Sa Tabi Lang Po: Hari ng Kalsada
Jan - Feb 2015
Nag ko-commute ako papuntang opisina araw-araw dahil wala naman akong kotse. Sa Pinas, ang pangunahing mode of transportation natin ay ang "jeepney." Ito ang isa sa mga pinaka-iconic na simbolo ng ating bansa. Naimbento ang jeepney pagkatapos ng World War II nang iwan ng mga Kano ang mga military jeeps nila sa Pinas. At dahil likas na malikhain ang mga Pinoy ay inupgrade nila ang mga ito ala "pimp my ride" kumbaga.
Ang military jeep ay nilagyan ng bubong at pinahaba. Nilagyan ng magkakaharap ng mga benches bilang upuan. At syempre, alam niyo naman ang taste nating mga Pinoy, kung hindi makulay, hindi uubra! Kaya't kinulayan ito at nilagyan ng sangka-tutak na mga palamuti. Binigyan ito ng total makeover. Ilan dito ay mga kabayo sa hood, stainless na katawan, pangalan ng anak gaya ng "John Lloyd" or "Marimar" sa harapan. Sa likuran, usually makikita mong nakasulat na "Katas ng Saudi" at kung anu-ano pa. Sa ngayon, medyo nag-iiba na rin ang estilo ng mga jeepney. Sa mga probinsiya, ang mga surplus trucks o vans ay ginagawa na ring pampasaherong jeepney. Sa amin ay marami na ring aircon jeeps na mukhang mini bus.
Naalala ko noon, mayroon din kaming dalawang Sarao na jeep na binili ng aking ama na dati ring jeepney driver noong kabataan niya. At dahil dito, napagtanto kong totoo pala ang kasabihang, "basta driver, sweet lover" dahil sa dinami-dami ng mga baba....joke lang! Anyway, tandang-tanda ko pa na sa loob ng aming jeepney ay naka-pinta ang lahat ng pangalan naming magpipinsan pati na ng aking lolo at lola. Sa pinakaharap nakasulat ang aking pangalang "Renaliza" na proud na proud kong tinitingnan sa tuwing sasakay ako rito. Nagtatampo naman ang aking bunsong kapatid dahil wala siyang pangalan dito. Paano, hindi pa siya napapanganak noong pinintahan. Di bale, nakalagay naman ang pangalan niya sa biniling traysikel.
Hanggang sa ngayon, jeepney pa rin ang hari ng kalsada sa Pilipinas. Yun nga lang, may ibang mga drayber na feeling hari din minsan. Parang nakikipag-karerahan sa sobrang bilis magpatakbo. Pag siksikan naman at pumreno ay mare-realize mo na may iluluwag pa pala ang loob ng jeep dahil titilapon kayong lahat sa loob papuntang harapan. Ang usual na litanya ng mga sinunga-ling na barker ay, "Sakay na! Maluwag pa! Tatlo pa, tatlo pa!" At pag sumakay ka na ay sanggol lang pala ang kakasya sa liit ng space na natira sa yo na halos hindi pa magkasya ang kalahati ng pwet mo. Dito sa probinsiya, may "extension" pa isang maliit na bangkito na nilalagay sa center aisle ng jeepney at magkatalikod na uupo ang dalawang "extra" passengers. At pwera doon ay may mga kalalakihang sasabit pa! Minsan pag nasa dulo ka nakaupo at may putok ang naka-sabit ay good luck na lang sa iyo.
Lahat halos ng jeepney meron na rin ngayong nakalagay na "NO SMOKING" sign dahil nasa batas nang hindi pwedeng manigarilyo sa loob ng mga public vehicles. Pero mayroon pa ring mga pasaway na pasahero at minsan ay si mamang drayber pa mismo ang nag yoyosi. Sa mga jeepney ngayon, medyo ingat-ingat na rin dahil marami nang nagkalat na mga mandurukot na nag te-take-advantage sa sikip ng jeep. So far, sa aking commuter life, maswerte akong hindi pa ako nadidisgrasya or nadudukutan. Medyo na chansi-ngan nga lang ako ng katabi kong mama na kunwaring dumudukot sa bulsa niya pero sabay siko sa dibdib ko.
Ang jeepney nga naman, simbolo ng pagiging likas na malikhain at pagiging wais ng mga Pilipino. Ang pagsakay dito, medyo masikip nga at mainit pero very interesting naman! Maraming bagay ka ring matututunan dito tulad ng laging mag-handa ng barya at baka walang panukli si Manong. Ang waluhan ay pwede palang gawing siyaman at ang siyaman ay pwede palang gawing sampuan, at iba pa.
Malayo pa ang panahon kung kailan ang mga jeepney ay mapalitan na ng mga trains tulad ng sa Japan, baka nga siguro hindi din mangyayari iyon. At malayo pa rin ang panahong magkakaroon ako ng sariling kotse. Sa ngayon commute muna ako sa siksikang jeepney dahil kasya pa naman ang aking 36-inch waistline sa 8-inch space.
No comments:
Post a Comment