Thursday, November 15, 2012

Loleng Ramos

KAPATIRAN
by Loleng Ramos

Ang Pasko Ng Aking Kabataan

 Maligayang Pasko kapatid!  Kumusta ang pasko mo?  Nakakalungkot dito sa Japan ano?  Nasa cake at fried chicken lang, konting palamuti, meron ding illuminations o pagde- dekorasyon ng magagarbong ilaw pero ang tema ay nakatuon sa kapanahunan ng taglamig o winter. Naalala ko dati noon sa Makati, parang panaginip ang illumination ng Ayala Avenue. Napakaganda at tunay na nagpapahiwatig ng diwa ng Pasko ang mga higanteng Belen at Parol ng mga naglalakihang gusali. Para sa iyo, ano ba ang pasko? Ano ang tunay na diwa nito?

Noong bata pa ako, ang pasko ay paghihintay ng maraming bagay. Una, sa pagpatak ng ika-unang araw ng buwan na may ‘ber’,  maririnig ko na naman muli ang mga Christmas carols na sa kung anong kadahilanan ay nakakasaya.  Ilalabas na din ng mga department stores ang sari-saring palamuti. Hindi ako makapag-hintay noon sa pagkabit ng Christmas tree  pero sabi ni nanay, “Maka-Todos los Santos na lang, igalang lang muna natin ang araw ng mga patay.” Ang tagal pa noon, dalawang buwan pa, pero payag na din ako kase noong nabubuhay pa daw si lola, ang pagkabit ng Christmas tree ay sa unang araw pa ng Simbang gabi at dahil mura pa ang mga bilihin noong araw, ang puno na ginagamit ay malalaki at hindi plastik, evergreen na puno na may mabango at malinis na amoy. Sa totoo lang, noong mga limang taon pa lang ako, ang akala kong nakabalot sa bodega ay ang patay kong lola, iyon pala ay ang huling tunay na Christmas tree namin na hindi magawang basta itapon na lang ni nanay dahil sa panghihinayang kahit na sabihin pang tuyot na. Naku! kaya nga plastik na lang ang gamitin natin, hindi kailangang itapon taun-taon, itatago lang at ilalabas muli.

Sa pagdating naman ng Disyembre, ang paanan ng Christmas tree ay mapupuno na ng mga aginaldo. Palagi kong pinagtatangkaang silipin ang para sa akin at hindi lang ako isang beses napagalitan pero talagang hindi ko mapigilan na isang beses ay binuksan ko ito, pingot ang inabot ko at ingay ng sermon ni nanay.  Si tatay man ay nagalit (na minsan lang mangyari) at doon ko napagtanto ang pagkakamali ko. Sa araw din mismo ng paskong iyon, wala akong nabuksang regalo at isa iyon sa mga eksena na aking kabataan na nagpakilala sa akin ng halaga ng pakikinig sa magulang at ng paghihintay.

Sa pagsapit ng ika-labing anim ng Disyembre, umpisa na ng “Misa de Gallo”.  Ang unang araw ng nobenang misang ito (siyam na mada-ling-araw) ay pinag-hahandaan namin sa pamamagitan ng pagtulog ng maaga. Kinabukasan, kung hindi si nanay, ang banda ng musika na umiikot sa bayan ang siyang gigising sa amin para pumunta na sa simbahan. Hindi pa rin ako noon makapag-hintay sa pagtatapos ng misa, “Siguro mahaba na ang pila sa bibingkahan at puto-bumbong.”  Sa sobra ngang haba isang araw ay late ako nakapasok sa eskwelahan, pingot ulit!  Pero ang sarap naman ng bibingka saka puto-bumbong!

Pati sa eskwela, puno pa rin ng pag-hihintay, sino kaya ang nakabunot sa akin sa “kris kringle,” paano ko kaya mai-kukubli sa baby monito ko na ako ang “mommy monito” niya?  Nagawa ko noon sumulat sa kaliwang kamay at ilakip sa regalong dapat ibigay sa bawat araw bago ang Christmas party pero hindi ko akalain na kahit kanan o kaliwete ka pala, kung isa kang kanang-kamay maganda lang ang sulat mo sa kanan, pero ang sulat mo sa kaliwa ay pareho pa rin ang anyo, ang ibig sabihin, buking pa din ako! 

Sa aking pagkain ng Christmas cake dito sa Japan, ala-ala ng masayang Noche Buena ang nasa sa isip ko.  Noon, sa bisperas ng pasko, sopas lang ang hapunan kasi sa ala-una pa ang tunay na tsibugan.  Sabi ni tatay, tulog muna kami at gising na lang ng alas-onse para makagayak para sa “Midnight Mass.” Sa pag-uwi mula sa simbahan, doon pa lang ang pagkain ng pinaka-masasarap na putahe ni nanay na sa tuwing Noche Buena at Media Noche (ang hapunan ng Bagong Taon) ko lang natitikman. Sa pagtatapos ng hapunan na iyon ay ang bukasan ng mga Christmas presents. Hindi regalo ang natatangi sa napaka-espesyel na araw na ito ng Pasko kundi ang pamilya. Sa pag-abot ng regalo ay ang pagyakap sa anak ng magulang at ang paghalik ng anak kasabay ang pasasalamat sa magulang.

Ang Christmas Eve yata ang pinaka-maiksing tulog ng mga bata sa Pilipinas dahil sa kinabukasan, maaga pa lang ay pipila na sa bahay ng mga ninong at ninang. Sa ngayon nga daw, pati ang bahay ng hindi kakilalang kapitbahay ay napipilahan na rin. Kung kakilala mo ang isang batang namamasko, marami pa ring kasama ang batang ito na ibang bata na hindi mo kakilala na namamasko din.  Kaya pala, marami na ngayong nagtatago este nawawalang matatanda kapag Pasko. Bahagi lamang talaga ng pagiging isang Pinoy ang komedya sa tunay na buhay.

Napakaganda ng selebrasyon ng Pasko sa Pilipinas ano kapatid?  Napakalalim. Ang lahat ng kasiyahan ng Pasko, ang bawat parte na ating pagdiriwang ng Kapaskuhan ay ang mismong diwa nito. Sa “Misa de Aguinaldo” ang taluktok ng selebrasyon, sa pagsapit ng alas-dose ng gabi ay ang ika-25th na araw ng Disyembre, maugong at malakas ang palakpakan sa loob ng simbahan at pag-sirena sa buong kabayanan, “Isinilang na ang Sanggol na Diyos!”  Sa katapusan ng misa ay pila ng paghalik sa imahen ng Baby Jesus at ang pagbati sa Kanya ng Maligayang Kaarawan at Pasasalamat sa Kanyang Pagsilang, sa kaligayahan na hatid Niya sa lahat.

Sa mahirap nating bayang Pilipinas, sa tuwing Pasko ay malalasap mo ang tunay na yaman, kasaganahan at kasiyahan. Dito, ang tunay na diwa ng Pasko ay pinagdiriwang. Ilang beses mo na bang narinig ang katagang ito na tila isang biro subalit sa bawat isa ay tunay na nasa, “Sana bawat araw ay Pasko.”

Saan man tayo naroroon, kung ang diwa ay nasa ating puso, ang kasiyahan ng Pasko ay mararamdaman pa din natin, maipag-diriwang pa din natin. Merry Christmas kapatid!

No comments:

Post a Comment