Kapatiran Ang PAPA!
July - August 2014
Hi, Kapatid! May papa ka ano? Ako din, saka si kuya kahit lalaki iyon, lahat tayo, ang Santo Papa! Si Pope Francis. Kilala mo na ba siya? Kahit hindi ka Katoliko, lahat naman tayo mahilig sa sikat. Eh di kilalanin mo din siya, si Papa!
Akala mo cartoons lang iyong si San Pedro hawak ang susi at nagpapasok o hindi ng mga kaluluwa sa pinto ng langit, totoo pala! Si Simon na isa sa 12 apostles ng Panginoong Hesus na Siya ring nagbigay sa kanya ng pangalang “Peter”, hango sa salitang Latin, “Petrus” na ang ibig sabihin ay “Bato”: Ang sabi Niya: “Pinagpala ka Simon dahil hindi laman o dugo ang nagbunyag sa iyo (ng kaalaman kung sino Ako) kundi ang aking Ama. Sinasabi ko sa iyo na ikaw ay si Pedro, mula sa batong ito ay aking itatatag ang aking simbahan, at ibibigay ko sa iyo ang susi ng kaharian ng langit. Anuman ang iyong ibigkis sa lupa ay nakabigkis din sa langit at kung ano ang iyong bibitiwan sa lupa ay nakabitiw na din sa langit.”
Dito na nga nagsimula ang pagkakaroon ng isang Pope na ang ibig sabihin sa salitang Greek ay “pappas”, tawag ng isang bata sa kanya ama. Siya nga ang ating Ama dito sa lupa. Ang pastol (shepherd) ng mga tupa (isang simbolo para sa mga Kristiyano). Vicar of Christ o kahalili ng Panginoon Hesus dito sa lupa. Siya ang Successor o ang papalit sa luklukan ni Saint Peter (San Pedro). Nakakasigla na bilang isang Katoliko, ang taong ito na tila nakatapak na ang isang paa sa langit ay siya palang ating lider, gagabay o hihila sa atin upang tayo din ay makapasok sa pinto. Huwag lang sana tayong mag-ala tug-of-war o makipag-batakan at magsasabing, “ayoko nga!”
Marahil matanong mo, ni hindi mo alam kung nasaan ang Papa, papaano mangyayari na mahihila ka niya? Nakatira ang Santo Papa sa Vatican City, ang pinakamaliit na bansa sa buong mundo. Ito ay nasa capital city ng Italy, sa Rome. Ang rango ng Pope sa pamunuan ng simbahang Katoliko ay nasa pinakamataas, sumusunod sa kanya ang mga Cardinals, Archbishop, Bishop, Priest, Deacon, at Laity (tayo). Noong umakyat na si Hesu Kristo sa langit, ang kanyang mga apostoles ang nagkalat ng kanyang mga turo at salita. Si Simon Peter nga, ang unang Pope ang namuno nito. Sa pagpapalit ng Santo Papa, sa pag-saling lahi ng mga tao sa mundo, ang mga turo at salitang ito ay matututunan ng mga taong naniniwala sa Kanya.
Sa desisyon at dispensasyon ng Papa, nakasalalay ang maraming isyu ng moralidad sa mundo. Ang abortion o paglaglag ng dinadalang bata, ang pagsasama ng hindi mag-asawa, diborsyo, ang pagpapakasal na kapwa lalaki o kapwa babae, ang pag-gamit ng contraceptive o birth controls, ilan lamang ito sa mga bagay-bagay na patuloy na tinatalakay ng Papa at nang buong simbahan. Sa relihiyong Katoliko, ang lahat ng ito ay hindi pinapayagang mangyari dahil saliwat sa mga utos ng Diyos. Nitong mga nagdaang taon, ang iskandalo ng sexual abuse sa loob ng simbahan ay lumabas at patuloy na nabubunyag. Napakaraming pari ang napatunayang nang-abuso ng mga bata. Napakalaking problema ito sa Papa, sa paraan ng pagpaparusa sa mga paring may sala at mga taong nagkubli sa kanila, sa paghilom ng sugat sa mga biktima at sa pag-gawa ng paraan upang hindi na ito maulit muli.
Maraming Katoliko ang tumalikod sa relihiyon, nawalan ng pag-asa sa sarili at sa simbahan. Hindi ba kapatid, ito mismo ang gusto ng demonyo? Naniniwala ka ba dito? Patuloy siyang nagtatrabaho, para mailayo ang maraming kaluluwa sa panig ng Diyos. Magpapahila ka ba sa kanya? Palaging mabait ang Diyos, mapag-patawad at palaging nagbibigay ng pag-asa. Si Pope Francis, ang ating Papa dito sa lupa ay patuloy na nagpapa-ngiti sa maraming tao, nagbibigay saya, ng pag-asa! Ito siya:
Si Pope Francis ay ang ika 266 na Papa mula kay San Pedro. Jorge Mario Bergoglio ang tunay na pangalan ng ating Papa, Francis ang kanyang piniling papal name na galing sa santong si St. Francis of Assisi na kanyang tinutularan sa pagiging lubos na mapag-kumbaba. Maraming kakaiba kay Pope Francis sa mga nagdaang Papa. Hindi siya tumitira sa marangyang Papal Apartment na siyang tirahan ng mga Papa kundi sa isang simpleng guesthouse sa Vatican kung saan mas malapit din siya sa publiko. Ang kanyang piscatory ring, ang singsing na sinusuot ng mga Papa at naka-ukit ang imahen ni Saint Peter, ang mangingisda (Fisher of Men) ay silver o gold-plate na silver. Simple ang kanyang vestment o kasuotan, tinanggihan din niya ang pope mobile o sasakyan ng papa kapag lumalabas sa publiko dahil mas importante sa kanya na mas makalapit sa kanya ang mga tao kaysa sa kanyang sariling proteksyon mula sa isang assassination.
Ang tradition ng “washing of feet” kapag Kuwaresma ay hindi ginawa ni Pope Francis sa paa ng ibang pari kundi sa mga paa ng mga batang nasa loob ng kulungan, babaeng muslim, disabled, ibang relihiyon, anumang edad. Hinalikan niya at niyayakap ang mga may sakit o depormidad. Ang pinuno ng dalawang bansa na matagal ng nag-aaway, Palestine at Israel ay inimbitahan ni Pope na magdasal sa Vatican. Sa kanyang birthday, inanyayahan niya ang ilang homeless sa kanyang almusal. Ilan lamang ito sa mga katangian ni Pope Francis na nagpapamahal sa kanya sa maraming tao. Marami na din napabalitang bumalik sa relihiyon, o mga atheist o walang paniniwala sa Diyos na nagbigay ng testamento kung paano sila naantig ng Santo Papa.
Malaki ang pag-asa na hatid ni Pope Francis sa mundo na gustong pamunuan ng kadiliman, tulungan natin si Papa natin, ipagdasal natin siya at ang buong mundo.
No comments:
Post a Comment