Thursday, March 8, 2012

SA TABI LANG PO



SA TABI LANG PO
Ni Renaliza Rogers

Yugyugan Na!

Napapansin ko lang na nitong mga nagdaang buwan, napapadalas yata ang mga kalamidad sa Pilipinas. Ilan dito ay ang flash floods sa Cagayan, landslide sa Compostela Valley, at ang pinaka-latest, lindol sa Central Visayas. Oo, alam ko namang mula noon hanggang ngayon eh suki na ang bansa sa mga natural disasters. Ganun yata ang sumpa ng mga mala-paraisong mga bansa tulad ng Pilipinas, ang palaging daluhin ng kalamidad…

Sa lahat ng nabanggit ko, ang pinaka may “first hand experience” ako ay ang nangyaring lindol sa Visayas kamakailan lang. Nasa Bacolod kami na hindi naman gaanong tinamaan. Sa totoo lang, pangkaraniwang lindol lang ang naramdaman ko, tulad ng mga usual na lindol sa Tokyo, konting yanig tapos lilipas din. Pero dahil minsan lang lumindol sa Bacolod, ang intensity 3-4 ay nakaka-praning na sa mga mamamayan!

Nasa bahay ako noon, mga pasado 11 ng umaga, kakabihis lang ng uniform at nagsusuklay ng buhok habang nakatayo’t nanonood ng “The Day the Earth Stood Still” sa TV. Bigla akong na-outbalance ng bahagya. Medyo natigilan ako at kung anu-anong bagay na ang tumakbo sa isipan ko. Anemic ba ako o high-blood? Ba’t ako matutumba? Ngunit nakita kong gumegewang-gewang din ang lakad ng aming kasambahay. Doon ko lamang na-realize na lumilindol pala.

Malakas na ang ganoong lindol para sa Pinas at ang tagal pa bago tumigil. Mga dalawang minuto siguro tumagal ito. Hindi ko naman pinansin pagkatapos, off to school pa rin ang drama ko, pasan ang aking malaking bag na puno ng tuwalya’t swimming attire dahil may practical exams pa ako. Nagsimula lang akong magtaka pagdating doon dahil andaming estudyante sa kanto, nagsisi-abang ng jeep pauwi. Pilit kong inisip na nanagsisi-uwian lang sila para mag lunch dahil 12:30 na ng tanghali. Hindi ko rin naman marinig ang mga usap-usapan sa paligid dahil ako’y naka-headphones, nakikinig full-volume sa kantang “Ulipon sa Gugmang Giatay” habang naglalakad papuntang La Salle.

Tuluyan akong nagmukhang tanga at nadismaya pagda-ting sa loob ng skwelahan. Walang katao-tao. Mag-isa akong naglalakad sa hallways na mistulang ghost town. Hindi ko maintindihan kung iiyak ako o sisigaw sa inis dahil sa pasan kong bagahe o dahil nagsayang pa ako ng oras para bumiyahe o dahil pinapasok pa ako ni manong guard sa gate kung alam niyang wala nang tao sa loob.

Yun pala eh suspendido lahat ng klase dahil sa lindol at dahil nag panic ang karamihan sa mga estudyante, lalung-lalo na ang mga dalaga! Tilian, sigawan at takbuhan, nakalimutan na ang calm state of mind. Mayroon pang tsunami alert level 2 na idineklara ng PHIVOLCS, so sino ba namang hindi mapapraning niyan? Umuwi na pala lahat at ako na lang ang tatanga-tangang naglalakad sa loob ng campus. Nakita ako ng nagrorondang guard at nasigawan pa. Halos murahin na ako ni manong kung bakit nandoon pa ako sa school gayo’t lumilindol. May hidden agenda ba ako doon? Bangag ba ako? Ano? Napapraning lamang ang mga tao sa Bacolod pero awa ng Diyos, konting yugyog lang ang naramdaman namin. Yun pala sa karatig-bayan naming Guihulngan, Negros Oriental (235.4km from Bacolod), mas matindi ang epekto ng lindol.

Intensity 6.9 ang tumamang lindol sa kanila. Kung nayanig lang kami sa Bacolod, sila doon ay nabiyak ang mga daan at nag-collapse ang mga tulay. Ang palengke nila disaster din. Nasira din ang mga gusali at nagkaroon pa ng landslide sa ibang parte ng bayan na siyang tumabon sa ilang mga kabahayan at kumitil ng maraming buhay. Nawalan ng kuryente at naging uso na naman ang evacuation centers at relief goods. Handa ang nakararami sa bagyo’t baha, sanay na ang Pinoy doon. Pero sa lindol, medyo naninibago pa.

Trending din kaagad sa Facebook at Twitter ang lindol. May isang walang hiyang nilalang pa ang nagpost sa Twitter na sana’y matuloy na lang ang tsunami at lindol sa Kabisayaan para mawala na ang lahat ng baduy sa Pilipinas. Hindi ko lang maintindihan ay kung bakit inakala niyang “cool” mag post ng ganoon klaseng statement habang nagluluksa ang nakararami. Hindi ba niya alam na digital na rin ang karma ngayon? Mabilis na! Kalat agad ang pagmumukha ng naturang nilalang sa internet. Buong Pilipinas, lalung-lalo na ang mga Bisaya ay gusto siyang ilibing ng buhay. Ewan ko lang kung makapunta pa siya ng Boracay dahil sa sinabi niyang yun…

Haay naku… Nakakalungkot lang isipin na hindi tayo gaanong handa sa mga bagong delubyo at may mga tao pang walang kakwenta-kwenta ang pinagsasasabi. Mabuti na lang tayo’y mga Pinoy, kaya nating itawa ang mga problemang dumarating. Ang lindol? Wala yun. Kinilig lang daw ang Earth dahil Valentine’s Day na.

No comments:

Post a Comment