng United
Nations sa New York at Geneva para mapilit na harapin ng pamahalaang Hapon ang
hindi tamang polisiya tungkol sa mga Ainu.
Sa
pagpapakahirap ng isang lider na Ainu na miyembro ng Diet, at ng mga kasamang
grupo, naisabatas nung 1997 ang pagkilala sa kulturang Ainu at pagtalaga ng
tulong sa pagpapatuloy at proteksyon sa kulturang ito.
Nung
1997, hindi pa rin kinikilala ng pamahalaang Hapon ang mga Ainu bilang mga
katutubo. Sila ay cultural minority lamang. Nung 2008 lamang nagpasa ng
resolution (hindi batas) ang Diet na kinikilala ang Ainu bilang katutubo o
indigenous people.
Museums
Nakasulat
sa Paye=an Ro ang mga museums sa
Japan na may display tungkol sa Ainu.
Mahalaga
ang mga museums na ito para sa pagpapakilala ng mga bagay-bagay tungkol sa
Ainu. At baka makatulong din ang mga ito sa mga Ainu mismo sa kanilang pagsisikap
na manatiling buhay ang kanilang kultura, uri ng pamumuhay, mga paniniwala, at
iba pang bagay.
Ang
Pilipinas ay may ilang museums o lugar na nagpapakilala din ng mga katutubo.
Isa na riyan ang Baguio Museum na nagpapakita ng mga materyales ng mga
katutubong komunidad sa Cordillera. Meron namang Mangyan Heritage Center sa
Calapan (Oriental Mindoro) na isang "library, archive, and research &
education center" para maipakilala ang yaman ng 8 katutubong komunidad sa buong
isla ng Mindoro. Ang bawa't isang komunidad na Mangyan ay may sariling
pangalan, wika at uri ng pamumuhay. Sa mga T'Boli sa Mindanao, ang Sta. Cruz
Mission sa Cotabato ay may record ng mga awit, sayaw, pananamit at pamumuhay ng
mga T'Boli upang lalo pa silang mapangalagaan, at nang maibahagi rin ang mga
ito sa ibang Pilipino.
Eskwelahan
May
isang ideya na dapat pahalagahan ang indigenous
knowledge at dapat maging malaking bahagi ito sa pag-aaral ng mga batang
katutubo. Ilang indigenous schools na ang naitayo na sumusunod sa ganitong
paniniwala sa iba't-ibang bahagi ng Pilipinas. Ang isang documentary tungkol sa
pagpupunyagi ng mga katutubo mismo ay nanalo ng 2003 Japan Prize ng NHK. Ito ay
ang documentary na may titulong "School of the Highlands." Nagustuhan
ng mga kasapi ng 2003 jury ng Japan Prize ang sinasabi ng mga matatandang
katutubo na ang pagkakataong makapag-aral ng mga batang katutubo ay iiral sa
pamamagitan lamang ng kanilang sariling pagsisikap. Ang mga eskwelahan na ito
ay sinusuportahan ng Asian Council for People's Culture (ACPC) sa pamamagitan
ng proyektong Schools for Indigenous Knowledge and Traditions (SIKAT). May ilan
pang indigenous schools sa ilang lugar sa Pilipinas tulad sa Mindoro (TUGDAAN)
at sa Davao (Pamulaan, na isang college na bahagi ng University of South
Eastern Philippines).
Katutubong yaman,
pambansang kayamanan
Sa
aking tingin, ang aking identity bilang Pilipino ay mas yumayaman kapag
lumalakas ang pagpapahalaga sa katutubong kultura ng Pilipinas.
Kaya
nararapat na ipagdiwang at ikagalak ang kulturang katutubo sapagkat ito ay
yaman ng bansa.
Sana
ay lumakas din ang pagtingin ng nakararaming Hapones sa kahalagahan ng
pagpapatuloy ng Ainu bilang isang komunidad at katutubo.
No comments:
Post a Comment