Thursday, November 15, 2012

Renaliza Rogers

SA  TABI   LANG   PO
Ni Renaliza Rogers












Dodong

Naninibago ako ngayon sa buhay ko. Iba na kasi pag nagtatrabaho na. Marami na rin akong napasukang “odd jobs”—part-time dito, part-time doon. Naranasan ko nang mag sulat, mag proseso ng mga pasaporte, mag babysit, mag tinda ng turon sa Philippine Day, maging teacher’s assistant (tagalinis), assistant ni mama (tagalinis pa rin), delivery girl ng calling card ni mama sa mga omise, etc. Okay naman ang bayaran, pwera na lang pag ang aking ina ang may ipinapagawa dahil understood nang libre ito at katakutakot na mura lang ang aabutin ko pag ako’y naningil.

Noon, kay daling gumasta at mag waldas ng pera. Makakuha lang ako ng ichiman sa isang araw, diretso na sa Shibuya upang mag shopping kahit sermon nanaman ang aabutin sa bahay pagdating na maraming bitbit.

Noong estudyante pa ako, kay sarap ding gumasta! May baon kasi eh at may baon pa rin kinabukasan. Ngayon na nagtatrabaho na ako ng walong oras araw-araw sa kakarampot na sweldo, kinukunsensiya na akong mamili. Nanghihinayang na ako sa isang daang piso kasi pinaghihirapan ko na ang aking igagasta at wala na akong inaasahang baon.

Ang hirap…napakahirap. Kung sa bagay, okay na nga rin ito dahil ang pera ko ay akin lamang, hindi tulad ni Dodong.

Si Dodong ay 20-taon gulang. Mula nung tumungtong siya sa kolehiyo ay hindi na siya umasa sa kanyang pamilya upang makapag-aral. Varsity kasi siya eh at kapag varsity ka, iskolar ka at libre ang tuition. Oo, maraming scholars tulad ni Dodong, ang pinagkaiba lang ay ang iba’y pinapadalhan pa ng mga magulang ng kaunting pera. Si Dodong naman, hindi.

Kahit papaano, magaling namang atleta si Dodong kaya’t siya’y nakakatanggap ng at least dalawang-libo kada buwan bilang allowance galing sa eskwelahan. Maliban doon, may natatanggap din siyang pera sa bawat larong maipanalo nila kaya’t okay na rin sa isang estudyante. Pero sa sitwasyon ni Dodong, kalahati nito (minsan pa nga’y buo) ipapadala niya sa kanyang ina at anim na kapatid sa probinsiya. Baliktad ang sistema ng pagiging estudyante ni Dodong. Imbes na siya ang padalhan ay siya pa ang nagpapadala.

Hindi ko pa nga mapagkasya sa aking sarili ang buong sweldo ko sa isang buwan. Hindi ko lubos maisip kung paano niya nagagawang minsa’y maglakad ng walang ni isang kusing sa bulsa dahil naipadala niya ang buong perang meron siya sa kanila.

Tulad ng maraming estudyante, si Dodong noon ay medyo makasarili din naman. At tulad ng karamihan sa mga binatang lalaki (lalo pa’t isang atletang futbolista), masyadong babaero. Inom at pambababae lang ang alam; wala nang inalala, walang pakialam. Ngunit nang namatay ang kanyang ama, biglang nagbago si Dodong at ang buong mundo niya.

Hindi naman siya ang panganay at mayroon pa siyang mga ate’t kuya ngunit pawang may kanya-kanyang pamilya na rin at nasa ibang lugar. Parang inako na ni Dodong ang responsibilidad ng kanyang yumaong ama, at kahit kakaunti ang perang natatanggap ay pilit niyang ipinapadala sa kanila. Ang masaklap pa ay bago namatay ang kanyang ama, ipinasira nito ang kanilang dalawang palapag na lumang bahay upang kanya sanang ipapaayos ng bago. Ngunit, sadya nga namang mapang tukso ang tadhana, bigla itong na-ospital at namatay. Kaya’t nagti-tiyaga ngayon ang ina at anim na kapatid ni Dodong sa isang maliit na pinagtagpi-tagping tahanan.

Si Dodong ay isang mabuting tao. Marami pa siyang pangarap at unti-unti niya itong tinutupad, hindi nga lang normal ang pagkakasunod-sunod ng mga ito. Una, ay maipaayos ang nabasag nilang inidoro. Pangalawa, magka-ilaw ulit sa bahay nila. Pangatlo, mabigyan ng puhunan ang ina niya para makapaghanap-buhay. Pang-apat, maipaayos ang bahay nila, kahit man lang daw kawayan ay okay na. Panglima, makauwi sa kanilang may pera para makapag-spaghetti man lang. Pang-anim, kumbinsihin ang kanyang mga nakatatandang kapatid na umuwi sa Pasko. Pampito, maging mas magaling na atleta at baka sumikat. Pangwalo, makapagtapos ng Criminology at maging pulis. Pang-siyam (kung hindi man matupad ang pangwalo) makapag-abroad. Pang-sampu, lalong gumanda ang katawan.

Maraming tulad ni Dodong, ang iba nga’y mas higit pa ang pinagdadaanan. Gustuhin man ni Dodong na uminom ng gatas araw-araw ay hindi niya magawa dahil baka hindi nga nakakainom ng gatas ang kanyang mga maliliit na kapatid. Ang mga katulad niya ang kahanga-hanga. At ako? Wala lang, eto painom-inom lang ng gatas, masyado kasi akong makasarili.

No comments:

Post a Comment