Friday, July 18, 2014

Renaliza Rogers

Sa Tabi Lang Po: School Supplies


July - August 2014

Namili kami ng mga school supplies ng isang batang grade 1. Ito ang ilan sa mga nasa listahan: 8 writing notebooks, 2 composition notebooks, 6 pcs. #2 pencils (Mongol brand), 2 boxes crayons (Crayola brand), grade 1 pad paper, scissors, glue, art papers, 20 pcs. bond paper, plastic envelope, etc. Sa totoo lang, ang daming requirements, grade 1 pa lang. So hindi pala pwede ang mumurahing crayons at pencils dahil pangit ang kalidad. So ibig sabihin, pwede mong tipirin lahat ng supplies ng anak mo, pwera sa crayons at pencils. Dapat Crayola at Mongol lang.  Pwera sa requirements, meron pa kaming school bag na binili dahil hindi na pwede ang maliit na bag noong prep siya dahil masikip na ang 10 notebooks at ilang malalaking textbooks. Rolling bag na dapat dahil kaawa-awa ang bata kapag pasan niya ang bigat ng buong sanlibutan sa dinami-dami ng notebooks at textbooks na laman nito. Maraming klase ng rolling bag, may mura at may mamahalin. Syempre pag mura, mga 2 months pa lang ay wala nang gulong. Ang good quality ay 1,200-3,000. Pambihira! Hindi naman mainam na backpack ang ipagamit dahil magkakandakuba ang bata sa sobrang bigat at ikaw na magulang pa ang sisisihin kung bakit siya nagkaganoon dahil sa kakuriputan mo.    

At pwera mga nabanggit, meron pang bagong school uniforms na dapat bilhin. Ang sa mga lalaki, long khaki pants at white polo. Pwede rin namang irecycle ang lumang uniforms kung hindi pa masikip. Buti na lang malaking size ang black shoes na binili namin noong prep kaya't kahit medyo nagmukha siyang si Ronald McDonald noon, at least perfect fit na sa kanya ngayon! Pero hindi ko maiwasang isipin na hindi yata bagay ang long pants para sa mga batang grade 1. Ang Pilipinas ay isang napaka-init na bansa. Kapag ika'y naka polo at long pants, napaka-banas ng feeling! Pagpapawisan ang singit mo! Lalo pa't kung ikaw ay isang batang napaka-active, ng sigalaw ng galaw. Ilan lang naman ang electric fans sa isang classroom, malas ng anak mo kung mataba siya at doon siya nakaupo sa sulok kung saan hindi tumatama ang electric fan. Alam na alam ko ang feeling nito dahil ako noon yung batang mataba na laging pinagpapawisan sa isang sulok.   

Kung isa kang magulang, sakit sa ulo talaga pag tinitingnan ang requirements ng anak sa sobrang dami. At habang tumatagal, lalong dumadami ang kanilang mga panga-ngailangan. Ang hindi lang naman dumadami ay ang mga classrooms na pinapagawa ng gobyerno. Walang problema kung ang anak mo'y nasa private school dahil ma-a-accommodate siya sigurado, magbabayad ka nga lang ng mahal para lang mapagtuonan ng pansin ang anak mo. Eh hindi naman lahat ng magulang ay kayang pag-aralin ang anak nila sa private schools, kaya't doon sa mga pampublikong paaralan mapupunta ang anak. Maraming magagaling na public schools sa bansa, facilities at budget nga lang ang kulang. Kapag ang anak mo'y matalino at nasa top 5 sections, siguro ay mas prioritized sila. Pero kapag nasa lower sections, medyo kinakapos.  Andami-daming estudyante sa mga public schools sa bansa. Isa sana itong magandang indikasyon na maraming kabataan ang nag-aaral para maging mabuting mamamayan. Kaya lang, walang classrooms, walang libro, walang sapat na gamit. Salat. Mayroong doon na lang sa labas nagkaklase, under the trees with mother nature. Ang ibang schools na sa sobrang sikip ay "shared" ang classroom. Iisang room, dalawang klase at hinahati lang ng maliit na blackboard. Sa kabilang side ng blackboard ay si mam nagtuturo ng math. Sa kabilang side ng blackboard ay si sir nagtuturo ng science. Pataasan ng boses na lang. Paos na ang guro sa pagsisikap na makapagturo pero hindi naman masyadong marinig. So, ang maririnig ng estudyante ay, "biology is the study of x=78!" Halo-halo rooms. So, pag magulang ka, problema mo na nga yung school supplies, matrikula at baon ng anak mo, problema mo pa pati kung natututo ng maigi ang iyong anak. 

Napakalaki ng pagkukulang ng ating gobyerno sa edukasyon. Marami ang gusto at kailangang matuto ngunit hindi mapagtuonan ng pansin at nahihirapan. Hindi rin mabigyan ng tulong dahil walang budget para doon. Sana naman ma-improve na ang sitwasyon ng ating educational system at facilities upang makapag-aral ng mabuti ang lahat ng estudyante. 

Sa ngayon, ang aming first grader, kumpleto na sa gamit, nabutas nga lang ang aming bulsa sa dami ng binili at napudpod ang sapatos sa kakahanap ng pinakamura pero magagandang kalidad ng school supplies. Buti na lang hindi na kami ni-require magdala ng "1 Mono-block Plastic Chair (Ruby brand)" para upuan sa school.

No comments:

Post a Comment