Thursday, November 15, 2012

Nestor Puno

Edukasyon at ELCC, Para sa mga Batang Pinoy
ni Nestor Puno


Ang edukasyon ay isang karapatan ng bawat bata, at hindi isang oportunidad. Ang lahat ng bata, sa anumang kaayusan ng lipunan, ay may karapatan na mabigyan ng sapat na edukasyon upang siya’y matutong bumasa at sumulat na siyang magsisilbing gabay sa kanyang paglaki at paghahanda sa pagsuong sa buhay para sa hinaharap. Karapatan din ng bawat bata na makahalubilo at makalaro ang kapwa bata, malinang at mapahusay ang kanyang sariling kakayahan. Ang lahat ng ito’y naglalayon na makatulong sa bawat bata sa pagkilala sa kanyang sarili, at maunawaan ang kanyang tungkulin na dapat gampanan sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at higit sa lahat, sa lipunang kanyang kinabibilangan.

Hanggang noong Taong 2003, hindi hinahayaan ng lokal na pamahalaan ng Aichi Prefecture na makapasok sa karaniwang paaralan ang mga anak ng mga “bilog” kaya’t maraming mga anak ng Pinoy ang hindi nakakapasok sa paaralan kahit na sila ay nasa edad na dapat mag-aral. Makikita mo sila sa mga parke na malapit sa kanilang tinitirhan kahit sa karaniwang araw, habang ang mga tulad nilang bata ay nag-aaral at naglalaro sa kani-kanilang paaralan. Ang kanilang nalalaman ay kaalaman mula sa telebisyon na hindi angkop sa kanilang murang pag-iisip at mga bagay na naririnig mula sa mga matatanda. Hindi balanse ang kanilang natutunan sa kapaligirang kanilang kinalakihan. Marami sa kanila ang hindi nakakabasa at nakakapagsulat batay sa kanilang edad. Sa kabilang banda naman, may mga nalalaman sila na hindi karaniwang alam ng mga kasing-edad, at tanging matatanda lamang ang maaaring makaunawa, tulad ng bisa, dohan, at iba pa.

Naging kapuna-puna ang mga batang ito sa mata ng mga lider ng Filipino community at nakipag-ugnayan sa mga magulang nila upang malaman ang kanilang kalagayan. Nabuo ang kaisahan na magtayo ng maliit na paaralan para sa mga batang tulad nila, at inilapit sa mga simbahan upang makalikom ng suporta. Tinanggap ito at itinayo ng Anglican Church of Japan – Chubu Diocese ang Ecumenical Learning Center for Children (ELCC), ang paaralan para sa mga batang Pinoy na hindi nabibigyan ng pagkakataong makapasok sa mga paaralan dito sa Nagoya. Layunin nito na mabigyan ng batayang edukasyon, malinang ang wika at kulturang Pilipino, upang maihanda sila sa panahon ng pagbabalik sa ating bansa. Ito rin ang nagsilbing lugar na masasabi nilang kanila at hindi nag-aalala na masita ng sinumang awtoridad at makakilala ng bagong kaibigan upang mapaunlad ang kanyang sariling kakayahan at malinang ang tinatawag na kolektibong pagkilos.

Mula ng Taong 1998, ang ELCC ang naging kanlungan ng mga batang Pilipino na pinagkaitan ng kanilang karapatan sa edukasyon. Sa kabila ng kalagayang hirap ng bawat pamilya at limitadong pondo ng paaralan, natugunan nito ang mga pangangailangan ng mga bata hinggil sa edukasyon, at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ang mga batang umuwi sa Pilipinas ay maayos na nakaugnay sa mga paaralan at marami sa kanila ang nangunguna sa iba’t-ibang larangan. Para sa mga nanatili dito, matagumpay silang nakapagtapos, may mga nasa kolehiyo na at ang iba naman ay may asawa’t anak na din.

Ang mga itinuturo sa ELCC ay, Nihongo, Filipino, English, Mathematics, Science, Philippine & Japanese Social Studies, MAPE, at Religion. Ang kurikulum ng Nihongo ay nakabatay sa mga aklat-aralin na itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon ng Japan, at ang Filipino, English at iba pa, ay nakabatay sa minimum na pamantayan ng Kagawaran ng Edukasyon ng ating bansa. Ang mga asignaturang ito ay naglalayong magamit ng mga bata kung saan man sila dalhin ng kanilang kapalaran sa mga darating na panahon.

Hindi lamang edukasyon ang tinutugunan ng ELCC. Layunin din niyang matugunan ang suliranin ng kanilang pamilya upang makapamuhay ng maayos at mapayapa. Naging kasangkapan ito upang legal na makapanirahan ang mga bata at kanyang pamilya dito sa Japan kahit walang anumang kaugnayan sa Hapon. Dahil sa tulong ng indibidwal at grupo, at determinasyon ng bawat pamilya, halos lahat ng pamilyang naghain ng apila sa immigration ay nabigyan ng kaukulang visa.

Sa kasalukuyan, relatibong malaki ang ibinaba ng bilang ng mga “bilog,” marahil ang iba ay dahil sa nagkaroon na ng visa o umuwi na ng Pilipinas. Sa kabila ng may kaluwagan na makapasok sa karaniwang eskwelahan, hindi pa rin nagbabago ang papel ng ELCC para sa mga batang Pilipino na nani-nirahan dito sa Japan.

Bata at Kabataang “Newcomer”

Kapuna-puna na lumalaki ang populasyon ng mga batang Pilipino dito sa Japan, o ang tinatawag na “newcomer”. Mga Japanese-Filipino Children o JFC, Hapon ang nasyonalidad na lumaki sa ating bansa. Mga batang anak ng mga Filipina sa kanilang unang relasyon at isinama dito upang makasamang manirahan ng kanilang magulang. At anak nang kapwa Pilipino at ng mga nikeijin (descendants). Bagamat iba’t-iba ang kanilang kalagayan, mayroon silang natata-nging komon na usapin, kung paano makakaagapay sa kapaligirang kakaiba sa salita at kulturang nakalakihan. Ang mga bata din ay kailangang mag-migrate mula sa ating bansa, kasabay ng kanilang mga magulang.

Sa kasalukuyan, ang mga mag-aaral ng ELCC ay pawang may visa. Bagamat maaari na silang pumasok sa karaniwang paaralan, minabuting ipasok sa ELCC upang dito matuto at masanay magsalita ng Nihongo bilang pagha-handa sa pagpasok nila sa eskuwelahan, at upang hindi mabigla sa sistema ng paaralan dito sa Japan. Layunin din nating mapanatili ang lengguwahe ng kanyang magulang, at ng Wikang Ingles. May pagkakataon din na kahit may visa o Hapon ang bata, kailangan niyang bumalik ng Pilipinas, kaya’t mahalaga na mapanatili ng mga bata ang ating lengguwahe.

Ano naman ang magiging epekto ng binagong batas ng imigrasyon sa mga bata?

Kahit pinayagang makapasok ang mga anak ng “bilog” sa mga karaniwang paa-ralan, hindi na ito mangyayari kapag ipinatupad ang batas na ito. Wala na silang maipapakitang pagpapatunay kung saan sila residente dahil hindi na sila maaaring makakuha ng alien card at ayon sa bagong batas, ang residence card (kapalit ng alien card) ay kailangang kunin mismo sa immigration. At isinasaad din sa batas na ito, na maaari lamang silang mabigyan ng serbisyo sa lugar na kung saan sila nakarehistro, kung sakaling sila ay mayroong residence card.

Dahil dito, maaaring bumalik na naman sa tulad ng dati, na maraming bata na naman ang mapagkakaitan ng edukasyon. Bakit kinakailangang maapektuhan ang mga batang walang kinalaman sa gawa ng matatanda? Kailangang pag-aralan ng mga kinauukulan kung paano matutugunan ang pangangailangan ng mga bata, ang makapamuhay ng maayos at mapayapang kapaligiran.

No comments:

Post a Comment