Sunday, January 18, 2015

Nestor Puno

"DAYUHANG PERMANENTENG
RESIDENTE SA JAPAN, HINDI
SAKLAW NG “PUBLIC
ASSISTANCE”


Jan - Feb 2015

Ang mga dayuhang permanent residents na naninirahan sa Japan ay hindi maaaring mabigyan ng “public assistance” ayon sa korte suprema dito sa Japan, batay sa desisyon sa isang kaso ng 82 taong gulang na Tsino na naninirahan sa Oita Prefecture.

Ayon sa desisyon ng nasabing korte nitong nakaraang July ng taong 2014, ang mga permanenteng dayuhang naninirahan sa Japan ay hindi sakop ng tinatawag na “public assistance” dahil hindi raw tayo mga Japanese. Ang sinasabing “all nationals” sa Article 1 ng 1950 Public Assistance Law, ay para lamang daw sa mga Japanese nationals. 

Ang desisyong ito ay nagbigay saya sa mga Hapon na ayaw sa mga dayuhan at sa mga mambabatas na nais magbawas ng gastos para sa kagalingan, at maglilimita sa serbisyong ibibigay sa mga dayuhan. May mambabatas na maka-kanan (rightist) mula sa oposisyon, na naghain ng batas na magbibigay sa mga dayuhang nangangailangan ng tulong ng isang taon upang magdesisyon kung sila ay magpapalit ng nasyonalidad para maging Hapon o lisanin ang Japan. Mayroon ding mambabatas mula sa partido ng kasalukuyang administrasyon na naghahain ng batas na magbibigay ng alituntunin sa mga serbisyong ibibigay sa isang dayuhan, particular sa mga mid-to-long term residents. Maglalagay ng takdang panahon kung gaano katagal sila na dapat manirahan bago makatanggap ng kaukulang serbisyo. At maaaring hindi mabigyan ng ekstensyon sa visa kung hindi kayang tumugon sa  sariling pangangailangan. Sa mungkahing ito, hindi kasama ang mga permanent residents. Mayroon ding mga Japanese na may anti-foreigner sentiments na patuloy na naghahain ng petisyon sa gobyerno upang itigil ang serbisyong pangkagalingan sa mga dayuhang naninirahan dito sa Japan.

Sa kabila ng mga pangyayari, ang Kagawaran ng Kagalingan (Welfare Ministry) ay nagpahayag na ipagpapatuloy nila ang pagbibigay ng serbisyo sa mga dayuhang residente tulad ng serbisyong ibinibigay sa mamamayang Hapon, batay sa kanilang panukala na pinapadala sa mga lokal na pamahalaan simula pa noong 1954. Subalit ito ay batay sa pagpapasiya ng bawat lalawigan at hindi dahil sa polisiya ng pamahalaan. Kaya ang isang dayuhan ay hindi maaaring mag-apila o magsampa ng kaso sa korte kapag hindi binigyan ng suporta ng lalawigan na kanyang tinitirhan, tulad ng kasong nabanggit sa itaas. Paano kung magbago ang patakaran o lider na namumuno sa lalawigan?

Ang desisyong ito ay nakakagulat at dapat tingnan ng mga dayuhang naninirahan dito sa Japan na isang malaking problema. Tayo ay nagbabayad ng buwis mula sa ating sinasahod at ng buwis sa lugar na ating tinitirhan bilang isang residente, at buwis sa lahat ng ating binibili, tulad ng karaniwang mamamayang Hapon. Nagbabayad tayo ng seguro (insurance) at pension upang makatanggap tayo ng serbisyo kapag nagkasakit, naaksidente, at nawalan ng trabaho, tulad ng hala-gang ibinabayad ng karaniwang mamamayang Hapon. Bakit hindi tayo pwedeng makatanggap ng serbisyo at tulong tulad ng isang mamamayang Hapon?

Paano ang mga Pinay na iniwan ng mga asawang Hapon, na may anak? Kahit gustong magtrabaho ng normal pero dahil sa kalagayan na single mother ay hindi makayang gawin kaya kailangan ng tulong sa gobyerno upang mabuhay ang anak na isang Hapon. Paano ang mga nagtatrabaho sa mga kumpanya ng 3D (difficult, dirty, dangerous) na malapit sa disgrasya at sakit, wala ba silang dapat matanggap na tulong kung magkasakit o madisgrasya dahil sa paggampan ng kanyang trabaho at mamuhay bilang isang mabuting mamamayan? At isa pa, ang pinag-uusapan dito ay permanenteng residente, mas mahirap lalo kung mid-to-long term pa lamang.

Tulad ngayon, naghahandang tumanggap ng maraming dayuhang manggagawa para sa nakatakdang Olympic sa taong 2020 at problema sa populasyon ng bansa. Bibigyan nila ng trabahong 3D, babawasan ng buwis, subalit hindi ginagarantiya ang anumang serbisyong pangkagalingan?

Sa mga nagkokonsulta sa akin, lagi kong sinasabi na kailangan maging stable ang pamumuhay sa Japan; may regular na trabaho, nagbabayad ng buwis at ng seguro, upang maging batayan sa pag-aaplay ng ekstensyon ng visa. Naniniwala na ako na hindi tayo dapat maging pabigat sa pamahalaan upang makapamuhay dito sa Japan, subalit hindi dapat maging depenido at dapat batay sa kanyang kalagayan. 

Kung obligasyon ang pagbabayad ng buwis at iba pang seguro, dapat ay maging karapatan ng bawat isa ang tumanggap ng serbisyo, anuman ang kanyang nasyonalidad, relihiyon, o paniniwala sa buhay. Ang desisyon na ito ay malinaw na hindi makatarungan at paglabag sa karapatang pantao nating mga dayuhan dito sa Japan.

Mapayapa at Masaganang Bagong Taon!


No comments:

Post a Comment