OAV
by Nestor Puno
Ano ba ang OAV?
Para saan, para kanino ba ito?
Ang OAV o Overseas Absentee Voting ay
ipinatupad sa ilalim ng Republic Act 9189 noong Febraury 13, 2003, upang kilalanin
ang karapatan ng mga migranteng Pilipino na naninirahan sa ibang bansa na
makaboto sa pambansang halalan sa ating bansa at maghalal ng Presidente,
Bise-Presidente, Senador, at Partylist.
Subalit, hindi namamaksimisa ang layunin ng OAV, sa
kadahilanang marami pa rin sa mga migranteng Pilipino ang hindi nakarehistro at
hindi nakakaboto. May tinatayang 9.5 M na OFW na nagtatrabaho at naninirahan sa
mahigt 200 bansa. Wala pang 8% ng lahat
ng bilang ng OFW ang nakarehistro sa OAV, at ang problema pa, ilan lamang ang
nakakaboto sa mga rehistrado. Ang unang eleksyon magmula ng maipatupad ang OAV
noong 2004 lamang umabot ng halos 65% ng nakarehistrong botante ang nakaboto,
pero sa mga sumunod na eleksyon malaki ang ibinaba ng porsiyento ng bumoto.
Taon ng
Rehistrasyon
|
Rehistrado
|
Aktwal na
Nakaboto
|
Porsiyento
|
2003
|
359,296
|
233,137
|
64.89%
|
2006
|
504,124
|
81,731
|
16.27%
|
2009
|
585,830
|
153,323
|
25.99%
|
2012 July
|
★161, 153
|
|
|
★ Bagong
rehistrado mula Oct.2011 hanggang July 2012
Bakit ba mahirap magparehistro? Ang proseso ng
pagpaparehistro ay hindi mahirap pero ang pumunta at personal na magparehistro sa
embahada o konsulado ng Pilipinas sa inyong bansang kinaroroonan, ang malaking
problema.
Dito sa Japan, mayroon lamang dalawang diplomatic post na
maaari mong puntahan, sa Tokyo at Osaka. Mayroong 209,376 Filipino na
nagtatrabaho at naninirahan dito sa buong Japan, pero mayroon lamang halos 5% o
mahigit 9,000 libong rehistrado ng OAV.
Para sa halalan sa 2013, naglaan ang ating pamahalaan ng
isang taon upang makapagpagparehistro ang malaking bilang ng mga OFW. Nagsimula
pa ang rehistrasyon noong October 2011 at magtatapos sa October 2012. May
malaking kakulangan ang ating pamahalaan sa pagpapabot at pagpapaliwanag sa
ating mga Kababayan at marami pa rin ang hindi nakakaalam hinggil dito.
Para makapagparehistro, kailangan mong gumastos ng malaki sa
pamasahe at pagkain, lumiban sa trabaho, at minsan ay kailangan mong maglaan ng
dalawang araw para lamang maisagawa ang pakay. At dahil mahirap din ang trabaho at pamumuhay
sa Japan, hindi ito nabibigyan ng prayoridad ng ating mga Kababayan.
Ang isa sanang pamamaraan para marami ang makapagparehistro
ay ang consular outreach. Malaking kaalwalan sa ating mga kababayan kung naging
regular sana ang consular outreach ng embahada at konsulado. Sa Tokyo,
nagkaroon lamang ng 3 beses na OAV outreach sa kanyang nasasakupan. Matatapos
na ng ilang buwan ang rehistrasyon sa OAV pero wala pa ring nagaganap na OAV
registration sa Nagoya, na may mahigit 41,000 Pilipino ang naninirahan sa
tatlong (Aichi, Gifu at Mie) probinsiyang karatig nito. Bagamat may nakatakdang
consular at OAV outreach sa Septyembre at Oktubre, sa Nagoya at Gifu.
Dapat tugunan ng ating pamahalaan ang mga balakid at
problema sa OAV kung gusto talaga nating matupad ang mga mithiin ng batas na
ito. Magtakda ng mga extension offices, maliban sa embahada at konsulado, para
maging malapit at madaling puntahan ng mga Pinoy at maglunsad sa mga araw na
walang pasok ang karamihan. Gawing tuluy-tuloy ang pagpaparehistro dahil
pinatunayan na ang isang taon ay hindi pa rin sapat para maabot ang malaking
bilang ng mga Pinoy. Maglunsad ng mga education drive para maipaliwanag ang
kahalagahan nito sa bawat isa, at magbigay na sapat na impormasyon o anunsiyo para
dito.
Maliit na nga ang bilang ng nakarehistro, marami din ang
hindi nakakaboto. Bagamat mapalad tayo dahil “ligtas” ang mailing system dito
sa Japan kaya pinahintulutan ito ng pamahalaan. Subalit, marami ang hindi
nakakarating na balota sa hindi malamang dahilan. Madami din ang nagiging
spoiled ballots dahil sa nakalilitong sistema ng pagboto. Madami ring nagrereklamo
na hindi dumadating ang kanilang voter’s ID sa kabila ng may dumadating na
balota.
Higit sa lahat, dapat maglaan ng sapat na budget para dito.
Malaki ang kontribusyon ng mga OFW sa ating ekonomiya, dapat lamang na ibigay
ng pamahalaan ang karapatan ng mga OFW. Imbes na dagdagan ang budget para mas
maraming OFW ang makaboto, pababa ng pababa ang inilalaang pondo para dito.
Noong 2004, mayroong P 300 million na budget, naging P 238.421 noong 2007,
naging P 188.086 noong 2010, hanggang sa bumaba ito ng P 43 million nitong
taon.
Ganunpaman, hinihikayat ko pa rin ang ating mga Kababayan na
magparehistro at lumahok sa OAV. Mayroon pa tayong natititirang dalawang buwan
upang makapagparehistro. Kung mayroon tayong sadya sa embahada o konsulado,
bigyan na natin ng panahon na makapag-parehistro. Pumunta sa mga itinatakdang
consular outreach upang doon magparehistro. Kung kayo naman ay nasa Pilipinas
hanggang Oktubre ng taong ito at babalik dito sa Japan bago ang eleksyon sa May
2013, maaaring magparehistro sa election officer sa munisipyo ng inyong
tinitirhan, o kaya sa NAIA airport bago kayo lumabas ng Pilipinas. Mag-fill-up
na application forms, ihanda ang inyong pasaporte at photocopy ng data page
nito. Ang OAV registration ay walang bayad at sila na ang kukuha ng inyong
litrato.
Gamitin natin ang
ating karapatan para maitayo natin ang ating sektor. Tayo ang bumubuo sa
mahigit 10% ng ating populasyon at kung isasama pa natin ang ating mga
kamag-anak sa Pilipinas, may kakayahan tayo na magbago ng ating lipunan at
pumili ng ating lider na magbibigay solusyon sa ating mga problema bilang OFW
at bilang mamamayang Pilipino. Kailangan nating pumili o magluklok ng ating
representante sa kongreso na siyang magdadala ng ating sektoral na usapin.
Umpisahan natin ang pagbabago mula sa atin, sa pamamagitan ng pagpaparehistro
sa OAV at lumahok sa halalan. (nlp) ###
No comments:
Post a Comment