Sunday, January 18, 2015

Jeff Plantila

Isaw Araw sa Ating Buhay


Jan - Feb 2015

Hindi biro ang maging lider ng komunidad kung siya ay tunay na responsable at masipag. Hindi madali ang buhay ng isang taong pumapasan ng mga tungkuling puwede niyang tanggihan. 

Bakit nga ba nagiging lider ang ilan sa ating mga kababayan sa iba’t-ibang komunidad dito sa Japan?

Katangian Ng Lider 

Sa isang meeting ng mga coordinators sa ilang komunidad sa Kansai region, ito ang isa sa mga tanong na ipinasagot sa kanila: Ano ang katangian ng isang tunay na lider? Hindi na sila binigyan ng mahabang panahon para mag-isip nang malalim o malawak. Kung ano lang ang sumagi sa isip yun lang ang dapat na isulat. 

Maraming lumabas na katangian ng lider, tulad ng: compassionate, tibay ng loob at maaasahan, not afraid to face challenges, “good listener, good follower,” has democratic way of leadership, nagbibigay ng importansya sa community, nagbibigay ng oras.

Mapapansin natin ang kagandahan ng mga katangiang ito ng lider. Mararamdaman natin ang bigat ng kahulugan ng bawa’t isang katangian.

Makakakita kaya tayo ng lider o mga lider na may ganitong mga katangian? Maaaring mahirap makahanap. Nguni’t maaaring mayroong mga lider na may ilan sa mga katangiang ito, o may ilang nagsusumikap na makuha ang kahit ilan lang sa mga katangiang ito. 

Magandang pag-isipan ang mga dapat na katangian ng sinumang may katungkulan sa kanilang komunidad. Magandang pag-usapan kung paano magiging totoo ang mga katangiang ito.

Lider Ng 
Komunidad

Karaniwan na ang mga lider tulad ng President o Chairperson, Vice-President/Chairperson, Secretary, at iba pa ay inihahalal ng mga miyembro ng komunidad. Nguni’t may isa pang uri ng leadership structure na walang election, kundi may isang grupo na binubuo ng mga volunteers na siyang namamahala sa mga gawain sa komunidad.

Ang meeting sa Kansai na binabanggit ay binansagang meeting ng mga community coordinators para mabigyan ng halaga ang pagko-coordinate ng activities at tao sa komunidad. 

Kaya sa meeting na ito, kahit may mga elected officers na kasama, ang binibigyang pansin ay yung kanilang tungkulin bilang coordinators. Hindi gaanong mahalaga ang posisyon bilang elected officers mahalaga ang gawaing kailangang tuparin, ang gawain bilang coordinator sa komunidad.

Mga Problemang Hinaharap

Napag usapan din sa meeting ang mga problemang hinaharap nila tungkol sa kapwa lider. Apektado sila ng inggitan sa puwesto, hindi pagtupad ng tungkulin, ang hindi pagbibigay ng oras sa gawain ng komunidad, ang pagiging self- centered, ang kakulangan sa communication, at ang pagkakaroon ng factions sa mga lider.

Dapat isipin ang epekto nitong mga problemang ito sa mga lider na malinis ang hangarin na magsilbi sa komunidad. Hindi ba’t dagdag ito sa kanilang pinapasang tungkulin? Hindi ba’t taliwas ang mga ito sa kanilang posisyon bilang lider ng komunidad? Hindi ba’t ang magiging biktima nito ay ang komunidad mismo?

Maaaring ang ilang lider ay nag-iisip: Bakit hindi natin maiwasan ang mga problemang ito? Bakit hindi yata mahalaga sa ibang lider na hindi tumutupad sa tungkulin na mapabuti ang komunidad sa tulong ng lahat?

Dito lumalabas ang mga tanong: Bakit mo tatanggapin ang tungkuling maging lider kung hindi ka handang magsakripisyo? Para saan ang iyong tungkulin kung hindi naman tutuparin?  

Pagsusumikap Kahit Mahirap

Malinaw sa meeting na ito na tanggap na sa mga community coordinators ang ganitong mga problema. Malinaw din sa kanila na mas mahalaga na pagtuunan ang dapat gawin at ang magagawa para sa komunidad kaysa mapigilan ng mga problemang dulot ng kapwa lider.

Lumalabas din dito ang kabaitan ng mga lider na hindi tumitigil sa gawain sa komunidad kahit may mga problemang hinaharap. Lumalabas na hindi pang-sarili ang kanilang ginagawa. 

Mga Solusyon

Sa karanasan ng mga community coordinators sa meeting, may magagawang paraan para maayos ang problema ng mga lider. Isa sa solusyon ay ang pagkakaroon ng paraang magkausap. May nagsabi na mahalagang magkaroon ng “heart-to-heart communication.” Maganda ito, nguni’t hindi mabilis gawin. Dapat ay handa ang bawa’t panig sa ganitong usapan, at kung kinakailangan may mamagitan o taong tutulong sa pag-uusap.

Joy of Serving 

Isang katangian ng mabuting lider ay yung pagsasakripisyo ng pagod, oras at isip. Madalas may dagdag pa, sakripisyo ng bulsa.

Hindi dapat umaasa ang mabuting lider ng kapalit sa mga pagsasakripisyong ginagawa. Ang makukuhang kaligayahan ay hindi para lang sa sarili (satisfaction for achieving something) kundi para sa iba at sa komunidad (altruism).

Sa mga lider na hindi kumikilos ng ayos, malamang ay hindi malalim ang kaligayahang matatamo sa kanilang ginagawa. 

Hindi kailangan ang lider ay isang Superwoman o Superman. Hindi rin dapat na siya ay mayaman o may impluwensiya. Ang kaila-ngan ay isang karaniwang nilalang na may puso at isip na magsilbi sa komunidad. Mula dito mapag-aaralan ang ibang kakayanan ng pagiging lider.

Kaya’t dapat isipin ng mga miyembro ng komunidad na suporta sa kanilang lider ay kailangan. Kung sila ay may inaasahan sa kanilang lider, dapat sila ay handa ring tumulong sa anumang gawain ng komunidad na kailangan.

Sa mga tunay na lider na may puso para sa iba at sa komunidad, mabuhay kayo! Dumami pa sana ang mga katulad ninyo!














  






No comments:

Post a Comment