Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
Sa bawa’t punta ko sa One World Festival, may dala akong pauwi. Minsan brown sugar, tapos all-purpose bag na yari sa orange juice pack, at itong huli ay rubbing oil na may lemon grass at virgin coconut oil. Iisa ang dahilan ko kung bakit ako bumibili ng mga ito: lahat sila ay galing sa Pilipinas. At ang mga gumawa ng mga ito ay yung mga masasabing mahirap sa atin.
Hindi sila ginawa ng isang commercial company o isang karaniwang negosyante. Kadalasan ay gawa iyon ng mga grupo ng mga mahihirap o ng isang non-governmental organization (NGO) na tumutulong sa mga mahihirap na communities sa Pilipinas.
Nakakatuwa na makita silang itinitinda ng mga Hapon sa One World Festival. At malamang, mga Hapon din ang bumibili sa kanila.
Ang One World Festival ay taunang palengke ng mga grupong may kinalaman sa “international cooperation” sa Kansai region. Ang mga nagtatayo ng mga booths sa festival na ito ay binubuo ng mga institution tulad ng mga United Nations agencies, JICA-affiliated organizations, Asian Development Bank, mga university centers at mga tinatawag sa Japan na NPOs (non-profit organizations) na katumbas sa atin ng NGOs.
Ang international cooperation event na ito ay may display ng mga produkto ng mga institusyon – libro, brochures, DVDs, posters at mga bagay na mabibili na galing sa napakaraming bansa sa mundo. Layunin nila na ipakilala ang kanilang institusyon sa mga tao.
Meron ding mga pagkain ng iba’t-ibang bansa kasama na ang ating pansit at inihaw na manok.
Tulong Sa Mga Pilipino
Maraming NPO sa Japan ang may programa ng pagtulong sa mga mahihirap sa Pilipinas. Sila ay yung mga nagtitinda ng brown sugar, bag at langis na panghilot.
Sila ay tumutulong na magkaroon ng hanap-buhay ang mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo para sa maliit na negosyo, pagpapagawa ng mga bagay na maibebenta, at pagbibigay ng suporta sa training sa gawaing panghanap-buhay (tulad ng pananahi). Ang ilan sa mga Japanese NPO na ito ang humahanap ng mapagbebentahan ng mga produktong gawa ng mga komunidad na kanilang tinutulungan.
Ang isa sa matagal nang proyekto na tulad nito ay ang pagbebenta ng balangon (isang saging na mula sa isla ng Negros). Sa imbes na cavendish ang itinatanim (na isang dayuhang variety ng saging ng mga malalaking banana plantations sa Min-danao), yung native na saging sa Negros ang itinatanim at ini-export sa Japan. Dahil ito ay hindi tulad ng plantation banana (o yung kilalang firipin banana), may kamahalan ito at sa Japanese cooperative store lang ito halos mabibili.
Itong mga ito ang mga income-generating projects ng mga Japanese NPOs na tumutulong sa mga mahihirap na komunidad sa Pilipinas.
Ibang Uri Ng Tulong
Marami ding NPO ang nabibigay na tulong sa ibang paraan. Meron silang tulong sa tao mismo. Tumutulong sila sa mga Pilipinong nagkaproblema sa Japan at kaya umuuwi na sa Pilipinas. May naghahatid sa Pilipinas ng mga Pilipinong may problema sa Japan.
Meron ding tumutulong sa mga dating nasa Japan na may anak sa asawa o kinasamang Hapon. Karamihan sa kanila ay mga Pilipina na naiwan sa Pilipinas o umuwi na sa Pilipinas at may anak. Ang Japanese NPO na ito ang tumutulong na paghahanap sa asawa o magulang na Hapon upang makatulong man lang sa asawa o anak na nasa Pilipinas. Merong tumutulong upang mai-register sa Japanese government ang kanilang status bilang anak ng Hapon at kaya magamit ang karapatang naaayon sa batas ng Japan.
May mga NPO na ang misyon ay makapagbigay ng edukasyon sa mga batang Pilipino kaya may mga donasyon silang libro at mga gamit sa eskwelahan o kaya man ay pera para makapagpatuloy ng pag-aaral sa high school o sa kolehiyo.
Meron ding NPO na nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyanteng Hapon na makilala ang mundo sa pamamagitan ng study tour sa Pilipinas. Bumibisita ang mga estudyanteng Hapon sa iba’t-ibang lugar upang maranasan ang kakaibang buhay sa Pilipinas. May mga pumupunta sa mga probinsiya at bumibisita sa mga NGO na tumutulong sa mga mahihirap.
Ang maranasan ang hirap ng buhay ay isang malaking leksyon na maaaring maging dahilan sa pagpili nila ng kanilang propesyon o misyon sa darating na panahon.
Study Tour
Noong dekada ng 1980s, may mga dayuhang bumibisita sa Pilipinas para sa mga gawaing may kinalaman sa mga social issues. At ang isang paboritong pinupuntahan bilang exposure trip ay ang Smokey Mountain sa Tondo sa Maynila. Naging simbolo ng kahirapan sa Pilipinas ang Smokey Mountain kaya’t hindi maaaring hindi ito puntahan ng mga dayuhang ito. Maaaring sa panahong iyon, may mga Hapon din na sumama sa mga exposure trips sa Smokey Mountain.
Hindi ito naiiba sa sitwasyon sa Bangkok nung mga panahon ding yon. Ang kadalasang hinihingi ng mga dayuhang ito ay ang makabisita sa Patpong – ang halos ay katulad ng dating Ermita sa Maynila. Exposure trip din ang dahilan. Exposure sa adult entertainment business ng Bangkok – pagsilip sa mga bar na may mga nagsasayaw na babae at may mga customers na mga dayuhan – ang ibig sabihin.
Nguni’t hindi lahat ay sang-ayon sa ganitong exposure trip. May mga nagrereklamo na gusto lang makita ng mga dayuhang ito ang hindi maganda sa lugar.
Sa ngayon may mga exposure trip pa rin sa Pilipinas na dinadaluhan ng mga Hapon. Nguni’t hindi na sila pumupunta sa Smokey Mountain, kundi sa Payatas na sa Quezon City dahil naroon na ang bagong Smokey Mountain.
Poverty Tourism
Ang sikat na sikat na Hollywood movie, Slumdog Millionnaire, ay tungkol sa istorya sa isang slum area sa Mumbai City sa India. Doon ipinakita ang buhay ng mga tao sa slum na yon at yung pagkakataon na maging milyonaryo dahil sa isang laro sa TV. Dahil sa totoong mga taga-slum area ang ilan sa gumanap sa pelikula, nagbigay ng tulong ang producer at director ng Slumdog Millionaire upang mapabuti ng buhay ng mga batang aktor at aktres.
Nguni’t may pumuna sa pelikula bilang isang halimbawa ng poverty tourism.
Hindi sila natutuwa na ang ipinakikita ng pelikula ay ang hindi magandang bahagi ng lipunan sa India. Sinasabi nilang gustong pagkakakitaan ang kahirapan sa pamamagitan ng poverty tourism – o pagtingin sa kahirapan ng tao.
Ganito rin ang puna sa bagong pelikulang Bourne Legacy na may kuha sa ilang lugar sa Maynila. Bakit daw ang pangit na bahagi ng syudad ang siyang ipinakikita sa pelikula.
Malaki ang impluwensiya ng pelikula sa mga manonood. Nung sumikat ang Winter Sonata sa Japan, maraming bumibisita sa mga lugar sa Korea na kinunan ng scenes ng television series na ito.
Dahil na rin sa pelikula may mga lugar na natutunan ko. Yung pelikulang gawa nung mga early 1990s ng mga Pilipino at Hapon, Emergency Call, na kuha sa Tondo ay isang halimbawa. Doon ipinakita ang buong Smokey Mountain sa pamamagitan ng isang shot mula sa itaas – siguro mula sa helicopter. Kitang-kita ang isang bundok na gawa sa basura na siyang bumuhay sa napakaraming tao sa mahabang panahon.
Sa pananaw ng isa pang pelikula, Aliwan Paradise, kung gusto pala ng mga tao na makita ang kahirapan eh di gawin na nating negosyo. May isang scene sa pelikula na masayang ibinukas ang isang lugar upang makita ang kahirapan. Ito ay pelikula ni Mike de Leon, kilalang director ng mga pelikulang may mensahe tungkol sa kalagayan ng lipunan.
Isang Kaisipan
Mahirap itago ang mga bagay sa Pilipinas na hindi maganda sa paningin nating mga Pilipino at ng mga dayuhang bumibisita doon. Sa isang banda, ito ang dahilan kaya nagsumikap ang mga Japanese NPO na gumawa ng social at economic services project para sa mga mahihirap sa Pilipinas. Sa kabilang banda, gusto rin naman nating ang magandang bahagi ng ating bansa (hindi lang Boracay at Palawan) ang makilala.
Maaaring sabihing tiis muna tayo sa ganitong kalagayan hangga’t hindi pa natin nai-aangat ang antas ng kabuhayan ng mga taong mahihirap sa ating bansang mahal.
No comments:
Post a Comment