Saturday, May 17, 2014

Nestor Puno

Pagbubukas ng Japan Para sa mga Dayuhang Manggagawa


May - June 2014


Sa nakaraang pulong ng kabinete ng pamahalaan ng Japan, napag-usapan ang panukala hinggil sa pagpapalawak ng paggamit ng dayuhang manggagawa sa industriya ng konstruksyon.

Ang Japan ay nahaharap sa kakulangan sa mga manggagawa dahil sa usapin ng “aging society.” Sa ilalim ng problemang ito, mahigpit ang pangangailangan ng mga manggagawa sa pagbulusok ng industriya ng konstrukyon sa Tohoku Region dahil sa naganap na sakuna noong 2011, at ang nakatakdang Olympic sa Taong 2020.

Para maresolba ang problemang ito, ang nakikitang isang paraan ay ang paggamit ng mga dayuhang manggagawa, sa pamamagitan ng “trainee system”. Sa kasalukuyan, hanggang tatlong (3) taon lamang ang maksimum na ibinibigay sa isang trainee. Subalit sa bagong panukala, ito ay madadagdagan ng dalawang (2) taon at magiging limang taon ang maksimum na pwedeng ilagi ng isang trainee. Maaari ding magkaroon ng pagkakataong makabalik ang mga trainee na nakabalik na sa Pilipinas. Maaaring maipatupad ang panukalang ito sa 2015 matapos maayos ang paghahanda para dito. 

Tinatantiya na manga-ngailangan ng 150,000 manggagawa para sa pangangailangan sa konstruksyon sa Tohoku at Olympic sa loob ng anim (6) na taon hanggang 2020, at ang 70,000 ay kukuhanin mula sa mga dayuhang manggagawa. Prayoridad pa rin siyempre ang local na manggagawa kaya may programa ang pamahalaan kung paano maipapasok ang mga kabataang Hapon. Subalit dahil nga sa kakulangan ng lakas-paggawa, kailangan nilang magpapasok ng dayuhang manggagawa sa kabila ng maraming tutol sa pagpasok ng mga dayuhan sa bansa.

Ang usapin ngayon ay paano ang mga naging suliranin sa usapin ng “trainee system.” Ang trainee system ay nagsimula dito sa Japan noong 1993 sa layuning maibahagi ang mga kaalaman at teknolohiya sa mga developing countries. Subalit ito ay naging tampulan ng “cheap labor” at sari-saring paglabag sa saligang karapatan at hindi makataong kalagayan ng mga manggagawa. Sa bagong panukala, lalawak ang bilang ng papasok ng manggagawa mula sa iba’t-ibang bansa. Kailangang matukoy at mabigyan ng solusyon ang mga suliraning iniluwal ng trainee system. Kaila-ngang maparusahan ang mga abusadong kompanya at mabigyan ang mga manggagawa ng sapat na proteksyon na itinatakda ng batas paggawa.

Kaugnay pa din ng usapin ng aging society, kailangang mamaksimisa ang local na lakas paggawa, kabilang ang mga kababaihan at matatanda. Bukod tangi ang Japan na isang mayamang bansa subalit bumababa naman ang kanyang populasyon. Upang mapanatili niya ang kalagayang pang-ekonomiya at makasabay sa kompetisyon sa ibang mayayamang bansa sa ngalan ng globalisasyon, kailangan niyang ipagpatuloy ang pagpapaunlad ng kanyang industriya. Kailangan niyang ilagay ang mga kababaihan at matatanda kahit sa mga matataas na posisyon na dating sinasakop ng mga kalalakihan. Kailangang lumikha ng suporta at maayos na kapaligiran upang madaling makapagtrabaho ang mga kababaihan kahit na mayroong pamilya o anak. 

Dahil dito, kasabay ding pinag-aaralan ang paggamit ng mga dayuhang manggagawa sa mga gawaing-bahay o ang tinatawag na “domestic workers.” Minungkahi din ng isang asosasyon ng mga negosyante dito sa Japan ang pagdadagdag at pagluluwag ng mga probisyon sa pagkuha ng mga foreign domestic workers. Ang usapin lamang dito ay paano ang lengguwahe, sahod at karapatan. Kung sa mga bansang tulad ng Hong Kong na mara-ming Filipino domestic workers at Wikang Ingles ang gamit, ay maraming problema, paano pa kaya dito sa Japan na ibang-iba ang wika at kultura?

Kabilang din sa kinokonsidera ng pamahalaan ang pagdadagdag ng mga nurse at caregivers mula sa ibang bansa sa pamamagitan ng Japan’s Economic Partnership Agreement o JEPA. Subalit hindi pa rin napupunan ang target na bilang ng kasunduan na ito dahil sa mataas at mahirap na pamantayan.

Ang mga nabanggit na panukala ay hindi pa pinagtitibay at hindi pa natin alam ang mga alituntunin kung sakaling maipasa. At ang nabalitaan nating no-visa para sa Pilipino na nais bumisita bilang turista dito sa Japan ay panukala pa lamang din at hindi pa aprubado. Abangan natin ang mga balita hinggil dito.

Para naman sa mga kababayan nating naninirahan dito, bagamat ang mga naturang panukala ay pagbubukas ng dayuhang manggagawa mula sa labas ng bansa, maaaring pagkakataon na din ito sa ating lahat, positibo man o negatibo. Kailangan lang po tayong mag-aral at magpakahusay sa Wikang Hapon at baka may naghihntay sa ating trabaho na mas maganda kaysa sa kasalukuyan nating pinapasukan.



No comments:

Post a Comment