Isang Araw sa Ating Buhay
May-June 2014
Sa aking isinulat para sa March-April 2014 issue ng Jeepney Press, nabanggit ko na walang absolute divorce sa Pilipinas pagkatapos ng giyera (second World War). Ito ay tama kung ang pinag-uusapan ay mga Kristiyanong Pilipino. Hindi ko nabanggit na may absolute divorce para sa mga kapatid nating Muslim.
Civil Code ng Pilipinas
Mula pa nung ipinalabas ang Civil Code ng Pilipinas taong 1949 (Republic Act 386), ang mga kapatid nating Muslim at ibang katutubong kababayan ay maaaring magpakasal nang naaayon sa kanilang “customs, rites and practices.” Dahil dito, kinikilala ang divorce ng mga kapatid nating Muslim sapagkat bahagi ito ng kanilang kostumbre o kaugalian. Ito ay pagkilala sa Islamic tradition ng divorce na sinusunod ng mga kapatid nating Muslim.
Maaari itong mangyari sa ilalim ng Civil Code ng Pilipinas hanggang 1979. Nguni’t nung 4 February 1977, ipinalabas ng Pangulo Ferdinand E. Marcos ang Presidential Decree number 1083 (PD 1083) o ang Code of Muslim Personal Laws. Kaya’t mula 1977, ang Code of Muslim Personal Laws ang naging batas para sa mga kapatid nating Muslim tungkol sa kasal at mga bagay sa pamilya.
Divorce ayon sa Muslim Personal Laws
Dapat ay parehong Muslim o ang lalaki ay Muslim para maikasal at makapagdivorce sa ilalim ng PD 1083.
Maaaring magawa ang divorce ayon sa batas na ito sa 7 paraan:
(1) Pagtakwil ng asawang lalaki sa asawang babae (talaq);
(2) Panata ng asawang lalaki na hindi na siya makikipagtalik (ila);
(3) Injurious assimilation (zihar);
(4) Pag-aakusa sa asawang babae ng pakikiapid o pagtataksil (li'an);
(5) Pagbabalik ng asawang babae ng ari-ariang natanggap o pagbabayad para sa kanyang paglaya sa pagkakakasal (khul');
(6) Paggamit ng asawang babae ng ibinigay na karapatan na gamitin ang talaq (tafwid); o
(7) Utos ng korte (faskh).
Ang talaq ay ang pagsasabi ng lalaki na dini-divorce na niya ang asawa. Nguni’t ito ay dapat ginagawa sa panahong walang regla (menstruation) ang asawang babae at hindi sila nagtatalik. Sa tamang paggamit ng talaq, divorce na talaga ang resulta at puwede na silang pareho na mag-asawa muli.
Nguni’t kung sa loob ng 3 buwan mula sa pagsasabi ng talaq, sila ay nagsama muli, mawawala kaagad ang bisa ng divorce. Walang kailangang gawin, balik kaagad sa dati – kasal silang muli.
Maaaring ibigay ng asawang lalaki sa asawang babae ang karapatang gamitin ang talaq sa simula pa lamang ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Ang paggamit sa karapatang ito ng asawang babae ay tinatawag na tafwid, o ang paggamit ng talaq ng asawang babae.
Sa faskh, ang asawang babae ang magpepetisyon sa Shariah Circuit Court ng divorce. Kailangang ang dahilan ay alinman sa mga ito:
a. Pagpapabaya ng asawang lalaki sa pagsuporta sa kanyang pamilya nang sunod-sunod na 6 na buwan;
b. Pagkakahatol ng isang taon o mahigit pa ng pagkabilanggo sa asawang lalaki;
c. Hindi pagtupad sa loob ng 6 na buwan ng kanyang marital obligation ayon sa batas;
d. Kawalan ng kakayahang makipagtalik ng asawang lalaki;
e. Pagkasira ng ulo o pagkakaroon ng hindi malulunasang sakit na ang pagpapatuloy ng relasyon bilang mag-asawa ay makakasira lamang sa pamilya;
f. Sobrang pang-aapi (cruelty) ng asawang lalaki;
g. Iba pang dahilan na kinikilala ng batas.
Ang mga Shariah Circuit Courts ay nasa mga lalawigan ng Sulu, Tawi-tawi, Basilan, Lanao del Norte, Maguindanao, Sultan Kudarat at North Cotabato. Kung ang mag-asawa ay nakatira sa ibang probinsiya, pupunta pa sila sa alinman sa mga probinsiyang ito dahil walang Shariah Circuit Courts sa ibang probinsiya sa ngayon.
Faskh Tulad ng Divorce sa Ibang Bansa
Ang mga dahilan na kailangan sa faskh ay katulad ng mga dahilan sa pagdi-divorce sa ibang bansa. Dito sa Japan, maaaring mag-utos ng divorce ang korte kung alinman sa mag-asawa ay nagtaksil, pag-alis ng bahay para pahirapan ang asawa, hindi malaman kung patay o buhay pa sa loob ng 3 taon o mahigit pa ang isang asawa, seryosong pagkasira ng ulo na hindi na magagamot, at seryosong dahilan upang ang pagiging mag-asawa ay hindi na maipagpapatuloy. Ang huling dahilang ito ay maaaring pambugbog (domestic violence o DV), pagmamalupit at iba pang hindi tamang gawain ng isang asawa.
Dapat nating isipin na ang iba’t-ibang paraan ng pagdi-divorce ng mga kapatid nating Muslim ay hango sa lumang batas ng mga Muslim na ayon naman sa Qur’an.
Nguni’t maging Muslim man o hindi, ang divorce ay dapat pag-isipan nang maayos, lalo na kung may mga anak na maapektuhan.
No comments:
Post a Comment