CELEBRATING THE SPIRIT OF FILIPINOS IN JAPAN: an online version of Jeepney Press www.jeepneypress.com
Thursday, March 8, 2012
Isang Araw sa Ating Buhay
Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
Nalaman ko isang araw sa isang Chinese student dito sa Japan ang mga tinatawag na “returnees” mula China. Ang mga “returnees” na ito ay yung mga Japanese na naiwan sa China nung World War II at yung kanilang Chinese na pamilya.
Nagkwento yung Chinese student tungkol sa isang lugar sa Osaka na maraming Chinese “returnees.” Sabi niya dahil hindi marunong mag-Nihonggo ang mga may edad nang Chinese “returnees” na maaaring anak ng mga Japanese na naiwan sa China, iilang trabaho lang ang maaari nilang pasukan gaya ng paggawa ng obento.
Gabi ang trabahong ito mula siguro ng mga hating gabi o madaling araw hanggang mga alas-6 ng umaga. Kaya pag araw tulog sila sa bahay. Malamang na hindi na halos nagkakausap ang mga magulang at mga anak dahil salisi ang oras nila. Papasok sa eskwela ang mga bata habang parating ang mga magulang mula trabaho. At darating ang mga bata sa bahay mula eskwela samantalang nagha-handang umalis ang mga magulang para sa trabaho.
Dahil nag-aaral ang mga bata, mabilis silang natututo ng Nihonggo at mga bagay-bagay sa Japan. Mas marami silang nalalaman tungkol sa Japan kaysa sa kanilang mga magulang.
Magandang matuto ang mga batang ito ng Nihonggo at mga bagay-bagay sa Japan, pero nalalampasan na nila ang kanilang mga magulang sa ganitong kakayahan at kaalaman.
Sabi nung Chinese student, nagkakaproblema sa relasyon ng mga magulang at anak sa ganitong sitwasyon. Hindi na mapangaralan nang husto ng mga magulang ang kanilang mga anak. Dahil siguro ito sa mas magaling na ang mga anak sa Nihonggo kaysa sa kanilang sariling salita kaya’t Nihonggo na ang kanilang ginagamit na hindi naman naiintindihan ng mga magulang. Kaya problema sa pag-uusap nilang mag-anak. Nasabi din na ang tingin ng mga anak ay mas nakakataas sila sa kanilang magulang dahil sa kanilang kakayanang mag-Nihonggo. Bumababa ang tingin ng mga anak sa kanilang magulang na hindi makapag-Nihonggo at kulang ang alam sa Japan.
Buhay Japanese
Hindi na rin ako nagtataka sa ganitong kalagayan ng mga dayuhan sa Japan. Sa tingin ko, ito ay hindi na rin naiiba sa mga karanasan ng mga Japanese mismo.
Maraming istorya na akong nalaman o nabasa tungkol sa gap sa pagitan ng mga magulang at mga anak na Japanese. Tulad ng mga Chinese “returnees,” halos hindi na rin nagkikita ang ilang Japanese na magulang at ang kanilang mga anak. Ito ay lalo na doon sa mga “breadwinner” ng pamilya – na kadalasang mga tatay. Ang mahabang oras sa trabaho para sa mga tatay at ang inaasahang pag-aalaga sa mga anak para sa nanay ay dahilan ng ganitong kalagayan. Naalala ko ang nabasa kong istorya tungkol sa isang mag-asawa. Umuwi nang maaga si otosan. Nguni’t sa imbes na matuwa si okasan, sinisi pa si otosan. Sabi ni okasan, bakit ka maagang umuwi? Ayaw mo bang mapromote?
Si nanay sa bahay, si tatay sa labas ng bahay. Yan ang kaugalian dito at pareho din sa ibang lugar tulad ng Pilipinas. Nguni’t dahil sa hindi na rin ganoon kaganda ang ekonomiya, minsan kailangan na ring magtrabaho si nanay sa labas ng bahay.
At lalo pa sa mga Japanese na maliit ang kita, parehong nagtatrabaho ang mag-asawa. Para naman sa mga single mothers na itinuturing na mahirap dito sa Japan, kaila-ngan nila ng dalawang trabaho para kumita nang sapat sa pangangailangan ng pamilya (yung ina at anak o mga anak).
Kaya kahit karaniwang middle-class na pamilya o yung itinuturing na mahirap na pamilya sa Japan, parehong may problema tungkol sa gap sa pagitan ng mga magulang at mga anak.
Pagiging Magulang na Pinoy sa Japan
Madalas na rin akong nakaka-rinig ng mga istorya ng hirap sa pagpapalaki ng anak sa Japan ang mga Pilipino. Dala ito ng kakulangan ng oras na magkasama ang mga magulang at anak at ang lumalaking gap ng kakayahan at kaalaman sa Japan sa pagitan nila. Walang pinag-iba sa problema ng mga Chinese “returnees” at mga Japanese mismo.
May mga mag-asawang Pilipino at Japanese na nagtutulungan sa pagpapalaki ng anak. Maaaring dala ito ng pagkakaiba nila sa mag-asawang parehong Japanese, kaya hindi nila kailangang sundin ang kalakaran sa Japan (yung “Ayaw mo bang mapromote” na kalakaran).
Dahil dayuhan ang asawa, libre ang asawang Japanese na gumawa ng ibang paraan ng pagpapalaki ng anak.
At kung ina ay Pilipino, may mga close sa mga anak at tinutulungan ng mga anak ang nanay sa mga bagay-bagay sa Japan (kasama na ang pagbabasa ng kanji sa mga sulat at ibang bagay). May mga anak na natuturuan ng kulturang Pilipino at nakakauwi sa Pilipinas kaya’t alam ang ating bansa.
Nguni’t mas mahirap kung ayaw tulungan ng anak ang magulang na dayuhan. Sana ay hindi marami ang ganitong mga anak ng mag-asawang Pilipino at Japanese.
Identity
May isa namang Korean-American student ang nag-interview ng mga kabataang Korean residents sa Osaka. Sabi niya “Kulang daw ang kaalaman ng mga kabataang ito sa kulturang Koreyano samantalang Koreyano naman sila.” Hindi tulad ng kilala niyang Korean-Americans. Maaaring dahil ito sa hindi kayang turuan ang mga anak ng kanilang mga Koreyanong magulang ng kulturang Koreyano na hindi nila alam (maliban sa ilang pagkain at gawain). Hindi sila marunong magsalita ng wikang Koreyano kahit second generation Korean residents sila.
At saka, tulad sa mga bagong saltang Chinese “returnees” children, lumaki na ang mga batang Koreyano sa Japan kaya Japanese na kultura ang alam lang nila.
Kakaiba nga ang kalagayan dito sa Japan ng mga dayuhan. Hindi palaging magandang ilabas ang tunay na identity dahil sa takot na hindi tanggapin nang maayos ng mga Japanese. Hindi ito tulad sa U.S.A. na malayang ipinahahayag at ipinagdiriwang ang pagkakaiba ng mga tao.
May isang dalagitang Filipino-American na nag-upload ng video sa YouTube ng kaniyang pagbisita sa Pilipinas. Tumuloy siya sa bahay ng kamag-anak sa isang bahay along da riles sa Metro Manila. Kahit hindi mayaman ang kamag-anak, hindi niya ikinahiya na ipakilala sila sa video. Hindi siya naging maselan sa ganung kalagayan. Pilipino pa rin siya at tanggap niya ang Pilipinas kahit yung hindi magandang bahagi.
Masarap isipin ang mga anak na hindi ikinahihiya ang mga magulang at mga kamag-anak.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment