Ano Ne!
ni Jasmin Vasquez
"Malapit na ang Pasko"
Malamig na ang simoy ng hangin. Nararamdaman mo na ba na papalapit na ng papalapit ang Pasko? Nakaka-miss na ang mga pagkain sa panahon na ito na nagiging tradisyon na sa kahit saang lugar sa Pilipinas katulad ng bibingka, puto bungbong, puto sulot na pwede mong samahan ng keso at mainit na tsaa. Madalas akong kumain nito lalo na pagkatapos ng Simbang Gabi.
Maraming tao ang abala at masipag kapag malapit na ang Pasko. Kanya-kanyang diskarte kung paano sila kikita at makaipon ng pera para pagsapit ng Noche Buena ay may masagana silang maihahain sa hapag-kainan. Mayroong gumagawa ng ibat-ibang klaseng parol at christmas decor. May mga gumagawa ng damit ng Santa Claus, may nagluluto ng mga halaya at suman. Kanya-kanya ng gimik basta kumita at makabili ng bagong damit ng mga anak nila at makapag- handa para sa salo-salo sa araw ng Pasko at higit sa lahat ay ang pagbigay ng aginaldo sa kani-kanilang mga inaanak.
Ito rin ang tamang panahon at pagkakataon para sa mga samahan ng simbahan at iba't-ibang community sa ating lugar upang makaipon ng pondo sa pamamagitan ng pagka caroling. At hindi rin magpapahuli ang mga bata na excited lagi humingi ng malaking lata ng gatas, plastic at goma upang gawing tambol at mag pitpit ng maraming takip ng softdrinks (tanchan ang tawag namin dati doon) na magsisilbing tamborine. Tuwang-tuwa ang mga bata sa pagkanta ng christmas carol sa tapat ng bahay-bahay sa ating lugar. Kaya naman mauubos ang mga barya ninyo sa dami nila na tatapat sa bahay ninyo. At pag-naubos ka na at nakulitan ka na sa mga bata na pabalik-balik eh sasabihan mo ng patatawarin po. Tapos kakantahan kayo ng "Thank You, Thank You... ang babarat ninyo thank you" .... hahahaha Amininin ~~~~......... na experience nyo rin yan ng bata pa kayo.
Ako, isa sa mga pinakagusto ko noong bata pa ako tuwing sasapit ang pasko ay yung pagsasabit ng medyas sa bintana. Tapos kinabukasan, pagbukas mo sa medyas may laman na pera sabi nila bigay daw yon ni Santa Claus... Masaya na ako doon kasi noong araw hindi pa uso ang maraming Ninong at Ninang. Isa lang ang Ninong ko at Ninang tapos bihira pa kami magkita. Hindi katulad ngayon ginagawa na rin nilang negosyo ang pagkakaroon nito.
Hindi gaanong marangya ang aming pamumuhay kaya tuwing araw lang ng pasko at bagong taon kami nakakatikim ng masasarap na prutas katulad ng ubas, mansanas, orange at kastanyas. Pero kahit minsan lang kami makatikim ng ganoon, parang ang saya-saya pa rin ng buhay noon. Hindi katulad ngayon na kahit andyan na sa harap mo ang masasarap na pagkain eh malungkot ka pa rin.
Hindi bale na simpleng pagkain lang. At hindi baleng walang magagarang damit sa araw ng Pasko, basta sama-sama kayong buong pamilya at nagmamahalan. Hindi katulad ko ngayon na, oo nga makakabili ako ng masasarap na pagkain at makakabili ako ng mga bagong damit para sa mga anak ko ngunit balot pa rin ng kalungkutan ang aking nararamdaman dahil malayo ako sa mga mahal ko sa buhay. Kailangang mag sakripisyo para sa kinabukasan ng mga anak lalo na single parent ako.
Para sa nakararami, pag sinabi mong Pasko... ang unang pumapasok sa isip nila ay ang magtinda para kumita, mag overtime sa work para dagdag sweldo, regalo at aginaldo. Hallerrr!!! Birthday po iyon ni Jesus Christ.... At tulad natin gusto rin ni Jesus na maalala natin ang kanyang kaarawan at bigyan natin siya ng regalo. At naghihintay din siya na pumunta tayo sa kanyang kaarawan sa kanyang simbahan at bigyan nyo sya ng regalo. At alam mo ba kung ano yong regalo na hinihingi nya? Isang oras lang sa loob ng isang linggo. Please magsimba tayo every Sunday. Hindi lang sana kapag may sakit ka at gusto mong pagalingin ka Niya. Hindi lang sana kapag nag-away kayo ng mahal mo at gusto mong humiling na magkabati kayo. Hindi lang sana tuwing mag-aanak ka sa binyag. Hindi lang sana kapag may dadaluhan kang kasal. Gawin natin ito bilang pasasalamat natin sa kanya sa walang sawang pagbibigay nya sa atin ng mga blessings at maayos na kalusugan. Mahal tayo ng Diyos kaya sana mahalin din natin Siya ng lubos.
Advance Merry Christmas to all!
No comments:
Post a Comment