Stop Light!
Jan - Feb 2015
Bagong Taon na naman mga kababayan at kasunod naman ay araw ng mga puso. Maligayang Bagong Taon at advance Happy Valentines’ po sa ating lahat dito na nasa ibat-ibang sulok ng Japan. Napakabilis po ng panahon, hinde po ba? Nawa'y ating nakamtam o makamtan ang karangyaan, kaligayahan at katahimikang ating inaasam-asam na ating matagal-tagal na ring pinagtatrabahuhan. Maraming salamat po sa nagdaang taong inyo kaming sinubaybayan at inaabang-abangan. Sa pagpapalit ng panahon at pagliligpit ng mga gamit pang tag-init ay nahalungkat ko po ito at sa unang hirit po sa taong ito. Gusto ko pong ibahagi sa inyo sa mga panahong nagdaan, habang bawa’t isa sa atin ay may kanya-kanyang pinagkakaabalahan at lubos po akong umaasa na inyo itong magustuhan at patuloy ninyo itong maaalala at sana ay huwag po ninyo itong makakalimutan. Isinulat ko po ang tulang ito habang nasa loob ako ng eroplano papuntang Dominican Republic, dahil sa tagal at haba at palipat-lipat sa eroplano pinamagatan ko itong...
"Biyahe"
Saan ka ba patutungo?
Tsinelas man, bisekleta o motorsiklo
Tren, jeep, bus, barko man o eroplano
Lahat ng daan ay may liko o baku-bako
Pasasaan ka man sa mundong ito
Marami at sari-saring tao ang iyong makakabanggaan
Makakasalamuha at makikilala mo
Minsan dahil sa lakbay na ito
sila'y magiging kaibigan mo
Sa buhay man, lahat tayo ay mga biyahero
Hero ng mga pamilya o ng ibang tao
Saan man ang tungo o punta o narating mo
Ito ay ang Diyos sadyang ipinagkaloob sayo
Baku-bako man ang iyong pinagdadaanan
Laging tandaan, Panginoon ay laging nasa tabi mo
At sa lahat ng iyong pinatutunguhan
Tiyak may magagandang mga nakalaan sayo
Mahaba man ang iyong nilakbay o pinilahan
Samo't-sari man ang mga kinaila-ngan mo
Kung pursigido ka na pangarap mo'y makamtan
Sa sipag, tiyaga at dasal, lahat ay mapapasa iyo
Huwag sana makakalimot sa iyong pinagmulan
At laging lumingon sa iyong pinang-galingan
Sa mga taong nakasama mo't gumabay sayo
Sa hirap at ginhawa, sana sila ay maaalala mo
Sa mga paglalakbay na aking naranasan ay may mga bagay akong natutunan at lubos na pinatunayan. Ito ay ang kailangan lumabang mag-isa at tumayo sa sarili kong mga paa. Minsan kahit kapamilya o kahit sino ay wala din magagawa dahil minsan kinakailangan sa atin mismo magmumula ang pagsisikap na malagpasan ang anumang sitwasyon mayroon tayo. At laging iisipin na kahit anuman ang sabihin ng iba, hanggang alam mo ang iyong layunin at mithiin sa iyong buhay ay huwag papaapekto bagkus dapat ituon ang isip sa mga pangarap na gusto nating makamtam o marating.
At sa tuwing nakakakita ako ng mga stoplights ay naaalala ko na minsan hindi kailangan go lang ng go. Maaari nating ikapahamak ito. May mga bagay na kinakailangan nating pag-isipang gawin at may mga bagay na dapat nating antayin. Kagaya na lamang ng mga pagkakataong dumarating sa ating buhay. Kapag dumarating ang pagkakaton na alam nating imposible nang mangyari ulit at malaki ang kahalagahan nito sa ating mga sarili at sa palagay natin hinde naman ito masama ay sunggab na agad! Kung alam nating makakasama sa atin o may mga taong lubos na maaapektuhan sa ating gagawin, dapat na muna tayo magmuni-muni at umiwas o tumigil. May mga pagkakataon din namang nabibigo tayo, kailangan laylow muna, mag-antay o maghinay-hinay at isipin na lang natin na baka hindi para sa atin ang mga iyon. At may mga bagay na kinakaila-ngan nang itigil at sa pagkakataong ito, hindi nangangahulugan na tigil na rin ang buhay nating nararapat na humanap tayo ng ibang paraan o daan para maipagpatuloy natin ang ating mga buhay.
Muli, nais ko lang pong ipaalala sa ating lahat, na sa pagpapalit ng taon, sa bawat paglalakbay na ating gagawin at sa bawat lugar na ating mararating, kasabay nito ay ang buhay o landas na dapat nating tahakin. Maging handa sa mga naging desisyon natin. Lagi nating isipin o tingnan ang "stoplight" isang sign, signal o paalaala kung dapat ba tayong mag stop, look and listen sa mga bagay-bagay na kinakailangan nating harapin. At hindi natatapos ang buhay natin sa iilang pangyayari o pagkakataon lamang o paglalakbay lamang. Tuluy-tuloy lang po ang buhay.
Happy New Year and Advance Happy Valentine's Day to all! May the love and peace will stay forever in our hearts! God Bless us all!
No comments:
Post a Comment