SA TABI LANG PO
Ni Renaliza Rogers
Waterproof
Medyo sumobra ata sa pag luha nitong mga unang araw sa buwan ng Agosto ang kalangitan ng Pinas. Umulan ng umulan hannga't sa bumaha sa karamihan ng lugar sa Luzon. Alam naman nating karaniwan na lang ang baha sa Pilipinas kaya't medyo carry lang naman. As usual, walang klase ang mga estudyante, uso ang mga evacuation centers at lumantad na sa publiko lahat ng nakatagong basura. Alam kong nakakalungkot ang bahain ng lagpas tao sa maraming lugar at meron ding mga namatay. Paumanhin po pero hindi ito ngayon ang focus ng sinusulat ko ngayon.
Nakakatuwa makita na kahit binabaha na at lahat ang mga kabahayan ay nagagawa pa rin ng mga Pinoy na ngumiti at magpa-picture. Andami kong nakitang mga picture ng mga taong nagkakatuwaan na lamang at ngumingiti sa kabila ng pagbaha sa kanila. Merong nagpapa-picture sa loob ng bahay nilang lubog sa tubig na wari mo'y proud na proud sa mga ari-arian nilang pa lutang-lutang sa loob ng bahay. Merong mga dalagang nagpapa-cute sa salamin habang may swimming pool sa kwarto pero abot tenga ang ngiti at naka peace sign pa. Mayroong lalaking nagsuot ng kumot na ginawang buntot ng sirena at umupo sa bato. Instant Dyesebel in floodwater. Uso ngayon ang Olympics kaya't may nagsuot ng swimming goggles, pumatong sa mesa at pumusisyong kunwari ay ready nang mag dive. At ang pinaka-nakakatuwa ay yung litrato ng dalawang lalaking nag-iinuman sa ulan habang nasa gitna ng baha.
O di ba? Kapag bumaha sa Pilipinas, wagas! Oo, nakakapanglumo kapag binaha ang kabahayan mo, pero wala ka na namang magagawa eh kundi ang maghintay na humupa ang baha. Alangan namang mag-mukmok ka na lang ng mag-mukmok, kaya't make the most out of the situation na lang ang mga Pinoy. Nagagawa pa rin magkatuwaan na parang wala lang.
Sa ibang bansa, kapag may dalubyo o baha, akala mo'y end of the world na. Wala kang makikitang picture na ngumi-ngiti or nagkakatuwaan sila. Puro umiiyak at wari ba'y napaka- helpless na nila. Kung tutuusin eh mas mayayaman sila kaysa sa atin pero hindi nila alam kung ano ang gagawin kapag may kalamidad kasi hindi sila sanay dito. Oo mas marami silang kagamitang pang rescue pero and mga tao halos sa rescue na lahat umaasa. Iba nga naman talaga siguro kapag sanay na sa kalamidad tulad natin, parang wala na lang. Parang usual na lang. Kanya-kanyang akyatan ng gamit para hindi mabasa, kanya-kanyang akyat sa bubong at makipag-sigawan sa kapit bahay kung mayroon pa ba silang gatas dahil si bunso ay kailangang dumede o di kaya'y extra sanitary napkin kasi meron si Nene.
Dito, lahat napapakinabangan. Walang bangka? Eh di gamitin ang interior ng gulong para lumutang, kahit kabaong na walang laman pwede na ring gawing bangka. Mga sanggol nilalagay sa labador o planggana habang naglalakbay sa baha para lumutang. Nakakatawa pero totoo. Dito lumalabas ang resourcefulness at camaraderie ng mga Pinoy. Wala nga kaming pera pero carry lang din...
Ngayon eh maiba naman ako, bakit bumaha? Oo, umulan ng umulan ng sobra sa isang araw lang. Pero ang totoo noon ay bumaha dahil sobrang barado na ang mga drainage system, punong-puno ng basura kaya't hindi na maka-agos ang tubig baha. Andaming nagreklamo at sinisi na naman ang gobyerno. Anak ng--! Lagi na lang gobyerno ang salarin! Ang tanong, naranasan mo na bang magtapon ng basura sa kanal dati? O di kaya'y basta na lang nagtapon kung saan-saan? Kung ang sagot ay oo, eh di wala kang karapatang magreklamo kung bakit bumaha!
Lahat siguro ng Pilipino sa mundo ay nagtapon na ng basura sa paligid. So ibig sabihin ay walang sinuman ang pwedeng mag-reklamo kung bakit bumaha. Nakakadiri ang tubig pero i-enjoy mo na lang at kasalanan mo rin naman eh. I-reserve mo na lang ang pagmumukmok once humupa na ang baha dahil kailangan mo nang linisin lahat ng putik sa bahay mo.
Haay, ang Pilipinas nga naman, mala paraiso pero puno naman ng mga taong matitigas ang ulo. Okay lang kasi ang tigas ng ulo din naman minsan ang nagbibigay sa atin ng kakayahang mag survive. Bagyo, baha at kung anu-ano pa, kaya yan basta Pinoy! Tulad nga ng sisasabi nila, "THE FILIPINO SPIRIT IS WATERPROOF."
No comments:
Post a Comment