Nang Dahil sa Facebook
Like.
"Super like ko yan, BFF!"
"Ang ganda-ganda mo talaga!!!"
"Pare, sino kasama mo sa picture? Hindi yata si Misis yan ah…"
"Happy birthday to the most beautiful girl in the world!"
"Ay, ang swerte mo naman --- may picture kayo ng ex kong si Gabby! hehehe"
Sigurado ako, pamilyar kayo sa mga ito:
• Pictures at sangkatutak na pictures ng apple-picking, grape-picking, pati na nose-picking
• Weekly FilCom events, birthday parties part 1 to part 5 to part di na mabilang
• Daily updates ng profile pictures
• Three…four…five times sa isang araw na pagpapalit ng status
• Bolahan sa comments section
• Sangkatutak na "like" ng pictures, status, at comments
• Daan-daan o libo-libong friends
Yan ang Facebook! Walang pinipiling edad, kasarian, estado sa buhay o ano pa man --- bata, matanda, may sariling computer or cellphone o wala --- kapag wala kang Facebook account, hindi ka in! Que sejodang makigamit ka pa ng phone ng iba o mag-ubos ng pera sa computer rental…makapag-Facebook lang!
Obviously, maraming napapala ang Facebook users kaya maraming naaadik dito. Nang dahil sa Facebook, nagkikita-kitang muli ang mga magkakaklase o school mates sa elementary, high school at college. Nang dahil sa Facebook, nakakapaglaro ng mga games ang mga bata o gustong bumalik sa pagkabata. Nang dahil sa Facebook, mas madali nang mag-invite sa mga events, at magpromote ng mga projects. Nang dahil sa Facebook, mas madali na'ng magkwento tungkol sa kanya-kanyang lakwatsa at adventures. Nang dahil sa Facebook, wala na'ng pwedeng makalimot ng birthday ng may birthday. Nang dahil sa Facebook, nagkakaroon ng support system ang mga pare-parehong nanay, o pare-parehong estudyante, o may pare-parehong hobbies. Nang dahil sa Facebook, sumisikat ang mga quotations na ginaya sa iba. Nang dahil sa Facebook, nagkakaboypren at gelpren ang mga single. Nang dahil sa Facebook, nagkakaroon ng extra boypren at gelpren ang mga kunwari single o aminadong double.
Kung minsan, nang dahil sa Facebook, nagkakabistuhan kung sino talaga ang mga single, double at extra double. Nang dahil sa Facebook, nawawalan ng trabaho ang mga nag-sick leave pero nabistong nakipag-date lang pala. Nang dahil sa Facebook, nabibisto ng mga nanay na may boypren na pala ang teenager nila. Nang dahil sa Facebook, nae-expel ang mga estudyanteng lumalabag sa school rules. Nang dahil sa Facebook, may mga friends o lovers na bigla na lang nag-aaway at nagpaparinigan sa status at comments. Nang dahil sa Facebook, hindi na nag-uusap ng harapan kahit mag-asawa. Nang dahil sa Facebook, maraming nakakalimot kumain o uminom o matulog dahil sa kakatingin ng pictures, kakabasa ng mga comments at kakasawsaw sa usapan ng may usapan na lalong nagiging sanhi ng paglaki ng away at chismis.
Anupa't tila hindi maipagkakaila ang influence ng social media sa ating pakikisalamuha sa tao at sa mga relasyong nabubuo, lumalago o nasisira ng dahil din dito. Maraming pindot na lang ng pindot ng "like" button kahit hindi naiintindihan ang post na sinasabi nyang gusto nya. Kung ang post pala ay "Kakali-bing lang ng pusa kong namatay sa cancer," ano ang likeable doon? May iba namang araw-araw kung mag-iba ng profile pictures para araw-araw din nyang nababasa ang mga comments na "Wow, ang ganda mo talaga! Bongga!" At mayroong ibang invite lang nang invite sa games para may makasama sya sa kanyang addiction sa paglalaro. At marami rin namang accept lang nang accept ng friends para humaba ang list of friends nila.
Walang masama sa mga ito. Kung minsan naiisip ko lang, sa dami ng friends sa Facebook na kasalamuha natin sa computer o cellphone, gaano talaga kalalim ang friendships sa pagitan ng bawat isa? Halimbawa, kung meron kang 5000 na "Facebook friends", ilan dito ang kalaro mo lang talaga sa virtual games? Ilan naman ang nilalampasan mong basahin sa News Feed dahil hindi ka naman talaga interesado sa buhay nila? Ilan ang pinagsasawaan mo nang makita dahil every two hours nag-a-update ng status? Ilan ang kinagigiliwan mo talagang kapalitan ng comments? Ilan ang tinitingnan mo lang ang pictures para may masagap na chismis? Ilan naman ang madalas mo talagang sinusubaybayan dahil ang mga posts nila ay nakakalibang, nakakatuwa, nakaka-inspire, nakaka-encourage o original nilang katha? Ilan sa 5000 ang enjoy ka talagang makita sa personal para makasamang magkape o kumain sa labas? Ilan ang lihim mong kinakainisan? Ilan ang inaanyayahan mo sa iyong tahanan? Ilan ang talagang malapit sa iyong puso? At ilan ang maaasahan mong tawagan sa oras na ang gusto mo ay higit sa virtual na "like" lamang, dahil kaila-ngan mo lang ng kausap tungkol sa kung anong malalim na bumabagabag sa iyong puso?
Maraming naaadik sa social media, particularly sa Facebook. Nang dahil sa Facebook, para bang magkakaibigan nga ang lahat ng tao sa napakalaking mundo. Sana lang, nang dahil sa Facebook, magkaroon nga tayo ng malalalim, malalago at meaningful na friendships sa bawat sariling maliit na mundo.
Like?
No comments:
Post a Comment