KAPATIRAN
by Loleng Ramos
Ang SEMI
Sa paglabas ng issue na ito, tapos na muli ang ingay ng mga “semi” o cicada. Malaki man ang pagkakaiba, katulad ng pagtatapos ng season ng Sakura, pareho ang pakiramdam na hinahatid nila sa akin, lungkot. Isang taon muli bago bumalik ang kantahan ng mga semi! Katulad ng mga mga taong mahilig mang-asar, hahanap-hanapin mo kapag nawawala pero kapag nag-iingay, kung pwede lang lagyan ng zipper ang bibig!
Bakit nga ba sila gumagawa ng ganyang ingay? Ito raw ang tinatawag na courting song, mga lalaking semi (male cicada) lang ang gumagawa ng ingay, harana baga at eto ang mag-aakit sa babaeng cicada. Kapag napasagot ng Floranteng semi ang babae, ang mabilis na pagaspas ng pakpak ng cicadang Laura ay nanga-ngahulugan ng matamis na “oo”. Kapag sabay-sabay silang umaawit, eto naman ang ‘cicada chorus’ at eto din ang ingay na kina-kagisnan ko sa bawat umaga ng Summer. Paano ba naman ako hindi malulungkot kapag wala na sila, ang ibig sabihin din nito, tapos na ang Tag-init at susulong na naman ang mahabang panahon ng Tag-lamig. Para sa akin din, nakakasaya ang ingay ng mga semi, nakakasigla at tunay na nakakamangha. Merong mga oras na pinapakinggan ko sila habang ako ay nagmumuni-muni; ilan kaya silang nagkakantahan (iba-iba ang banda, ang bawat uri ng semi ay merong sariling himig), hindi kaya sila namamaos? Bakit pati sa gabi ay meron pa ding maiingay na semi? Ang kantahan nila ay buong araw at magdamag, tumitindi ito kasabay sa pagtaas ng temperatura, dahil angkop ang init sa mga insektong ito, mas mainit ang panahon, mas ganado sila sa kanilang musika. Depende din sa uri, merong kumakanta sa umaga, sa katanghalian o sa gabi.
Binabalik din nila ang ala-ala ng aking kabataan, sa tuwing nagbabakasyon ako sa probinsya noon, ang ingay ng mga kuliglig (cricket) para sa akin ay music din. Gabi naman kapag marinig ko sila, sa pagtatapos ng aming paglalaro bago mag-hapunan, nag-uumpisa na silang magkantahan, para silang patrol na nagsasabing uwi na sa bahay at naka-abang na ang pamalo dahil madilim na ay nasa labas pa ng kami ng bahay. Subalit hindi lamang pamalo ang nawawala ngayon sa mga bata, pati na rin ang mga kuliglig. Sa aking mga pagbabakasyon habang ako ay lumalaki na (o tumatanda) kahit na inaabot na ako ng madaling araw sa kalye, wala pa rin ang mga kuliglig, hinahanap-hanap ko ang ingay nila na ‘music to my ears”. Siguro dahil nawala na rin ang bukid, subdivision na ngayon, siguro din dahil mas maingay na ngayon sa mundo. Ang mga batang nagpapatintero noon habang maliwang at bilog ang buwan sa gabi ay nasa loob na lang ng mga bahay ngayon at naglalaro ng Nintendo. Halos lahat ay wala ng panahon na makinig sa kanila. Nakakalungkot di ba kapatid? Sa ating tinitirhan ngayon dito sa Japan, ikatuwa natin sa halip na ika-inis ang ingay ng mga semi. Napakahabang panahon ang inilagi nila sa ilalim ng lupa, depende sa uri; merong isa, dalawa, labin-tatlo hanggang labing-pitong taon sa ilalim ng lupa. Sa kanilang pag-labas, handa ng mag-palit ng anyo, handa ng mag-pamilya, handa ng makita ang mundo sa buong kaliwanagan nito, tamasahin ang buhay!. Ito na nga ang umpisa ng sa kanila ay “Utawit”. Makisaya tayo sa kanila. Makidiwang tayo sa buhay nila, sa loob din ng napaka-ikling panahon pagkatapos mangyari ang sagot sa ‘utawit’, sandali lamang, araw o ilang lingo at tuluyan na silang mama-alam sa mundo, tapos na ang kanilang buhay. Nangyari at natapos na ang sa kanila ay layunin, ang bumuo ng susunod na buhay.
Sa molting (pagpapalit ng anyo) ng semi, iniiwan nila ang kanilang lumang talukap (exoskeleton o empty shell). Meron akong napanood sa telebisyon na artist na nangongolekta nito at gumagawa siya ng work of art katulad ng sculpture mula rito, nakakabilib! Kung sa iba ay medyo nakakakilabot ang pinaghubarang ito ng semi, sa kanya ay isang medium (paraan) sa pagpapahayag ng kanyang sining (Art). Maraming katulad niya na hindi sa ingay ng insektong ito tinutuon ang pansin kundi sa hinahatid nitong inspirasyon at simbolo. Hindi lamang dito sa Japan kundi sa maraming parte ng mundo, noon pa mang panahon ng sibilisasyon ng Greko, ang semi ay nagbibigay ng pagpapakahulugang malayo sa kung paano sila tingnan ng maraming tao. Reincarnation, Rebirth, o pagkabuhay na muli. Nong una akong makakita nito akala ko ay nakakalat na patay na insekto, lumang damit pala, lumang sarili.
Sa ating buhay, pwede din ito mangyari, kung tipong pakiramdam natin ay handa na tayo sa isang bagong hinaharap, sa isang pagbabago sa ating sarili, kailangan nating magbago din ng anyo. Kung dating mahiyain tayo at sobrang kiyeme na wala tuloy tayong nakukuhang kaibigan o ka-ibigan, panahon na iharap natin sa mundo ang taglay nating katangian. Kung sa ngayon naman ay sobra tayo sa pagpapakita ng ating katangian, mas maganda sigurong itama natin ang ating anyo, tamang pananamit, pananalita, pamumuhay, bagong ako!
O di ba kapatid, ang ingay ng semi ay isang kundiman, klasik! Libo mang taon ang nakaraan, ang kanta nila ay pareho pa rin, ang simbolo nila ay pareho pa rin. Ang mabuhay na muli ng may kahulugan, layunin, lalim!
No comments:
Post a Comment