Saturday, May 17, 2014

Karen Sanchez

ARUBAITO


May - June 2014

Ang arubaito, paato o part-time ay usong-uso dito sa Japan maging ikaw ay Hapon o dayuhan man. Ito ang tawag sa mga tulad nating mga nagtatrabaho ng iilang oras lamang sa loob ng isang araw sa loob ng isang linggo. Gaya rin sa ibang bansa mabibi-lang sa mga banyaga ang may regular, full-time o kaishain, dahil hindi biro ang makahanap ng isang kumpanyang tatanggap sa iyo at hindi rin sila basta-basta tumatanggap para maging regular na empleyado dahil na rin sa napakara-ming benipisyong babayaran ng kumpanya at napakalaki ng diperensiya sa employment rate o sweldo kumpara sa mga nagpa-part-time lamang. Ang karamihan sa mga part-timers ay kina-kailangang huwag lalagpas ng 1.5 milyong yen ang masusuweldo sa loob ng isang taon lalo na sa mga may asawang nagtatrabaho din. Ito ay upang maiwasan na rin ang pagbayad ng napakalaking tax.

Sa ganitong estado ng mga manggagawa, maging ang mga Hapon ay hindi na tinitingnan ang lebel ng pinag-aralan. Kahit hindi marunong mag Nihonggo, magsulat o magbasa ay tinatanggap nila. Sa katunayan, may isang opisinang puntahan ng mga tao lalung-lalo na ang mga dayuhan upang maka-hanap ng trabaho. Ito ay ang Hello Work, sa kahit saang lugar dito sa Japan, maging ang matatanda, mga taong espesyal o may kaunting deperensiya sa isip hanggang kaya magtrabaho ay binibigyan nila ng trabaho. Dito ay nakatala ang mga iba’t-ibang kumpanyang pwedeng tumanggap sa mga naghahanap ng trabaho. Sila na rin ang nagha-hanap ng mga kumpanya o klase ng trabahong pwede mong pasukan. Dahil na rin sa maayos na sistema, napakabilis malalaman kung ikaw ba ay tanggap o hindi. At gamit ang makabagong pamamaraan ng kompyuter at internet.  Maaring makahanap ng ibang maa-aplayan kapag duda ka sa una mong napagtanungan.  At karamihan ay mga kamay o lakas ng katawan ang ginagamit sa pagtatrabaho. Kailangan mo lang dito ay sipag at tiyaga.

Maraming kilala at malalaking kumpanya sa mundo ang nanga-ngailangan ng kagaya natin lalo na dito sa Japan. Mga pabrika ng sasakyan, appliances, gadgets, ospital, eskwelahan, department stores, restaurants o maging maliliit na tindahan ay gustung-gustong tumanggap ng mga dayuhang manggagawa lalo na ang mga Pinoy sapagkat subok na nila ang mga pinoy sa tapat, tatag, masipag at mapagkawang-gawa. Marami na rin ang gaya nating kinilala o ginawaran ng mga titulo bilang huwarang empleyado maging sa maliliit o malalaking kumpanya dito sa Japan. At sa katunayan, isa ang kumpanyang pinapasukan ko na gustung-gustong magtayo ng isa pang branch na puro Pilipino ang mga empleyado at kasaluku-yang pinag-aaralan nila ang mga proseso o legalidad kung papaano ito mangyayari.

Katulad ng ibang maunlad, busy o abalang mga bansa, ang mga tao sa Japan ay laging abala. Minsan masakit marinig, sabihin tayo ay part-time mother, father or lover pero yun ang katotoha-nan. At kaya naman natin hindi nabibigyan ng sapat na oras ang ating asawa, anak o pamilya dahil may mga bagay na kinakailangan tayong unahin at kinailangan magtulungan ng ating mga magulang para maitaguyod ang ating mga pamilya, upang makapag-aral ang mga anak at mabili o maibigay ang pangangailangan ng bawat isa. Kumpara sa atin sa Pilipinas, karamihan dito sa Japan mas maigsi ang oras ng mga nanay sa pag-aalaga ng kanilang mga anak at siyempre ganun din sa asawa. Kapag pwede na nilang iwanan sa hoikuen o Japanese Public Daycare na paalagaan ng mga batang gustong magtrabaho ang kanilang mga ina. At isa sa prayoridad ng hoikuen ang mga single parents o hiwalay sa asawa at ang pamil-yang may hindi sapat ang kinikita o sinisuweldo.

Nasa sa ating mga kamay nakasalalay ang ating magiging buhay. Lagi nating isiping ang buhay dito sa mundo ay parang part-time o pansamantala lamang. Ngunit ang kabutihang nagawa mo sa trabaho, pamilya o kapwa ay mananatili sa mundo at kahit lumipas man ang mga panahon, darating ang araw na maaalala at maaalala pa rin ng mga tao. Kung papaanong mapapasalin- salin, ang mahalaga ay kung paano mo isinabuhay ang buhay mo dito sa mundo.

Nakakatuwang isipin na halos lahat dito sa Japan ay tinatawag nilang “paato” o part-timer o arubaito. Ngunit makikita nating lahat ang resulta ng ating pinaghihirapan. Halos lahat sa atin dito ay may magaan o mas maalwang buhay. Halos lahat sa atin dito ay nakakatulong sa ating mga pamilyang naiwan sa Pilipinas. Marami din sa atin ang nabibili ang sari-sariling gusto o nasusunod ang hilig sa kinikita sa pag-aarubaito. 

Ating ipagdasal na nawa'y dumating ang araw na matutunang maipatupad sa ating bansa ang ganitong sistema. Sistemang naglalayong makatulong sa lahat ng nangangai-langan at binibigyang prayoridad ang mamamayan. Tinulungang makaahon at maging responsibilidad ang bawat isa. Lahat binibigyang pagkakataong maipakita kung ano ang kakayahan. Nawa'y bawat isa sa ating nandirito ngayon, ay huwag ipagkait ang ating mga natutunang mga paraan, diskarte o leksiyon sa ating mga kababayan upang sa ganun ay matutunan din nila kung papaanong umasenso ang mga Hapon sa simpleng mga pamamaraan. At nawa'y mapag-aralan ng mga nakaupo sa Gobyerno ang pagi-ging tapat sa kanilang panunungkulan. Gaya ng mga Hapon, kapag hinde nila kaya ang kanilang posisyon o responsibilidad, kusang binibitawan ang pwesto.

Muli, mga kababayan  maraming salamat at nawa'y pagpalain tayong lahat ng ating Poong Maykapal.







No comments:

Post a Comment