Friday, July 18, 2014

Dr. JB & Nelly Alinsod

PANALANGIN PARA SA KAPAYAPAAN AT KASAGANAAN NG MUNDO


July - August 2014

Diyos, ikaw ang lumikha ng lahat. Dahil sa iyo kami ay buhay at kumikilos. Kalooban mo ang kapayapaan at kasaganaan ng buong sanlibutan!

Mahabag ka sa amin, Ama sa langit sapagkat mas inuuna pa namin ang aming sarili kaysa tuparin ang kalooban mo. Inaamin namin ang aming pagkukulang sa panalangin and pagnanasa na makita na matupad ang kaharian mo dito sa lupa gaya sa langit. Maluwalhati ka nawa sa amin at sa kalikasan.

Panginoon, bigyan mo kami ng bukas na isip na lumalago sa pag-unawa sa aming kapwa at ang aming relasyon sa isa’t-isa at sa lahat mong nilikha. Tulungan mo kaming maunawaan na kami ay nabubuhay sa isang maliit na mundo at kaming lahat ay tumatanggap lamang ng biyaya nito. Mabigyan nawa namin palagi ng mataas na paggalang at pagpapahalaga ang aming kapwa higit kaysa sa aming pagkakaiba o pagkakatulad ng aming ideolohiya, pananalig at kultura. Gawin mo kami na mapagbigay at punuin mo kami ng kahabagan para sa lahat ng may buhay. Pagtagumpayin mo kami laban sa kasakiman at pagiging makasarili na siyang ugat ng kawalan ng hustisya. Pahalagahan nawa namin ang isa’t-isa sapagkat kami ay nilikha sa iyong wangis.

Mahabag ka sa amin, Banal na Espiritu, sapagkat sumuway kami sa iyong gabay. Turuan mo po kami muli at akayin tungo sa lahat ng katotohanan na magpapalaya sa amin. Sa iyo nawa namin matagpuan ang magpupuno sa aming buhay.

Idinadalangin namin ang hustisya, kalayaan, respeto sa karapatang pan¥-tao at pag-ahon sa kahirapan sa lahat ng tao. Gayun din ang mga bata na siyang kinabukasan ng mundong ito. Matulungan sana namin silang maabot ang kanilang pinakamataas na potensyal bilang responsableng mamamayan ng mundo. Dalangin namin ang kalayaan ng milyon-milyong mga tao na bihag ng kahirapan, gutom at pagdurusa dulot ng pang-aalipin at prostitusyon. Dalangin din namin ang mga biktima ng karahasan at giyera. Pagalingin mo po sila sa kanilang mga sugat sa katawan, puso, isip at kaluluwa.

Kahabagan mo po kami, O Diyos, sapagkat ginawa naming malupit ang mundong ito. Hindi kami naging mabuting katiwala ng iyong nilikha at ngayon inaani namin ang resulta nito. Pagalingin mo po ang aming lupa at alisin ang sumpa nito upang muli itong magbigay sa amin ng mabuting ani. Buksan mo po ang kalangitan at ibuhos ang ulan para sa pagtatanim at tag-ani. Ibalik mo po ang sigla at kasaganaan ng mundong ito. 

Panginoon Hesus, bigyan mo kami ng lakas na patuloy na pagsikapan ang kapayapaan at kasaganaan ng mundo sa pamamagitan ng mapayapang paraan at hindi ng panglalamang sa kapwa. Maghari nawa ang iyong kapatawaran at pag-ibig sa lahat ng aming gawain. Tulungan mo kami na magsaya kasama ng mga nagsasaya at umiyak kasama ng mga napipighati. 

Panginoon Hesus, nagtitiwala kami sa iyong katapatan at pagmamahal. Nagpapakumbaba kami at umaasa sa iyo Panginoon Hesus dahil ikaw ang Prinsipe ng Kapayapaan. 

Request for prayers and other inquiries may 
be sent to scf_japan@yahoo.com or dr.jbalinsod@gmail.com 
Dr. JB & Nelly Alinsod serves the Filipino Community at Shalom Christian Fellowship, Shinjuku Ku, Tokyo, Japan. 

No comments:

Post a Comment