Thursday, May 10, 2012

Isang Araw sa Ating Buhay ni Jeff Plantilla

Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla

Dahil sa dumating na ang spring, nagsisimula na naman ang mga activities tulad  ng bazaar at matsuri sa iba’t-ibang lugar. Isang Sabado, pumunta ako sa isang matsuri sa Kyoto-shi. Multi-cultural ang program ng matsuri na ito – may mga tugtog at sayaw mula sa ibang bansa. Isa sa nagbahagi ng kultura ay ang mga Pilipino sa Kyoto-shi – ang mga miyembro ng Kyoto Pag-asa Filipino Community.

Anim na Pilipina, suot ang makulay na tradisyonal na damit Pilipino, ang nagsayaw ng tinikling. Ang tugtug ng tinikling ay mula sa isang video na nagpo-promote ng mga tourist spots sa Pilipinas.

Ipinakilala ng emcee ang tinikling bilang bamboo dance. Mukhang mas kilala ang tinikling sa Japan bilang bamboo dance. Tama naman, at mas mabilis intindihin. Nguni’t hindi naipapaliwanag ang salitang “tinikling” na mula sa pangalan ng ibong “tikling” na kadalasang matatagpuan sa mga palayan. May nagsabi na ang “tinikling” ay nangangahulugan ng paghuli sa tikling – yung kawayan ang bitag o trap at yung paglukso ang pag-iwas ng tikling na mahuli ng bitag.

Hindi rin ako sigurado kung alam ito ng mga Pilipino mismo – lalo na ang mga sumasayaw ng tinikling!

Pagkatapos ng mga sampung minutong pagsayaw, nag-anyaya ang mga sumayaw sa mga nasa audience na subukan ang tinikling. Naunang sumama ang mga bata at sumunod ang mga matatanda. Palaging masaya kapag may audience participation, dahil nalalaman ng mga nanonood na kaya nilang  sumayaw ng tinikling. Alam ko dahil ako ay palaging miron sa tinikling at sumasama lang sa audience participation.


HINDI TAYO NAG-IISA

Parang karamihan sa ating mga presentation ng sayaw Pilipino, tinikling ang nagugustuhan. Sa aking limitadong karanasan sa Japan, kapag nabanggit ang Firipin bunka isa sa mga nasasabi ng mga Hapon ay ang ating bamboo dance.

Dahil sa pagkakakilala sa Philippine bamboo dance, hindi natin masyado naipapakita ang iba pang sayaw. Para na ring tinikling ang ating national dance.

Isang bagay na ating dapat alamin ay hindi tayo nag-iisa sa bamboo dance. Sa isang Google search lang, lalabas na ang impormasyon tungkol sa bamboo dance sa iba’t-ibang bansa sa Asya. May bamboo dance sa northeast India, Bangladesh, south China, Vietnam, Myanmar, Thailand, Malaysia, at Indonesia. Sa YouTube din, napakaraming videos tungkol sa bamboo dance sa iba’t-ibang bansa.

Ang mua sap sa Vietnam, geba-geba sa Moluccas (Indonesia), magunatip sa Sabah, dacai sa Hainan (China), lao kratob mai sa Isaan (Thailand), cheraw sa Mizoram (India) at cheralam sa Bangladesh ay katumbas ng ating tinikling. Ayon sa mga videos sa YouTube, marami sa mga bansang ito ay ipinakilala at sinasayaw ang kanilang tinikling bilang major tourist attraction dahil sa galaw at galing ng pag-iwas sa pag-ipit ng mga kawayan. May audience participation din minsan.

Maaari ring sabihin na mala-king bahagi ang kanilang bersyon ng tinikling sa kani-lang sariling ethnic identities. Kadalasan ay yung mga tinatawag na minority communities ang sumasayaw ng tinikling – mga taga Mizoram ng India, Chakmas ng Bangladesh, Li community ng south China, taga-Sabah at Moluccans ng Indonesia, at yung mga Thai sa northeast Thailand  (Isaan) na may kulturang tulad sa Laos.

Kakaiba tayo sa Pilipinas dahil ang tinikling ay hindi kilalang sayaw sa isang lugar o grupo ng mga Pilipino. Sa imbes, sinasayaw at kinikilala na ang tinikling bilang sayaw ng sinumang Pilipino saan mang lugar sa bansa. Kaya nga parang national dance na natin ang tinikling. Ang singkil lang ang kilalang sayaw ng mga Pilipino sa Muslim Mindanao.

Nguni’t sayaw man ang tinikling ng isang minority group/community o ng buong bansa, ito ay nagiging bahagi ng identity ng mga taong sumasayaw.


IDENTITY

Nakaka-aliw panoorin ang makabagong bersyon ng tinikling lalo na nung mga  kabataang Filipino-Americans. Lumalabas na sa ilang lugar sa America, ang tinikling ang isa sa mga paboritong Philippine dance. Sa mga makabagong bersyon, modern music ang gamit na ginagawan ng magandang bersyon ng tinikling. May mga acrobatics (tulad ng bagong sayaw ng mga kabataan na parang mga sirkero) at mabilis na palitan ng kawayan habang nagsasayaw.

Malamang na sa mga batang Filipino-Americans, ang tinikling (kasama ang modernong bersyon) ay isang magandang halimbawa ng kulturang Pilipino. Mahigit pa rito, ito ay isang pagpapahayag ng kanilang ethnic identity sa loob ng openly multi-cultural coastal cities ng America.

At mukhang ganun din sa mga tao sa ibang bansa sa Asya. May mga estudyanteng Asyano na sumasayaw ng kanilang tinikling sa bansang kanilang pansamantalang tinutuluyan (sa Asya man tulad ng Japan, o sa America at Europe). Ipinakikilala nila ang kanilang tinikling bilang pagpapakilala ng kanilang sariling kultura.

Sa mga taga-Myanmar na naging refugees, ang kanilang tinikling ay sayaw na itinuturo sa kanilang mga anak na malamang ay hindi pa nakakatapak sa sarili nilang bansa.

Sa ibang banda, ang mga taga-Mizoram ng India ay tulad ng mga Pilipino na nagsusubok na makakuha ng world record (kasama ang Guinness Record) sa pinakamaraming taong sumasayaw ng tinikling.

Lumalabas lamang na ang tinikling ay tunay na malaking bahagi ng identity ng mga tao.  Isang bagay na dapat ipinagmamalaki.


KYOTO MATSURI

May isang Pilipino ang nagsabi sa akin noong wala pa ako sa Japan na yung kakilala nilang professionals na bumisita sa Japan para sa professional training ay masaya sa kanilang pagtitinikling. Enjoy daw sila dahil sumasayaw lang sila, may bayad pa. Tinikling daw ang hiling sa kanila pagdating sa cultural presentation kahit hindi sila mananayaw.

Malaki na ang inabot ng tinikling sa diwa ng mga Hapon bilang halimbawa ng kulturang Pilipino.

Naipasa na sa ilang mga anak na Filipino-Japanese ang kulturang ito. At nagustuhan na rin ng mga Hapon ang tinikling.

Ang nangyari sa matsuri sa Kyoto ay malamang na paulit-ulit na nangyayari sa iba’t-ibang lugar sa Japan.

Masaya ang indayog ng tugtog, makulay ang damit ng mga naggagandahang mananayaw, at sumasama ang mga miron sa pagsayaw. Yan ang tinikling dito sa Japan.

No comments:

Post a Comment