by Marcial Caniones
PASKO KA SA AMIN
illustration by Jose Miguel Parungao |
At si Santa ay Clause
Ang Christmas ay Tree
At si Rodolf ay Reindeer
Ang Lechon ay Kawali
At ang Salad ay Fruit
Ang Keso ay Bola...
At ikaw na lang ang kulang para tayo ay makapag-karoling.
Oo…
Malamig na rin dito gaya ng diyan. Ika nga uso na dito ang “sweater”, jacket, long sleeves, at scurf, tila nagmistulang nasa Baguio o Japan na rin ang porma ng mga tao dito. Siyempre, uso na rin nitong mga panahong ito ang ubo, sipon, lagnat, at biglang nauso din ang dengue, kaya dagliang nagpunuan ng mga may sakit ang mga ospital. Hindi rin mawawala sa uso ang mga nag-kikislapang mga makukulay na ilaw, mga sari-saring laruan sa bangketa ay naglipana, nagsilakasan na ang mga pampaskong koro at tugtugin sa mga mall, kaya bakas sa mukha ng tao ang saya.
Maginaw na nga…
Sa iba ay puno ng saya, sa iba naman ay pangu-ngulila, sa iba naman para lang wala, sa iba sana naman ay huwag balot sa lungkot ang mukha. Sa mga bata, tila ito ay panahon ng pagkakaibigan, ng bilihan, ng pasyalan, ng kainan, ng pagbibigayan, ng tuwa, ng bagong pag-asa, ng kalinga, ng pagmamahalan. Sa mga matatanda naman ay sapat na ang maalala sila at mapadalhan ng kaunting pang inom, ng pang bingo, ng pang ‘tongits o ng pang sakla, ika nga mga maliliit na gastusing panlibangan huwag lang makasa-nayan at baka masira pa ang kaunting nalalabi pang buhay.
Alam namin…
Na mag-isa ka lang diyan, baka nalulungkot o baka naman masaya at sana nga naman, at dapat lang ay masaya. Dito alam mo na ang buhay halos pa tsamba-tsamba, minsan may trabaho, minsan wala, minsan may kita, kadalsan din ay wala, pero nasa sipag at kusa din naman kung kami dito ay aasenso nasa pagtutulungan at minsan dapat ay pilitin ang isip at katawan upang ang takot at natutulog na utak at laman ay kumilos naman at hindi umasa sa pagod at padala ng mga naghihikahos tulad ninyong malalayo at nag-iisa lang sa ibang bayan.
Alam mo naman…
Ang hirap ng buhay dito kaya ka nga nandiyan, kaya ka nga nagpursiging pumunta diyan upang kahit papaano ay maka- pag-ipon at may matangkang ari-arian at pag-uwi mo ay may naipundar naman. Kaysa magsisiksikan kayo dito, magti-tinginan nalang at paraparehong hihimbing na ‘di alam ang kahihinatnan. Mas mainam na ikaw ay nandiyan kahit minsan ay malungot at mahirap, kaysa lahat naman kayo dito ay nagbabangayan lang araw-araw at sa isa’t-isa ay naaalibadbaran.
Huwag ka ng o.a….
Nasa isip ka nila lagi, buti nga diyan malayo ka sa mga pang-araw-araw na sagutan, away at kulitan dito sa iniwan ninyong bahay. Mga maliliit at malalaking problema, mga mala-aksyon at mala-tele seryeng-drama sa inyong pamilya at mga mas madalas na pang araw-araw na komedya at tawanan. Dito parang pelikula kung wala kang padala saksakan ng lungkot at puro nakasimangot at kapag dumating na ang padala mong kahon, sa sobrang saya, sabay ang lahat na nagtatalunan, pati nga mga kapit- bahay nakikisaya sa pag-asang kahit sabon at tsoklate man ay maabutan…hahaha!
Pasko na nga…
Hindi rin maiwasan ang magnilay-nilay sa mga pinagdaanan sa buhay, lalo na sa mga panahong nais mong makapiling ang mahal mo sa buhay, ang makakwentuhan mo sila ng kahit ano man na madalas ay walang katuturan, minsan mga kwentong nakalipas, na masaklap ngunit ngayon ay pinagtatawanan na lang. Mga panahong kahit kanin lang at karampot na ulam ay masayang nag-aagawan lalo ‘nat may sawsawang maanghang. Mga panahong nakakapag luha, lalo na sa mga taong dapat sinabihan ng pagmamahal, mga taong dapat sanang pinatawad at hiningan ng kapatawaran. Mga pagkakataong sana ay iyong hinaplos at mahigpit na niyakap ang mga mahal mo sa buhay.
Matulog kang mahimbing…
Buhay ang pasasalamat ng mga iniwan mo sa iyo, tila ikaw ang Santa Claus sa kanila, isang Santa na tunay, isang Santa na hindi nakakalimot, isang Santang marunong umiyak, isang Santang marunong din tumawa, isang Santang walang kapaguran, isang Santang kahit hindi pasko ay may padala, Santa ng pambayad sa pasukan, Santa ng pampapagamot, Santa ng pampalibing, Santa ng pampiyansa, isang Santang praktikal at makatutuhanan, isang Santang hindi plastic, isang Santang tunay at buhay, Santa ng lahat, ng buong pamilya, ng buong baranggay.
Kasama ka namin…
Ang mga bata ay nagpapraktis magkaroling... kahit sintonado pinipilit pa rin. Pati nga si amang at inang nakisali na rin. Buksan mo ang Skype at ikaw ay pasasayahin kanilang mga pamaskong kakantahin, syempre hindi maiwasan ang bunso ay maghabilin at mga tiyohin at tiyahin nagkukunwari pang walang hihingin, mga lolo’t lola ay puro kaway sa kamera ang alam gawin at tila nakikisali sa mga pamaskong awitin. Ang unang subo sa Noche Buena sa iyo ay alay namin. Sa tulong mo, sa sipag mo, sa malasakit mo, sa sakripisyo mo, sa pag-unawa mo, sa PAGMAMAHAL mo...
Masaya lahat ang PASKO natin...!
No comments:
Post a Comment