PASYAL
July - August 2014
Isang araw, nabanggit ng isang dating kaklase ang nangyari sa isang restaurant. Nagpakilala daw yung waiter na nagsisilbi sa kanila at sinabing ang kanyang pangalan ay Haime. H hindi J ang unang letra ng pangalan.
Sabi ni Haime, nagkamali daw ang kanyang mga magulang sa pagrerehistro ng kanyang kapa-nganakan. Maa-aring nagmadali kaya nagkamali ng sulat sa papel ng pagrerehistro, o yung opisyal sa munisipyo ang nagkamali nang sulat at hindi naman naitama. Kaya Haime na ang nasa civil registry ng Pilipinas at yun na ang dapat lumabas sa lahat na dokumento ukol sa kanya mula sa school, trabaho, pagpapakasal, pagrerehistro ng sariling anak, pagkuha ng driver’s license o professional license, passport at marami pang iba.
Buti naman at ang pagkakamali sa pangalan niya ay sa isang letra lamang at hindi naman masyadong mali - hindi lang tugma sa dapat na spelling ng Jaime na salitang Kastila.
Paano kung mas masama ang naging pagkakamali sa pagrerehistro ng kapanganakan? Dala-dala nila yung masamang pagkakamaling yon sa kanilang mga records sa pamahalaan, school, trabaho at iba pang institusyon. Kung talagang hindi maganda ang lumabas na pagkakamali, kahihiyan ang kanilang dala-dala sa bawa't oras na iyon ay mababanggit o maisusulat. May lunas pa ba sa ganitong pagkakamali sa kanilang rehistro?
Kauna-unahang ID
Tulad sa koseki tohon ng Japan, lahat ng tao sa Pilipinas ay dapat may rehistro sa gobyerno mula pa lamang sa pagkakapanganak.
Ang birth certificate, na mula sa civil registry, ay ang kauna-unahang ID ng isang tao. Ito rin ang pinakamahalagang ID niya. Doon nakalagay kung sino ang isang tao pangalan, magulang, araw ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, kasarian (sex), status bilang anak (legitimate o hindi) o pagiging ampon, kasama rin ang nationality (at ang pagiging naturalized citizen) at civil status (kasal o nawalan ng bisa ang kasal). Dahil dito, napakahalagang dokumento ang birth certificate. Halos buong identity ng isang tao ay nasa isang dokumento.
Malaki ang ibig sabihin ng walang birth certificate. Maaaring hindi ka tanggapin sa school, o kung makalusot ka, hindi ka naman makakuha ng serbisyo sa gobyerno dahil walang maipa- kitang katibayan na tunay nga ang pangalan at apelyido ng taong nag-a-apply. Maaaring hindi makakuha ng voter’s ID at lalo na ng passport kung walang birth certificate. Dahil din dito, may hindi makasali sa Social Security System bilang trabahador, o mapasama sa conditional cash transfer program (sustentong pera buwan-buwan) para sa mahihirap.
Sa international system, ang pagkakaroon ng birth certificate ay itinuturing na napakahalagang bagay. Nakasalalay sa birth certificate ang pagkuha ng mga pangangailangan ng tao, lalo ng mga bata, mula sa tulong sa pagkain hanggang health service, pabahay, edukasyon at pati sa pagbiyahe sa ibang lugar kahit napipilitan lamang na umalis dahil sa disaster o kaguluhan.
At kahit may birth certificate, may problema pa rin kung may pagkakamali. Minsan ang mismong apelyido ay naiiba sa tunay na spelling ng apelyido ng pamilya. Halimbawa, “Villar” ay naging “Vilar.” Lumalabas na iba na yung pamilya, hindi yung tunay na pamilya. Maaaring maging problema din kung ang pangalan ay humaba tulad ng “Maria” na naging “Ma.” na umikli, o di kaya ay nawala ang isang salita kung ilang salita ang pangalan (“Maria Josefina Victoria” naging “Maria Victoria” na lamang). Kapag iba ang pangalan, ibang tao na ang tinutukoy.
Katungkulan ng civil registrar na pangalagaan ang mga nakarehistro sa civil registry na hawak niya. Siya ang tatanggap ng rehistro at siya din ang makapagpapalit ng anumang nairehistro. Ayon sa isang batas, hindi basta-basta masisilip ng sinuman ang rehistro ng isang tao. Ang impormasyon sa rehistro ay dapat “strictly confidential” at hindi makukuha ng sinuman maliban doon sa taong nakarehistro, o ang asawa niya, magulang at iba pang taong binigyan ng kakayanang kunin ang impormasyon. (Child and Youth Welfare Code) Dahil sa nagkaroon ng mga kaso na ginamit ang impormasyon na nakuha sa masamang paraan (tulad ng discrimination laban sa taong nakarehistro), strictly confidential din ang koseki tohon dito sa Japan.
Pag-aayos ng record sa civil registry
Dahil sa hindi maiiwasang pagkakamali o di kaya ay hindi magandang pangalang naire-histro, pinapayagan ng batas sa Pilipinas na baguhin ang impormasyon sa civil register.
Dati-rati, ang anumang pagbabago sa civil registry ay magagawa lamang sa utos ng husgado. Nguni’t nung 2001, nagkaroon ng pagbabago sa batas upang ang “clerical or typographical errors” sa rehistro ay mababago ng civil registrar mismo. Kailangan ang pagbabago ay dahil sa pagkakamaling dulot ng pagsulat o pagkopya o pagtype na hindi naman makasasama tulad ng maling spelling ng pangalan o lugar ng kapanganakan na mabilis makita ng mata. Nguni’t kailangang may ibang dokumento bilang patunay ngang nagkamali sa pagpaparehistro.
Noong 2012, nagbago uli ang batas at isinama na sa mababago ng civil registrar na walang utos ng husgado ang pagkakamali sa araw at buwan ng kapanganakan at ng kasarian o sex ng tao. Kung sex ang maling nairehistro, ang medical certificate na nagsasabing hindi nagpa-sex change o sex transplant yung tao ay kailangan.
Kailangang gumawa ng affidavit na nagsasaad ng hiling na pagpapalit ng nakarehistro civil registry at may kasamang mga sumusuportang dokumento (tulad ng school records, o driver’s license o anumang opisyal na dokumento na nagpapakita ng tamang gamit na pangalan, sex at date of birth).
Malaking tulong ang pagbabago ng batas nung 2001 at 2012 dahil hindi na mangangailangan pa ng petisyon sa husgado. Kung ganito ang mga pagkakamali, puwedeng mag-apply sa civil registrar ng pagbabago sa records. Kung nasa ibang bansa ang rehistro, at nasa Pilipinas ka, puwedeng mag-apply sa civil registrar ng lugar na tinitirhan.
Ito ay lalong mabuti sa mga Pilipinong nasa abroad. Sa Japan, ang Philippine Consul Generals sa Tokyo at Osaka ay makakatanggap ng petisyon sa pagbabago sa birth certificate na magiging bahagi ng record ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ang PSA ang magiging kapalit ng dating National Statistics Office o NSO sa Pilipinas.
Dapat nating tandaan na hindi kasama sa mabilis na pagbabago sa birth certificate ang pagbabago ng nationality, civil status (married, divorced), pangalan ng magulang, ang pagiging legitimate na anak o hindi. Kailangan ng utos ng husgado bago mabago ang rehistro para sa mga ito.
No comments:
Post a Comment