The Land of Personal Discoveries
by Marie Defeo
April 01, 2009 ang isa sa pinaka-memorable date para sa akin. Hindi dahil iyon ang araw na una akong nakasakay ng eroplano at nakatapak sa Japan na matagal ko nang pinapangarap, kundi iyon ang gabi na napaka-lamig at naglakad kami ng kapwa estudyante ko ng pagkalayo-layo sa gitna ng ulan mula Kintetsu Bus Station hanggang JASSO dorm ng Osaka dala-dala ang mga bagahe namin. Parang mahigit 20 minutes yata ang nilakad namin. Isang parusa iyon para sa isang tipikal na tiga-Manilang tulad ko na nasanay na may jeep o tricycle kahit saan mag-punta sa Manila. Pagkarating namin sa dorm, gustong-gusto na namin mag-shower ng mga kasamahan ko, ngunit napag-alaman namin na may bayad pala iyon at kailangang eksaktong 100yen lang ang ipapasok sa coin-shower o hindi pwede makaligo. Deluriyo iyon! Dahil wala kaming magawa, pumasok na lang kami sa aming mga kwarto at nag-ayos ng aming higaan na tipong pala-isipan ang dating. Halos hindi rin ako nakatulog noong gabing iyon dahil ang ingay ng mga uwak, uwak ng uwak! Kada-oras may duma-daan din na ambulansya sa kung ano mang kadahilanan.
Ngunit sa kabila naman ng lahat, lubusan din naman akong natuwa kung paano kami inasikaso ng mga tao from Osaka JASSO dorm. Naalala ko na sinamahan pa kami ng Resident Assistant para makabili ng tubig sa 7/11. Oo, 7/11! Akala ko talaga sa Pilipinas lang meron non kaya laking gulat ko na meron din pala sa Japan. Tapos sila din pala ang may-ari ng store. Tulad nga ng sabi sa kanta ng Eraserheads, marami daw namamatay sa maling akala. Nakakatuwa din sa Japan dahil makikita mo na kahit matanda, nagbibisekleta pa rin. Uso kasi dito ang bisekleta. Minsan nga, mas malaki pa ang chansa na masagasaan ka ng bisekleta kaysa kotse. At may mga lola at lolo din dito na rakista manamit. Meron nga gothic pa ang fashion. Iilan lang iyon sa mga bagay na dito lang sa Japan makikita.
Sa totoo lang, unang beses kong mawalay sa aking pamilya noong pumunta ako dito sa Japan. At dahil mag-isa lang ako, "I'm on my own" ang tema. Doon ko natuklasan na marunong pala ako magluto! Nakakatuwa lang malaman na marami pa pala akong hindi alam tungkol sa aking sarili na nalaman ko lang simula ng mapalayo ako sa aking magulang. Sa dorm ko din naranasan na magsalita talaga in English dahil puro foreigners ang kasama namin. Medyo nahihiya ako nung una dahil hindi ako sanay na makipag-salamuha sa tao, lalo na at kung foreigner. Unang sabak sa giyera, International agad! Naturally shy kasi ako. Kaya sa mga panahong iyon, itinatak ko na lang sa aking isipan na isa ako sa mga taong may dala sa pangalan ng Pilipinas at tungkulin ko na bigyang liwanag ito sa mata ng ibang lahi. Kami daw ang magiging tulay upang makapagtayo ng strong foundation between other countries.
Nakakatuwa tuwing binabalikan o kinukwento ko ang mga naging karanasan ko ng mga unang araw ko dito sa Japan bilang mag-aaral. Pero aaminin ko na hindi ko talaga pinlano na mag-aral dito. Ngunit ngayon, lubos ang aking kasiyahan na sinubukan ko ang landas na ito kahit na takot na takot ako noon dahil alam ko mahirap at ayaw kong bumagsak. Marami man akong pag-subok na napagdaanan dito sa Japan bilang estudyante, mas nangingibabaw pa rin ang kagandahang naidulot nito sa akin. Hindi lamang ako nagbago para sa ikabubuti, mas lumawak din ang aking pananaw sa mundo at mas nadagdagan ang aking layunin sa buhay. Minsan hindi talaga natin malalaman ang kalalabasan ng mga bagay hangga't hindi natin ito sinusubukan. Marahil hindi sa lahat ng panahon ay magiging maganda ang kalalabasan nito. Ganoon pa man ang mangyari, huwag tayong matakot na harapin ang mga pagsubok, sapagkat ang mga pagsubok na iyon ang magbibigay daan sa atin upang makamit ang tunay na tagumpay. Isa ito sa mga aral na natutunan ko dito mula din sa mga taong nakilala ko.
Kung iisipin, mahigit tatlong taon na pala ang nakalipas mula ng una akong makatapak sa bansang Hapon. Grabe, napa-kabilis talaga lumipas ng panahon! Ni hindi ko man lang ito namalayan. Parang kahapon lang nangyari ang lahat. Marahil ay isang hudyat ito na napaka-halaga sa akin ng mga alaala ko dito. Na kung saan kahit gaano katagal na panahon pa man ang lumipas, mananatiling nakatatak ito sa aking isipan at damdamin. Kahit siguro magka-amnesia pa ako!
I'm proud of you anak!!! thankyou... keep it up and may God bless you always..
ReplyDelete