Kapatiran: Sa Isang Tasang Kape
Jan - Feb 2015
Kape nga!
Manigong Bagong Taon kapatid. Cheers! Ano kaya ang hatid ng bagong taon sa ating buhay? Sabi ni Eleanor Roosevelt, “In the long run, we shape our lives, and we shape ourselves. The process never ends until we die. And the choices we make are ultimately our own responsibility.” Kaya nga kapag tatamad-tamad, di ba tumatambak din ang trabaho sa huli? Kapag patumpik-tumpik naman, napag-iiwanan! Sa mga walang ambisyon sa buhay, wala ring mararating pero sa mga taong may tiyaga, may nilaga! Sa mga nagsisikap, may tagumpay! Paano mo aabutin ang mga gusto mo ngayong bagong taon? Diskarte na!
Kapag nagpa-plano ka ba sa buhay o basta nag-iisip ng malalim, ano ang nakakatulong sa iyo? Kapeng mainit ba? Pampa-gising, pamp-relax, pampa-concentrate. Ano ang unang pumapasok sa isip mo kapag naririnig mo ang salitang coffee? Coffeebreak ba? Starbucks? Nescafe? Barako? Civet? Burol? Hang-over? Isang tasang kape... ano ba ang istorya mo.
Galing ang coffee sa ibat-ibang uri ng halamang Coffea. Namumunga ito ng mga coffee cherries kung saan ang buto o mga buto na siyang tinatawag na coffee beans ang pinoproseso para maging kape. Ang pinaka-kilalang uri nito ay ang Coffea Arabica at ang Coffea Robusta. Sa atin sa Pilipinas, bukod dito, ang Excelsa at Liberica ay tumutubo din. Sa bansang Ethiopia, ang merong pinakamatandang istorya tungkol sa kape. Meron daw isang pastol ng mga kambing na nagngangalang Kaldi ang nakapansin na ang kanyang mga alagang kambing ay nagiging masyadong aktibo pagkatapos makakain ng isang uri ng berries kaya't pati siya ay nakikain nito at naramdaman din niya ang pagkaliksi. Dinala niya ang kanyang nalaman sa monasteryo subalit dahil hindi siya pinaniwalaan, tinapon na lang ng monghe sa apoy ang dinala ni Kaldi na mga coffee beans pero dahil sa masarap na amoy na lumabas sa pagkakasunog nito, nabigyang pansin na rin at nadiskubre na nga ang coffee.
Ilang klase ng kape ang alam mo? Hindi ako pala-inom ng kape pero natandaan ko dati sa bivouac namin noong high-school sa Batangas, sagana ang camp sa kapeng barako kaya ako rin ay naki-inom, ang sarap! Nagbaon pa nga ako pauwi, pasalubong kay Tatay. Ngayon ko nga lang nabigyan pansin, bakit kaya hindi kami makabili ng kapeng iyon ng hindi pupunta sa Batangas eh iyong mga stateside na coffee na siyang mas madaling mabili sa supermartket pati sa palengke ay walang pamana sa lasa ng kapeng barako? Noong taong 1889, Pilipinas ang ika-apat na exporter ng Coffee sa buong mundo, yumaman ang Lipa City mula dito pero noong 1889, dinapuan ng coffee rust ang mga coffee plantation. Ito ay sakit na dumadapo sa mga coffee trees na iniiwang mala-kalansay ang mga puno at kinatapos ng negosyo ng kape sa Pilipinas. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin tayo nakakabalik sa pag-e-export ng kape pero ang mga kapit-bahay nating bansa tulad ng Indonesia at Vietnam ay mga top exporters na. Sa ngayon nilalakad ng ating gubyerno ang panunumbalik ng pag-export nito pero maraming balakid. Ang malimit na pag-bagyo, ang pagpatag ng mga gubat upang gawing syudad pati na rin ng tila kakulangan ng masisipag na tao, ang hirap kaya magtanim. Sa ngayon, importers pa din tayo. Kapatid, magandang investment ang coffee farms kung may balak ka mag-negosyo.
Ito ang sampu sa mga sikat na timpla ng kape:
Espresso- mula sa pressurized coffee machine ang tubig na halos kumukulo pa ang magtutunaw sa giniling na coffee beans. Ito ang basehan ng ilan pang mga timpla.
American coffee – espresso din na mas marami ang sukat ng mainit na tubig
Cappuccino - espresso, steamed milk, saka frothed milk.
Cafe Latte – mas maraming gatas kesa Cappuccino
Cafe au Lait - pareho ang sukat ng kape saka gatas
Cafe Mocha – espresso na merong chocolate syrup saka gatas na mabula
Espresso con Panna - merong whipped cream
Espresso Granita – cocktail coffee, merong brown sugar saka brandy
Frappe – kape, asukal, gatas, saka mo alugin
Irish coffee -merong whiskey
Melya – may powdered coffee saka honey
Sa ngayon, mas kilala ang civet coffee ng Pilipinas kesa sa mga coffee beans natin na mula sa Batangas, Cavite, Kalinga Apayao, Davao, Mindanao. Ito nga raw ang pinakamahal na kape sa buong mundo. Sa New York, ang isang tasa ng civet coffee ay maiinom sa presyong $30 hanggang $70. Ang isang kilo ay nabebenta ng $800. Sa atin, ang tawag sa hayup na civet ay alamid, sila ay kumakain ng coffee cherries kung saan ang mga buto o ang coffee beans ay kanila ring dinudumi. Sa loob ng kanilang sikmura ay tila naproseso ang mga beans na ayon sa mga “experts” ng kape ay nagkakaroon ng mas mapait at malatsokolateng lasa. Mas kilala ito bilang Kopi Luwak na nanggagaling sa Indonesia. Bakit ganito kamahal? Kadiri kaya maghalukay ng madumi saka noong una, talagang mahirap makuha ang dumi ng mga alamid dahil sa mataas na bundok na tinitirhan nito at hindi rin naman buong taon ang pagbunga ng mga coffee cherries na kinakain nila. Kumakain din sila ng ibang prutas at karne ng ibang hayup. Ngayon, marami ng walang puso ang humuhuli sa kanila, kinukulong at coffee cherries lang ang pinapakain. Ang resulta, nababaliw sila sa loob ng kulungan, kinakagat ang sarili at tuluyang namamatay. Mas baliw yata ang mga taong nagbabayad ng ganito kamahal mula sa mga buto ng “tinae” ng mga alamid at maitim naman ang budhi ng mga hilong negosyante na hindi nakakaramdam ng awa sa kalupitan nila sa hayup!
Kailan lamang ay may dumaig sa Civet coffee, $1000 ang halaga ng isang kilo! Ilang bansa lamang at luxury hotel ang nabentahan nito. Ang Black Ivory Coffee, sa dumi naman ng elepante sa elephant farm sa Thailand galing ito. Hinahalo ang coffee cherries sa kanilang pagkain, sa pagdumi nila sa susunod na araw, kinokolekta ito, saka sinasala ng kamay ang mga buto na naiwang buo sa kanilang sikmura. Kanino kayang dumi ang susunod? Sa tao? Hindi ko maintindihan bakit kailangang iproseso ng isang hayup ang mga coffee beans sa kanilang sikmura para mas sumarap, hindi kaya nasa isip lang ito? Psychological? Para sa akin, iyong tumubo sa lupa mula sa pag-aalaga ng isang mabuting magsasaka at prinoseso ng marangal ang pinakamalinis at pinakamasarap na kape sa buong mundo!
Ang kape, katulad ng iba pang inumin, pagkain, at bagay ay masama sa katawan kapag sobra, pero sa tamang sukat sa pag-inom nito ayon sa katawan ng isang tao ay marami ring kabutihang naidudulot. Sa ating maling pagkain, sa duming dala ng hangin, sa natural na buhay ng isang tao, maraming pagbabago ang nagaganap katulad ng pagtanda, kung baga sa bakal ay kinakalawang, oxidation! Ang mga natural na pagkain tulad ng gulay at prutas ay tinatawag na anti-oxidant, sila ay tumutulong magtama ng tila namamali sa loob ng ating katawan, kasama dito ang green tea at ang kape!
Teka, parang gusto ko uminom ng isang tasang kape.
No comments:
Post a Comment