ITLOG na PULA
by Marcial Caniones
‘Pinas Pa Rin!
Alam kong miss na miss ‘nyo na ang fish ball na nasawsaw sa maanghang na suka at sabay lagok sa malamig na gulaman.
Sigurado akong hindi ‘nyo rin makalimutan ang iyakan, bilinan at yakapan blues nuong hinatid kayo sa Airport sa Maynila. Sariwa pa rin sigurado sa inyong mga ala-ala ang umaa-lingasaw na amoy ng diesel ng mga jeep at ng ingay ng mga naghaharurutang mga bus na makabasag tenga sa EDSA.
Katakam-takam pa rin ang huling kurot mo sa balat ng litson at mamanti-mantikang napag-ipitang laman at taba na hinagod sa manamisnamis na malapot na sarsa. Na miss mo rin ba yung inihaw na bangus na may makapal na taba ng tiyan na nasawsaw sa toyo’t kalamansi na may dinikdik na siling labuyo? Ang mala-dagat na amoy ng grilled pusit na may maraming palaman na sibuyas at kamatis?
Parang nakakagutom, di po ba?
Sige mag himagas muna tayo.
Ang sarap ng halo-halo na may patong na halayang ube at leche flan at mara-ming gatas evaporada, at habang hinahalo ito ay dahan-dahang sumisi-ngaw pataas ang mala-usok na lamig mula sa pinong kinudkod na yelo na malumanay na humahaplos sa iyong mukha.
Miss mo na ang Pilipinas no?
Ako hindi!
Paano ko naman kasi mamiss ang Pinas eh, araw-araw kong naririnig ang matining na inagay ng mga busina ng jeep! May businang parang umiiyak na bata, may businang parang humahalak at may businang parang hagulgol ng kabayo! May mga jeep na nagbababa sa gitna ng kalsada. May mga pasakay na pasahero nag o-overtakan sa pila. Ika nga ‘Only in the Philippines’.
Araw-araw pa rin akong nakikipagsiksikan sa bus…“kuya kaunting usog po bandang likod… marami pa pong sasakay na pasahero” madalas sigaw ng kundoktor…hanggang na punta ako sa dulo at nang malapit na akong bumaba ay sumigaw ako ng “para...para!” at lumampas na ako ng dalawang kanto mula sa aking bababaan dahil kailangan ko muling makipagsik-sikan palabas ng bus at sasalubungin ang mga nakataas na kili-kili na nakaumang sa aking mukha na may halo-halong masangsang at makahimatay na amoy. Hay, naku po nga naman.
Araw-araw ko rin naa-amoy ang usok sa kalsada na hindi galing sa mga jeep at bus, kundi galing sa mga napakahabang hilera ng mga walang tigil na nagpapay-payang mga tindero’t tindera sa kanilang mga bina-bar-b-q sa kanya-kanyang mga ihawan sa side walk - bitukang manok, leeg ng manok, paa ng manok, ulo ng manok, balat ng manok, puso ng manok, atay ng manok, dugo ng manok, puwit ng manok, kahit nga palong ng manok; kulang na nga lang pati balahibo at kuko ng manok. Sa sobrang usok, mabubusog ka na sa amoy ng mga sari-sari bahagi ng iniihaw na manok.
Halos araw-araw din ay sardinas ang ulam ng mga kapit-bahay, mura na tipid pa sa Gasul. Ang teknik- bukas… tak-tak instant ulam na. Ihalo sa mainit na kanin gamit ang kanang kamay, pigaan ng kalamansi, kung walang kalamansi buhusan ng kaunting suka at budburan ng ga-kurot na asin, ipatong ang kanang talampakan at paa sa gilid ng upuan at isakbit ang braso sa tuhod, e halo ng mabilis ang sardinas sa mainit na kanin gamit uli ang kamay, at ihipan-hipan ang binilog-bilog na mainit at mausok-usok na kanin gamit pa rin ang kamay. Hayun... parang buhay Don at Dona kana… walang ka proble-problema.
Puro iyakan din ang mapapanuod sa TV lalo na’t wala kang cable at umabo’t ka sa bahay ng alas 6 ng gabi hanggang 9 na ng gabi. Lahat ng channel may drama. Ang mga karakter sa mga Telenobela ay hindi nagbago simula pa nuong panahon ng Flor de Luna- Ang Inay, iyakin; Ang Tatay, lasenggo; ang Anak, malikot; Ang Biyenan, matapobre; Ang Tiyahin, masungit; Ang kapit-bahay, tsismosa; Ang kapit-bahay na babae, malandi; Ang kapit-bahay na lalaki, rapist; Ang kapit-bahay na bata, abnormal; Hay, puro negatib ang napapanood!
At ang pampalubag loob at ang matinong karakter lang sa telenobela ay ang Aso.
Opo… ang aso lang ang matino! Siya lang po talaga…kasi ang may…MAGIC!
Siya po ang nagbigay ng swerte sa lahat ng mga karakter ng telenobela. At papaano ba naman ika ‘nyo? Tumatae siya ng ginto…siya ang nagpayaman sa lahat ng mga karakter at nagiging masaya ang lahat!
Wala ng- iyakin, lasenggo, malikot, masungit, tsismosa, matapobre, malandi, rapist, abnormal…dahil kung hindi sila lahat magtitino, hihinto siya ng kakatae ng ginto!
So… ‘nung pag alis mo, ganuon para rin ang Pinas…
Pero mayroon din naman unti-unting nagbabago, dahan-dahan na nagbabago, makatutuhanang pagbabago.
Yung mga padala mo:
Nabawi muli ang lupa na isinangla ni ‘Itay para ikaw ay makabiyahe.
Si Jun-Jun, natapos din ng Information Technology.
Hayun, pinapasada na ni Mister ang jeep na hinuhulagan mo.
Nakakakita na ng maayos si Lola Ising sa tulong mo sa pagpapa-opera.
Salamat daw sa wheelchair na binigay mo kay tiyo Edgar.
Ninang ka raw kay Ate Mila sa kanyang kasal, salamat daw sa bigay mong panghanda.
Yung laptop, tuwang-tuwa si lolo dahil nakausap ka niya sa internet kahit malayo ka.
Sa wakas matatapos na rin ang pangarap mong bahay.
Hiniram nga pala sa barangay ang Magic Sing na binili mo, fiesta kasi.
Na-operahan na rin sa atay si Binoy at malakas na siya ngayon.
Marami ring tambay ang nakakapag trabaho sa tinayo mong gawaan ng suman.
Hindi mo man wari,
hindi mo man ramdam,
hindi mo man alam…
Bahagi ka pa rin ng napakalaking pagbabago!
Una para sa pamilya... unti-unting…
dadaloy…
Para sa Bayan.
No comments:
Post a Comment