Friday, July 18, 2014

Jasmin Vasquez

Ano Ne! Shoganai!



July - August 2014

Shoganai o walang magagawa. Ito ang madalas na salitang idinadahilan ng mga tao kapag sila ay nagigipit o nangangailangan. Dahilan ng mga taong mahina ang loob pagdating sa hamon ng mga pagsubok sa buhay. Pera :  ito ang laging nagiging dahilan kung bakit kailangan nating maghanap-buhay. Bakit? 


1)  Dahil kailangan nating suportahan ang mga pangangailangan ng magulang, kapatid, at ng sarili nating pamilya (asawa at mga anak). 

2) Gustong makapag pundar ng lupa't bahay.  

3) Dahil gusto nating masunod ang mga luho o layaw ng makabagong pamumuhay.  
4) Upang maipakita sa ibang tao na angat ka sa iyong pamumuhay. Na nagiging daan kung minsan ma maliitin ang mga mas nakakababang tao.

Pangarap :  ang nagtutulak sa ating lahat upang lalo tayong mag sikap na kumita at makamit ang tagumpay sa hamon ng ating buhay. Tulad ng iba, isa rin ako sa mga taong gustong maiahon sa kahirapan ang pamilya at magkaroon ng maganda pang pamumuhay sa ating sariling bansa. Kaya hangga't may panahon at kaya pang magsakripisyo, tuloy pa rin ang pagsisikap para makamit ang pangarap na minimithi.

Nais kong i-share sa inyo ang buhay ng isang tao na wala syang ginawa kundi maibigay ang pangangailangan ng kanyang mga mahal sa buhay.  Trabaho sa araw, sa kaisha (pabrika).  Trabaho sa gabi, sa omise (club). Ganyan ang buhay nya dito sa Japan. Ngunit may isa akong napuna sa kanyang katauhan.  Na kapag may ginusto sya na isang bagay.  Kailangan makabili o kailangan magawa nya ito ng mabilisan.  Bigla akong napaisip kung paano nya iyon magagawa ng agad agad.  Lumipas ang mga araw at aking nabatid kung paano nya nagagawang bumili ng ganito, bumili ng ganyan. At ito marahil ang misyon ko kung bakit ko nakilala ang taong ito: ang baguhin ang kanyang maling gawain.

Mga kapatid at kaibigan,  lahat ng bagay na ating gustong makamit at mangyari sa ating buhay ay matutupad kung tayo ay magsisikap at matututong maghintay ng tamang panahon. Hindi nakukuha yan sa mabilisang oras.  Wag nating idahilan na walang magagawa dahil kailangan.  Nakakaisip tuloy ng bagay upang gumawa ng hindi mabuti para lamang masunod ang gusto. Masarap makamit ang mga pangarap mo galing sa sarili mong sikap at tyaga kumpara sa kumapit ka sa tawag ng pangangailan at bumigay ka sa tukso ng buhay.  Oo ngat madaling magka-pera sa isang iglap lamang kung iyong nanaisin, ngunit maaring magdulot ito ng kapahamakan sa iyong buhay. Maaring may natatapakan ka at nasasaktan na ibang tao ng hindi mo namamalayan. Tandaan mo, may Diyos na nakakakita sa lahat ng iyong ginagawa. 

Dito sa Japan, maraming trabaho ang pwede nating pasukan. Wag lang sana puro pera at luho ang isipin natin.  Isipin din natin ang ating kalusugan sapagkat kapag tayo ay siningil na sa lahat ng bagay na ating ginawa, hindi natin madadala sa ating pagkawala ang mga bagay, pera o kayamanan sa ating paglisan sa mundong ito. 

Kung matututo lang sana tayong makuntento at maghintay sa bawat bagay na ating ninanais at nanaisin, wala sanang mga taong naliligaw ang landas at wala sanang gumagawa ng hindi mabuti.  At hindi natin dapat sinisisi ang pagi-ging marupok natin sa hamon ng buhay kaya tayo nakakagawa ng isang bagay na masama para lang sa pera o bagay na ating ninanais. Tayo ang gumagawa ng buhay natin. Kaya dapat nating paghandaan na maging matatag sa bawat pagsubok na darating pa sa buhay natin. Hindi pa huli ang lahat, kaibigan.  May panahon pa para baguhin mo ang iyong buhay.

Magandang araw po ulit sa inyong lahat. Muli, ako ay nagpapasalamat sa walang pagsawa nyong pagsuporta sa Jeepney Press.  Hanggang sa muli.

No comments:

Post a Comment